Kabanata 13

2.7K 104 3
                                    

Huminto ang tricycle sa tapat ng hindi pamilyar na bahay. Bago ito makaalis ay nagbayad muna si Dalia sa driver. Pinagmasdan muna namin ang tricycle hanggang sa tuluyan itong mawala sa paningin namin.

"Sigurado ka bang ito ang address ng bahay na 'yon?" tanong ko kay Dalia nang hindi tinatanggal ang tingin sa malaking bahay na nasa tapat namin.

"Wala ka bang tiwala sa skills ko pagdating sa pag-imbestiga?" pagmamayabang niya.

"Sabagay. Nalaman mo nga ang number ko." bulong ko na mukhang narinig niya.

"Yes! O 'di ba? Ang astig ko?"

Huminto kami sa pag-uusap dahil lumabas ang isang matandang babae mula sa gate. May dala siyang walis-tingting at dustpan. Base sa pananamit niya'y mukha siyang kasambahay.

Nang makita niya kami ay agad na kumunot ang noo niya. Saglit niyang binitawan ang dustpan at walis-tingting bago kami lapitan. "May kailangan po kayo?"

Nagkatinginan muna kami ni Dalia bago siya muling hinarap.

"Dito po ba nakatira ang mga magulang ni Sofia Castillo-Alejos?" tanong ko.

Nanlaki ang mata niya, tila hindi inasahan ang narinig. "Oo. Ano pong kailangan niyo kay Donya Victoria?"

"Gusto lang po sana namin siya makausap." Si Dalia ang nagsalita.

Nag-alangan ang matanda ngunit kalauna'y pinatuloy niya rin kami sa loob. Pagpasok ay bumungad sa 'min ang matandang babae na nakaupo sa rocking chair. Huminto kami ni Dalia sa tapat ng pintuan at hinayaan ang kasambahay na lapitan ang matandang babae.

"Donya Victoria, may bisita po kayo." anunsyo niya bago kami harapin. "Kayo na ang bahala sa kanya. Maiwan ko muna kayo rito. Maghahanda lang ako ng meryenda."

Tumango lang kami ni Dalia. Pag-alis niya, humakbang kami palapit kay Donya Victoria. Nakatitig ito sa kawalan at walang sigla ang mukha.

"M-Magandang umaga po.." nanginginig na sambit ni Dalia.

Sinamaan ko siya ng tingin. Nangusap naman ang mga mata niya sa 'kin na tila'y nagtatanong kung ano'ng ginawa niyang mali.

Bakit kasi hindi siya relax makipag-usap? Baka mamaya paalisin kami rito sa bahay nang 'di oras.

Tumikhim ako. Mukhang naagaw ko ang atensyon ni Lola Victoria nang maglabas ako ng papel upang iharap ito sa kanya. "Nandito po kami upang makausap kayo tungkol sa anak niyo. May alam po—"

"Sino kayo? Kaano-ano niyo si Piyang?"

Tumaas ang balahibo ko dahil sa lalim at sungit ng pananalita niya. Pakiramdam ko lalamunin niya ako ng buo. Naramdaman ko rin ang paghigpit ng kapit sa 'kin ni Dalia. Hinawi ko ang kamay niya upang makausap ng maayos si Donya Victoria. "Nandito po kami upang tulungan kayong hanapin siya."

Ang kaninang nakakatakot at nakakapanindig balahibo niyang awra ay mabilis napalitan nang kalungkutan. Hindi rin nakalagpas sa paningin ko ang nangingilid niyang luha habang nakatitig sa papel na hawak ko na may mukha ni Sofia.

"Wala na ang anak ko. Matagal na siyang patay."

Nanlaki ang mata ko at mabilis na napatingin kay Dalia na nagulat din sa narinig.

"Sigurado po ba kayong patay na siya? May nakita po ba kayong bangkay? Kung mayro'n, nasaan po ang bangkay niya?" sunod-sunod na tanong ni Dalia.

"Sigurado ako dahil ako mismo ang nagpa-imbestiga sa anak kong halos hindi na makilala dahil sa sunog nitong katawan." maluha-luha niyang sambit.

Napailing ako. Hindi ko maintindihan. Kung nakita ang bangkay niya, bakit hindi ito alam ni Jose?

"Sunog na katawan? Ano po ba'ng nangyari?" tanong muli ni Dalia.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon