Kabanata 40

2K 91 4
                                    

Aminin man natin o hindi, marami tayong nagagawa o nasasabi sa oras na maramdaman ang matinding galit. Maaaring hindi na natin makilala ang ating sarili. Dalawa lang ang paraan para maiwasan ito: move forward without closure or listen, move-on and let go. Kung ako ang tatanungin, hindi ko alam. Hindi ko alam kung saan ko pwedeng ilugar o ibunton ang matinding galit na nararamdaman ko ngayon.

Nasa harap ko ang babaeng kasabwat ng lalaking may gawa ng lahat ng paghihirap na nararanasan ko at ng mga inosenteng tao. Marami nang namatay kapalit ng hangarin nilang maupo sa pinakamataas na posisyon upang samsamin ang kayamanan na hindi nila pag-aari.

Ngunit hindi ko alam kung bakit kahit gusto kong sampalin ang babaeng ito, hindi ko magawang itaas ang kamay ko at ipadampi ito sa pisngi niya. Alam ng Diyos kung gaano ko kagustong makamit ang hustisya at kapayapaan. Kating-kati ako ilagay sa kamay ko ang batas ngunit alam kong hindi 'yon ang tamang paraan. Oo, alam ko. Mali ang naiisip ko ngunit hindi niyo ako masisisi dahil masyadong masakit.

Dati, nagagawa ko pang matulog ng mahimbing sa gabi nang hindi iniisip kung may gusto bang pumatay sa 'kin, masabugan ng bomba, o may bumaril sa akin sa ulo. Ngayon iba na. Marami nang nagbago. Walang pwede matulog ng mahimbing. Hindi ka pwedeng mapagod. Kailangan palagi kang gising at nakatingin sa paligid kung sakaling may kaaway o panganib na aatake sa 'yo. Kung ganito ang nararamdaman ko, paano pa ang mga inosenteng tao? Mga bata? Pamilya?

Tumulo ang luha ko habang nakatitig sa babaeng nakagapos at mahimbing na natutulog. Paano mo nagawa 'to, Emilia?

"She doesn't deserve your tears so please, just stop. You have to be brave, Carina. Remember, the lives of your people are now in your hands." Si Nathalia.

Pinunasan ko ang luhang lumandas sa pisngi ko. Tama siya, kailangan ko maging matapang.

Ilang saglit pa'y nagising na si Emilia. Nanlaki ang mata niya nang makita kaming tatlo nina Jose at Nathalia sa harap niya.

"I thought I need to look for a prince to kiss and wake you up." nakahalukipkip na sambit ni Nathalia.

"N-Nasaan ako? M-Ms. Carina, tulungan niyo po ako!" pagsusumamo ni Emilia.

Mapaklang natawa si Nathalia. Naiyukom ko naman ang aking kamao. "Such a good actress. Tell me, magkano ang ibinayad sa 'yo ni Frank para sa talent fee mo? Is it double the price of your salary? Or triple?"

Kumunot ang noo ni Emilia. Ang dating maamo at malumanay niyang mukha ay mabilis nawala at napalitaan ng matinding galit. Para bang nayurakan ang pagkatao niya nang marinig ang mga sinabi ni Nathalia.

"Nat.." mahinang saway ni Jose. "Tama na."

Tumaas ang kilay ni Nathalia. "Don't tell me naawa kayo sa babaeng ito?" inis na sambit niya. Binalingan niya rin ako ng tingin. "Carina, ano?"

Hindi ko siya pinansin. Nakatitig lang ako kay Emilia at gano'n din ito sa 'kin. Para ngang biglang nawala ang galit sa mga mata niya. Pagsusumamo na ngayon ang nababasa ko sa kanyang mukha.

Huminga ako ng malalim at pinilit kalimutan pansamantala ang galit upang makausap siya ng maayos. Hanggat maaari, iniiwasan ko ring madala sa pagpapaawa niya.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa," sambit ko. "Kung gusto mong pakawalan ka namin, gagawin mo ang gusto namin."

Inasahan kong tatanggi siya ngunit kabaligtaran ang nangyari. Tumango siya at mukhang desperadong gawin ang lahat upang matulungan kami.

"Lahat gagawin ko para sa 'yo, Ms. Carina." naiiyak niyang sambit.

Nag-igting ang panga ko habang pilit pinipigilan ang pag-iyak. Naiinis ako kasi hindi ko alam kung bakit ito ang nararamdaman ko sa babaeng ito.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon