"Maraming salamat po." magalang na sambit ni Jose pagkatapos tanggapin ang pagkain at gamot na binigay ni Nanay Rosing.
"Walang anuman. Magpagaling ka, ha."
"Opo."
"O sige, aalis na ako. Baka hinahanap na rin ako ng Tatay Kaloy niyo. Hindi kasi ako nagpaalam sa kanya na aalis ako." natatawang wika ni Nanay Rosing.
"Sige po. Mag-ingat po kayo."
Pagkaalis ni Nanay Rosing ay sinara na ni Jose ang pinto. Binaba niya ang pagkain at gamot sa lamesa bago ako balingan ng tingin. "Sinabi mo talaga na may sakit ako?"
Umupo ako sa upuan sa harap ng lamesa. "Ang kulit mo kasi. Sinabi ko na sa 'yo na huwag kang magluluto o gumawa ng kahit ano rito sa bahay hanggat hindi nawawala ang lagnat mo pero hindi mo 'ko pinapakinggan."
Kinalikot ko ang pagkain na nasa lamesa. Pancit Palabok at Sinigang na Baboy ang binigay ni Nanay Rosing. Nagbigay rin siya ng halamang gamot na pakukuluan ni Jose para mabilis mawala ang lagnat niya. Hindi ko lang alam kung malunggay ba ang halamang ito o hindi.
Naramdaman kong tumabi sa 'kin si Jose ngunit nanatili ang atensyon ko sa Pancit Palabok. Nakakagutom ito tignan!
"Paano tayo mabubuhay kung hindi ako magluluto?" tanong niya bago ilapit sa 'kin ang Pancit Palabok.
Kinuha ko ang tinidor at pinaikot doon ang pancit bago ito kainin. "Huwag na natin pag-usapan 'yon. Kumain ka nalang diyan."
Ginaya niya ang ginawa ko. Pinaikot niya rin ang pancit sa kanyang tinidor at agad itong kinain. Sabay naming pinagsaluhan ang tanghalian.
Habang kumakain ay nagke-kwento siya ng kung ano-ano ngunit hindi ko 'yon naiintindihan. Bukod sa abala ako sa pagkain, hindi rin nawala sa isip ko ang inamin niya sa 'kin no'ng isang araw.
May namagitan sa kanila ni Sofia, ang asawa ng namatay niyang kapatid at nanay ni Kiko.
Hindi niya kinuwento sa akin ang buong detalye dahil ayaw kong marinig. Sapat na sa 'kin ang pagsabi niya ng totoo tungkol sa nakaraan niya dahil baka hindi ko na kayanin kapag nagkwento pa siya. Hays. Kasalanan ko ang lahat ng ito. Kung hindi ako nagtanong, hindi sana ako maaapektuhan ng ganito.
"Ang tagal mo naman kumain." Dahil doon ay binilisan kong kumain. Ramdam kong nakatitig siya sa 'kin kaya medyo nakaramdam ako ng pagkailang. "Pagkatapos mong kumain, may pupuntahan tayo."
Umangat ang tingin ko sa kanya. Nakangiti siya ngunit hindi masaya ang mga mata niya. Hindi ko alam kung dala lang ba ito ng sakit niya o sadyang malungkot talaga siya. Pero bakit?
Pagkatapos kumain ay naligo muna kami bago umalis. Paglabas ng bahay ay tinahak namin ang daan papunta sa sapa. Nakatingin lang ako kay Jose na ngayo'y nangunguna sa paglalakad.
"Bakit tayo pupunta sa sapa? Naligo na tayo, 'di ba?" tanong ko.
Huminto siya sa paglalakad upang lingunin ako. Nakita ko ang bahagyang ngiti sa kanyang labi bago hawakan ang kamay ko at marahang hilahin papunta sa tabi niya. Medyo nagulat pa ako ro'n ngunit hindi ko pinahalata.
"Bilisan nalang natin ang paglalakad habang hindi pa hapon." aniya.
Hindi na lang ako nagsalita. Muli niyang inumpisahan ang paglalakad nang hindi binibitawan ang kamay ko. Ang init ng kamay niya kaya napaalalahan ako na may sakit siya. Ano ba kasing gagawin namin sa sapa at mas pinili pa niyang magpunta kami ro'n kaysa magpahinga?
Lumipas ang dalawang oras bago kami nakarating sa sapa. Kahit pangalawang beses ko na itong nakita, namamangha pa rin ako. Ang sikat ng araw ay nakikita sa repleksyon ng tubig kaya kumikislap ito. Ang agos ng tubig at bawat paghampas nito sa bato'y tila musika sa aking pandinig.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AçãoThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...