"Maraming salamat po, doc." tinig ni Frank
"Walang anuman, sir. Slight injury lang naman po ang nakuha niya. Pahinga lang po ang kailangan tapos pwede na siya ulit makalakad ng maayos." paliwanag ng doktor.
"Okay po. Salamat ulit."
Tumango lang ang doktor at naglakad na palabas ng bahay. Binalingan naman ako ng tingin ni Frank na ngayo'y nakatayo sa harap ko. Sinandal ko ang aking likod sa sofa at kinuha ang pinakamalapit na unan sa tabi para ipatong sa hita ko.
"Ano ba'ng nangyari sa 'yo? Bakit ka napilayan?" tanong niya.
Niyakap ko ang unan at tamad na tumingin sa kanya. "Tumakbo kami—este—ako. Tumakbo ako papunta sa likod ng garden para tumakas."
Kinagat ko ang aking ibabang labi. Muntik na akong madulas at baka isipin pa niya na may kasama ako sa pagtakas. Walang pwedeng makaalam na kasama ko si Dalia. Kapag nangyari 'yon, baka malaman pa ito ni Tito VG.
"Hindi ka manlang binigyan ng first aid ni Julius?"
Natawa ako ng mapakla. Ano ba'ng aasahan niya sa isang sinungaling?
"Kaya ko ang sarili ko."
Hindi ko alam kung bakit hindi ko sinabi ang totoo kay Frank. Siguro kasi ayaw kong makialam sa buhay ng iba. At isa pa, wala akong pakialam sa pangalan ng kahit na sino. Ang importante sa 'kin, magawa ko ang gusto ko nang walang hadlang.
"Sige na, ihahatid na kita sa kwarto mo para makapagpahinga ka na."
Muli akong binuhat ni Frank para dalhin sa kwarto. Sumama sa amin si Emilia, ang aking tagapagsilbi. Actually, dalawa sila. Pinalayas ko lang ang isa dahil wala akong ibang narinig kundi reklamo. Nakakainis lang, 'di ba? Kung ayaw niyang maging katulong, sana hindi na lang siya nag-apply.
Pagdating sa kwarto, binaba agad ako ni Frank sa kama. "Pupuntahan ulit kita rito bukas. Matulog ka na."
Kumunot ang noo ko. "Bakit pupunta ka pa rito bukas? Hindi mo ba tutulungan si Uncle Crisanto sa opisina?"
Sa aming magpipinsan, si Frank lang ang interesado sa politika. Actually, gusto niyang sumunod sa yapak ng tatay niya. Bata pa lang kami, wala siyang ibang ginawa kundi makinig sa kwento ni Uncle Crisanto tungkol sa pamamalakad ng gobyerno sa Pilipinas. Total opposite talaga kami pero hindi ko alam kung bakit kami magkasundo.
"Hindi muna ako pupunta bukas sa Santa Fe. Mas kailangan ako ng pinsan ko." aniya sabay kindat.
Natatawang binato ko sa kanya ang aking unan. "Ano'ng akala mo sa 'kin, bata?"
"Isip-bata, oo."
Siningkitan mo siya ng mata. "Lumayas ka na nga! Matutulog na ako."
Tinawanan niya ako. "Good night!"
Paglabas niya ng kwarto, binalingan ko ng tingin si Emilia na kumukuha ng damit sa cabinet ko para ibigay sa 'kin. Halos kasing-edad ko lang si Emilia at sa lahat ng tagapagsilbi na dumaan sa 'kin, siya ang pinakabata. Kaya siguro mas okay siya kumpara sa lahat dahil nagagawa niya ang mga bagay na sakto sa panlasa ko. I mean, hindi ako na-i-stress sa kanya.
"Tutulungan ko na po kayong maglinis ng katawan, Ms. Carina." Humakbang siya palapit sa 'kin at dahan-dahan akong inalalayan papunta sa paliguan.
Pagpasok sa CR, napapikit ako dahil sobrang refreshing ng ambiance na bumungad sa 'kin. Napangiti ako nang makitang may tubig na ang bathtub. May red rose petals pa! Talagang kuhang-kuha ni Emilia ang kiliti ko pagdating sa serbisyo.
Maingat niya akong inalalayan sa gilid ng bathtub hanggang sa paghubad ng damit. Masyadong mahinhin ang kilos niya at kung titignan, mukha siyang hindi makabasag-pinggan. Naaalala ko pa dati kapag sinisigawan ko siya, palagi talaga siyang umiiyak. Hindi naman ako nakaramdam ng konsensya kasi kung ayaw niya magtrabaho sa 'kin, pwede naman siyang umalis. Hindi siya kawalan.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AçãoThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...