Nagising ako nang maramdaman ang mahinang paggalaw ng kama. Nakita ko si Jose na bumangon at maingat hinahawi ang kulambo. Gumalaw ako kaya natigilan siya at napatingin sa 'kin. Mabilis na umusbong ang ngiti sa labi niya nang magtama ang mata namin.
"Nagising ba kita?" tanong niya.
Bumangon ako upang pantayan siya. Binitawan naman niya ang kulambo at hinarap ako ng maayos. Parehas na kami ngayon naka-indian seat sa kama.
"Hindi naman. Ano'ng oras na?" tanong ko.
Napatingin siya sa kanyang wrist watch. "6:00AM."
Tumango ako. Natigilan kami parehas nang marinig ang pagkalam ng sikmura ko. Bahagya siyang natawa dahilan para balutan ako ng kahihiyan.
"Dito ka lang, mamamalengke muna ako." aniya.
Nagsalubong ang dalawang kilay ko. "Iiwan mo ako?"
"Mamamalengke lang ako para makapagluto ng pagkain natin. Huwag kang mag-alala, babalik ako." nakangiti niyang sinabi.
"Sasama ako sa 'yo."
Mas lalo siyang natawa. "Hindi ka sanay magpunta sa gano'ng klaseng lugar."
"Paano ako masasanay kung hindi mo 'ko isasama?"
Bumuntong-hininga siya at marahang hinawakan ang dalawa kong kamay. "Dadating si Calista rito mamaya. Kailangan may tao sa bahay pagdating niya kaya gusto kong nandito ka lang."
Nagulat ako ngunit hindi ko pinahalata. Ano'ng gagawin ni Calista rito? Akala ko ba walang pwedeng makaalam kung nasaan ako hanggat hindi pa maayos ang lahat?
Tumayo na si Jose at marahang inalis ang kulambong nakakabit. Tinupi niya ito at pinatong sa unan. Nanatili naman akong nakaupo sa ibabaw ng kama habang nakatitig sa kanya.
"Aalis na ako. Huwag kang aalis dito sa bahay. Gusto ko pagdating ko ikaw agad ang makikita ko."
Tumayo na rin ako upang pantayan siya. Humalukipkip ako habang nakatitig ng diretso sa mga mata niya. "Kailangan makabalik ka agad dito bago mag alas-siyete ng umaga dahil kung hindi, pupuntahan kita sa palengke."
Natawa siya at marahang ginulo ang aking buhok. "Pasaway ka talaga."
Pag-alis niya'y bigla kong naramdaman ang lungkot. Alam ko namang babalik siya ngunit hindi ko talaga maiwasang malungkot dahil ako lang ang naiwan dito sa bahay mag-isa. May cellphone ako pero walang internet at games. Wala ring TV o kaya'y radyo na pwedeng magbigay ng ingay rito sa bahay. Akala ko dati boring na ang paninirahan ko sa mansyon. Hindi ko akalain na may mas bo-boring pa pala ro'n.
Pinagmasdan ko ang paligid ng bahay. Nakatiwangwang ang mga damit namin ni Jose sa lamesa. Nakikita ko na rin ang alikabok at nagkalat na pinagkainan namin ni Jose kahapon. Napangisi ako. Mukhang may pagkakaabalahan na ako habang naghihintay sa kanya.
Nilapitan ko ang mga maduduming damit at maayos itong tinupi upang ilagay sa bayong. Ang mga malilinis na damit naman ay nilagay ko sa loob ng drawer. Sunod kong niligpit ang mga dahon ng saging at kaldero na ginamit namin kahapon. Tinapon at hinugasan ko ang mga pinagkainan namin. Pinunasan ko rin ang lamesa at naglinis pa ng ibang bahagi rito sa bahay.
Dahil sa kaliitan ay halos tatlumpung minuto lang ang nagamit kong oras upang tapusin ang paglilinis. Pabagsak akong umupo sa kahoy na upuan at marahang hinawi ang namuong pawis sa aking leeg at noo.
Bigla kong naisip si Emilia. Araw-araw siyang naglilinis ng bahay ngunit wala akong narinig na reklamo sa kanya. Ganito pala kahirap ang trabaho niya. Ako, tatlumpung minutong oras lang ang nagugol ko sa paglilinis pero napagod agad ako. Paano pa kaya siya na halos buong maghapon gumagawa ng gawaing-bahay?
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...