Dahan-dahan ko iminulat ang mga mata ko nang makaramdam ng matinding pananakit ng katawan. Pakiramdam ko'y dinaganan ako ng sampung tao sa likod dahil sa sobrang sakit.
Inilibot ko ang namumungay kong mga mata sa paligid. Mainit at madilim. Tanging ilaw mula sa siwang sa ilalim ng pintuan lang ang nagbibigay ng liwanag dito sa loob. Naramdaman ko ring nakagapos ang mga kamay at paa ko. Nakaupo lang din ako sa malamig na semento habang nakasandal ang likod sa pader.
"Tulong.." halos pabulong kong sinabi.
May makakarinig kaya sa akin dito? Ito na ba ang katapusan ko?
Ilang sandali pa'y narinig ko ang mahinang tunog ng walkie-talkie sa bulsa ko. Maingat kong inangat ang hita ko upang kuhain ito sa suot kong pantalon. Hininaan ko ang volume nito upang hindi maglikha ng ingay.
"Carina?"
Mabilis na nangilid ang luha ko nang marinig ang boses ni Jose. Pakiramdam ko sobrang tagal naming hindi nag-usap dahil sa dami ng nangyari.
"Carina, kumusta ka riyan? S-Sana maayos ang iyong kalagayan.."
Gusto kong sumagot ngunit mas pinili kong makinig. Hindi niya pwedeng malaman kung ano'ng kondisyon ko ngayon. Ayaw kong ilagay sa alanganin ang buhay niya.
"Hindi ko alam kung naririnig mo ito pero sana naririnig mo. Naalala mo pa ba ang usapan natin tungkol sa sapa? Hindi ko pa nakakalimutan 'yon. Ayaw ko lang ipaalala sa 'yo kasi alam kong masyadong okupado ang utak mo dahil sa mga nangyayari ngayon.."
Oo, Jose. Naririnig kita at hindi ko pa nakakalimutan ang usapan natin na babalik tayo sa sapa.
"Hihintayin kita ro'n sa araw ng kaarawan ko. Pangako.."
Ito ang pangatlong beses na tumawag sa akin si Jose at ito na rin yata ang huling beses na maririnig ko ang boses niya. Pakiramdam ko'y parang pinipiga ang puso ko. Gusto ko siyang kausapin. Gusto kong magsumbong tungkol sa kalagayan ko ngayon. Gusto kong malaman niya kung gaano ko siya kamahal hanggang ngayon.
Ngunit kailangan kong pigilan ang sarili ko. Natatakot ako sa pwede niyang gawin. Marami na siyang sinalo para protektahan ako. Sa ngayon, ako naman. Sasaluhin ko ang lahat para sa kanya. Hindi ako makakapayag na dumampi ulit ang kamay ni Frank sa taong mahal ko.
Nilipat ko ang channel ng walkie-talkie upang kausapin ang kaisa-isang taong makakatulong sa akin ngayon.
"Valkyrie. This is Juliet. Over."
Ilang segundo lang ay narinig ko na ang boses ni Calista. "M-Ms. Carina? Nasaan ka?"
"Magpunta ka sa mansyon at pumasok ka sa opisina ni Papa. May drawer sa ilalim ng lamesa na naglalaman ng mga impormasyon ng mga dating sundalo at kanditato noong nakaraang eleksyon. Kuhain mo lahat 'yon." utos ko sa kanya.
"Copy. Pero.. nasaan ka nga? Nabalitaan ko ang nangyari sa loob ng mansyon."
Hindi ko na sinagot ang tanong niya. Pinatay ko ang walkie-talkie at hinagis ito sa kung saan. Naglikha 'yon ng ingay kaya biglang bumukas ang pinto. Nasilaw ako kaya agad kong hinarang ang kamay ko upang matanaw lalaking pumasok.
"Sir, gising na po siya." rinig kong sambit niya sa kanyang walkie-talkie.
Ilang saglit pa'y umalis na siya sa harap ko ngunit nanatiling bukas ang pinto. Mayamaya'y naaninag ko naman ang isang lalaking mabilis kong nakilala. Nakabawi agad ang mga mata ko mula sa silaw ng ilaw kaya agad kong namukhaan ang taong nasa harap ko.
"Saan mo ako dinala, Frank?" tanong ko.
"Hindi ka manlang ba magmamakaawa sa akin na palayain kita?" nakangisi niyang sinabi.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...