Pagbalik sa mansyon, pagkain agad ang hinanap ko. Humiwalay ako kay Jose upang dumiretso sa kusina at maghanap ng pwedeng kainin ngunit nabigo ako.
"Gaya ng sabi ko sa 'yo kanina, walang kasambahay rito kaya wala ring pagkaing nakatago sa kusina." tinig ni Jose.
"Paano 'yong mga guards na nagbabantay sa labas? Hindi sila kumakain gano'n ba?" pabalang kong tanong.
"Nagpapadala lang ng pagkain ang Papa mo para sa kanila. Minsan nama'y nagpupunta sila sa bayan para kumain."
Humalukipkip ako at tinaasan siya ng kilay. "So, paano ako kakain? Hindi ako pwedeng magutom, Jose."
Tumawa siya kaya mas lalo akong nainis. Ano'ng nakakatawa?
"Mayro'n akong naisip na paraan para makakain ka kaya lang lalabas tayo ng mansyon."
"May choice ba ako?" tugon ko bago naglakad palabas ng kusina.
Bumalik kami sa sasakyan. Pagpihit niya sa susi, parehas kaming natigilan dahil hindi umandar ang makina.
"Ano'ng problema?" Hindi ko na napigilang magtanong.
"Mukhang nawalan tayo ng gas."
Nanlaki ang mata ko. "Ano?"
Lumingon siya sa 'kin at tipid na ngumiti. "Antayin mo 'ko rito. Hihingi lang ako ng tulong sa mga guards sa labas."
Paglabas niya, binuksan ko agad ang bintana para sulyapan siya.
"Ano'ng sabi?" tanong ko pagbalik niya.
"Wala raw gasoline station dito. Kung magpapabili tayo ng gas sa San Rafael, siguradong aabutin pa 'yon ng ilang oras bago makarating sa San Jose. Kaya mo bang maghintay?"
Naningkit ang mata ko. "Ano'ng klaseng bodyguard ka at hindi mo muna chine-check ang sasakyan bago ito gamitin? Gutom na gutom na ako tapos may gana ka pang paghintayin ako?"
Inasahan ko ang matalim niyang titig sa 'kin ngunit hindi ko iyon nakita. Ngumiti lang siya bago muling nagsalita, "May naisip akong paraan para makakain ka na, mahal na prinsesa."
Tinaasan ko siya ng kilay. "Inaasar mo ba ako?"
Hindi siya kumibo. Lumabas siya ng sasakyan kaya lumabas na rin ako. Padabog kong sinara ang pinto bago siya lapitan. "Saan tayo pupunta?"
Hindi na naman siya nagsalita. Naglakad siya palapit sa guard na nilapitan niya kanina. "Lalabas lang kami ni Ms. Carina saglit. Kapag hindi kami nakabalik mamayang 17:00 dito, sabihin mo kay Sir Frank na nawalan ng gas ang sasakyan." bilin ni Jose.
"Yes, sir."
Paglabas namin ng mansyon, tumawid siya sa kabilang kalsada. Nakasunod pa rin ako sa kanya kahit wala akong alam kung saan niya ako dadalhin.
"Saan ba tayo pupunta?" naiinip kong tanong.
"Sa bayan." tipid niyang sagot nang hindi manlang ako binabalingan ng tingin. Masyadong abala ang mata niya sa pag-abang ng sasakyang dadaan sa harap namin.
"May fast food chain ba ro'n?"
"Mas masarap pa sa pagkaing galing sa fast food chain ang nando'n."
Seryoso ba siya? Sana oo dahil nagugutom na talaga ako. Kung hindi pa ako makakakain ay hindi ko na alam kung ano'ng mangyayari sa 'kin.
Napatingin ako kay Jose nang itaas niya ang kanyang kamay upang tumawag ng pansin sa sasakyang may layo ng ilang metro mula sa pwesto namin.
Habang palapit ang sasakyan, unti-unting tumataas ang kilay ko. Huminto ito sa harap namin kaya hinarap ko na si Jose. "Seryoso ka bang pasasakayin mo ako sa jeep?"
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AcciónThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...