Kabanata 19

2.5K 108 6
                                    

Diretso at seryoso ang mga titig ni Jose na bumabaon sa akin. Hindi ako makagalaw. Hindi ako makapaniwala na nandito siya harap ko. Paano? Paano niya nalaman na nandito ako? Sinusundan ba niya ako?

Napaupo ako kaya agad niya akong nilapitan. Lumuhod siya upang pumantay sa 'kin. Ibinaba niya ang baril sa lupa at hinawakan ang nanginginig kong kamay. "Huwag kang mag-alala, ilalabas ko kayo ni Piyang dito."

Alam niya rin? Alam niyang nandito ako para kay Sofia?

Magsasalita pa lang sana ako nang biglang tumunog ang cellphone niya. Kinuha niya ito sa bulsa at sinagot ang tawag. Ni-loud speaker pa niya ito dahil sa ingay ng paligid.

"Nakuha na namin si Piyang, Bok. Nasa'n ka na? Kasama mo ba si Ms. Carina?" boses ni Calista.

"Sino ang nagpaputok ng baril?! Galing ba sa inyo 'yon?!"

Nabigla ako sa sigaw niya. Simula nang makilala ko si Jose, ngayon ko lang siya nakita na ganito kagalit. Halos hindi ko siya makilala. Nanginginig ang kamay niya at umiigting ang panga habang kausap si Calista sa kabilang linya.

"Hindi namin alam! Kaya nga nagmadali na kami kunin si Piyang dahil nagkakagulo na ngayon sa labas. Nandito na rin si Donya Victoria at nagsama pa siya ng mas maraming tauhan. Hindi natin sila kayang patumbahin kaya kailangan na nating umalis!"

"Nasaan si Inspector Manuel Sandoval?"

"Kinausap siya ni Petrio at nagpakilalang kakampi ito. Sinabi rin niya na kailangan na umalis ni Manuel bago pa may makakilala sa kanyang mga pulis. Hindi siya pwedeng mahuli sa solo operation na ginawa niya."

Tumango si Jose at pinakalma ang sarili na animo'y parang nasa harap niya si Calista. "Sige, iaalis ko na si Ms. Carina rito."

Binaba niya ang tawag. Nagtama muli ang mata namin ngunit wala na ang galit doon. Punong-puno na ito ng pagkabahala.

"Ligtas na si Piyang. Kailangan na nating umalis." aniya bago muling pinulot ang baril at tinago sa gilid ng kanyang pantalon.

Tumango ako. Hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako patayo upang tumakbo palabas ng farm.

Parehas kaming nakayuko habang naririnig ang sunod-sunod na putukan ng baril sa paligid. Sinubukan kong sumilip kung ano'ng nangyayari hanggang sa makita ko ang mga pulis na pinapatamaan ng baril ang mga naka-itim na lalaki at may bandana sa ulo.

"Mga rebelde.." rinig kong sambit ni Jose.

Nagpatuloy kami sa pagtakbo hanggang sa makalabas nang tuluyan sa farm. Paglabas ay tumambad sa 'min ang sasakyan ng mga pulis na nakaparada. Nilagpasan namin ang mga ito hanggang sa makarating sa sasakyan ni Manuel.

Nanlaki ang mata ko nang makitang basag na ang bintana nito. Nasa loob na rin sina Calista at Miguel kasama si Piyang na walang malay.

"Nasaan sina Petrio at Manuel?" tanong ni Jose.

"Bumalik si Manuel sa loob dahil ililigtas daw niya si Ms. Carina. Sinubukan siyang pigilan ni Petrio pero hindi ito nagpatinag. Hanggang ngayon hindi pa rin sila bumabalik." paliwanag ni Miguel.

Nagkatinginan kami ni Jose.

"Babalik ako sa loob." aniya. "Umalis na kayo rito at ilayo si Piyang. Posibleng makuha pa siya ni Donya Victoria kapag nakita niya kayo rito."

Umiling ako. "Hindi. Hihintayin namin kayo—"

"Ms. Carina, kailangan niyo na umalis. Pakiusap."

Kinagat ko ang ibabang labi ko at mariing kumontra sa plano niya. "Hindi kami aalis dito hanggat hindi namin kayo kasama!"

Hindi siya nagsalita. Sinenyasan lang niya si Miguel na ngayo'y nasa likod ko na pala. Hinawakan niya ako at sapilitang pinasok sa loob ng kotse. Nagpumiglas ako ngunit masyado siyang malakas kaya hindi ako nakapalag.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon