Dinala ako ni Julius sa isang pamilyar na lugar—kung saan nila ako dinala ni Dalia noon. Tipid akong napangiti nang masilayan ang malaking puno na napaliligiran ng mga alitaptap.
"Carina!" Pinagmasdan ko si Dalia na ngayong dahan-dahang lumalapit sa akin. Sinalubong niya ako ng mahigpit na yakap. "Kumusta ka? Ayos ka lang ba?"
Nang hindi ako makasagot ay si Julius ang sunod niyang binalingan ng tingin ngunit gaya ko'y hindi ito nagsalita. Naglakad lang siya papunta sa ilalim ng puno at doon umupo.
"Halika, magpahinga ka muna." aya ni Dalia.
Hinila niya ako papunta sa ilalim ng puno kung saan nando'n ang ginawa nilang pinagtagpi-taping tuyong dahon upang makagawa ng masisilungan.
"Dito muna kayo. Hahanap lang ako ng makakain." sambit ni Julius.
Hindi na niya kami hinintay pang magsalita. Naglakad na lang siya papunta sa masukal na gubat hanggang sa hindi na namin siya matanaw dahil sa kadiliman.
"What happened?" nag-aalalang tanong ni Dalia.
Nilingon ko siya at sa pagkakataong 'yon, muli ko na namang naalala kung paano namatay si Helen sa tabi ko. Wala akong nagawa. Namatay na lang siya ng gano'n lang. Namatay siya na ang tanging nasa isip ay ang kaligtasan ko.
Kumuyom ang kamao ko nang maramdaman muli ang pag-gapang ng galit sa dibdib ko. Hinding-hindi ko malilimutan ang araw na ito. Mananatili sa isip at puso ko kung paano nawala sa akin ang mga taong naging parte ng buhay ko para kapag nakaharap ko na ang mga taong nasa likod ng lahat ng ito, hinding-hindi ako magdadalawang isip na iparanas sa kanila ang sakit na naranasan ko.
Buhay ang nawala, buhay rin ang kapalit.
"Carina.." tinig muli ni Dalia bago hawakan ang nakakuyom kong kamao. "Ano ba'ng nangyari? Magsalita ka naman please.."
Gustuhin ko mang magsalita ngunit pakiramdam ko'y nawalan ako ng lakas. Nagbabadya muling bumuhos ang aking mga luha hanggang sa hindi ko na ito napigilan. Humagulgol ako sa harap niya. Mabilis niya akong niyakap at marahang hinagod ang aking likod upang patahanin ako ngunit nabigo siya. Katumbas ng mga hagod na 'yon ay ang pagpapaalala sa akin kung gaano kasakit mabuhay kapalit ng buhay ng iba.
"Sige lang, iiyak mo lang 'yan. Nandito ako.."
Ang sakit. Sobrang sakit.
Niyakap ko pabalik si Dalia at mariing sumubsob sa kanyang balikat. Sigurado akong basang-basa na ang kanyang damit dahil sa mga luha ko ngunit tila nawalan ako ng pakialam doon. Gusto ko lang talaga umiyak. Gusto ko lang ilabas yung sakit. Gusto ko lang maging totoo sa sarili ko, kahit ngayon lang. Gusto ko lang magpakatotoo na ang isang Carina Manuel Concepcion ay hindi palaging malakas, matapang, at kaya ang kanyang sarili. Ang totoong ako ay ngayon ko pa lang nakilala.
Kinabukasan ay nagising ako na handa na lahat ng mga gamit na kakailanganin ko sa pagsasanay humawak ng baril. Nakatingin sa akin si Dalia na punong-puno ng pag-aalala ngunit nginitian ko lamang siya.
"Ang paghawak ng baril ng nangangailangan ng lakas ng loob at malalim na pag-aaral. Palagi mong tatandaan na ang kaligtasan sa pag hawak ng baril ay nakasalalay sa humahawak nito." wika ni Julius habang paulit-ulit tinatanggal at kinakabit ang bala sa baril.
Nang magaya ko na ang kanyang ginagawa'y binalingan niya ako ng tingin. Kagaya kanina'y wala pa ring emosyon ang mga mata niya. Sunod na bumaling ang kanyang tingin sa mga bato na nasa 'di kalayuan na magsisilbi naming target. Humarap si Julius doon at mariing inasinta ang kanyang target.
"Alamin mo ang iyong target at kung saan ito naka-pwesto. Palagi mong sisiguraduhin na walang kahit anong bagay o buhay ang makikita na lagpas sa iyong target."
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AçãoThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...