"Sabi ko na nga ba, kakausapin mo rin ako." nakangising bungad ni Dalia pagpasok sa kwarto ko.
Isinandal ko ang likod sa headboard ng kama at inabangan siyang makarating sa pwesto ko. Nang tuluyang makalapit, umupo siya sa kama sa bandang paanan ko. Gaya ng ginawa niya kanina, hinubad niya ulit ang kanyang sapatos at nag indian seat. Feel-at-home na feel-at-home talaga siya.
"Bakit mo sinabi kay Frank na magkasama tayo kagabi tumakas?" tanong ko.
"Para kausapin mo ako."
Tumaas ang kilay ko. "Bakit ba gusto mong kausapin kita?"
"Kasi nga magkaibigan na tayo!" magiliw niyang sinabi.
Bumagsak ang balikat ko at nagpakawala ng mabigat na buntong-hininga. Na-i-stress na ako sa babaeng ito. Bakit ba hindi na lang niya ako lubayan?
"Alam mo ba kung ano'ng ginawa mo? Kapag nalaman nila Papa na kasama kita, malalaman din ng Tito VG na tumakas ka kagabi. Mapapagalitan ka nila!"
Kumunot ang noo niya. "So, what? Wala naman akong pakialam."
Naging seryoso ang mukha ko. Nakita ko sa katauhan niya ang sarili ko dahil sa inaasal niya ngayon. Hindi ako makapaniwala na makakakilala ako ng babaeng kagaya ko.
Mukhang in some part, may same thing in common nga kami. Pero hindi lahat! Hindi naman ako madaldal gaya niya!
"Bakit nga pala sinabi mo na si Kuya Julius ang nakakita sa 'yo kagabi?" tanong niya.
"Wala akong sinasabi na kuya mo ang nakakita sa 'kin. Siya lang ang nagsabi kay Frank."
"Sinabi ni kuya 'yon?"
Tumango ako. "Oo. Sinungaling ang kuya mo."
Saglit siyang natahimik bago tumawa. Hindi ko inasahan ang reaksyon niya dahil akala ko magagalit siya sa 'kin. Medyo abnormal din pala ang babaeng ito.
"Mukhang tinamaan na sa 'yo ang kuya ko, Carina."
Tumaas ang kilay ko. "Tama bang dahilan 'yon para magsinungaling siya sa pamilya ko? At isa pa, wala akong pakialam sa nararamdaman niya kaya dapat na niyang kalimutan 'yon."
Tumango siya. "Kawawa naman ang kuya ko, basted na agad hindi pa nga nanliligaw."
Inirapan ko siya pero tinawanan lang niya ako. Kinuha niya ang unan sa tabi ko at niyakap ito. Hindi lang siya feel-at-home, feeling close pa!
"Bakit hindi mo sinabi sa kanila agad na hindi naman si kuya ay nakakita sa 'yo?" tanong niya.
"Dahil wala akong pakialam."
Wala naman kasi talaga akong pakialam sa kanila. Nahuli na nila ako so, tapos na ang trabaho nila. Hindi ko na kailangan pang ma-attach sa kanila or what. Ayaw kong ma-involve sa buhay ng iba.
"So, si Lt. Col. Jose Alejos nga ang nakakita sa 'yo?"
Napatingin ako sa kanya na ngayo'y malaki pa rin ang ngisi sa labi. May problema ba sa labi ang babaeng ito? Simula nang pumasok siya sa kwarto ko, hindi na nabura ang nakakainis na ngisi sa labi niya. May dapat bang ikatuwa sa pinag-uusapan namin?
"Oo."
Nagulat ako nang bigla siyang tumili sa kilig. Hinagis pa niya ang unan na hawak niya at hinila ang kumot na nasa ibabaw ko para ihampas sa akin. Dahil sa ginawa niya, kinuha ko agad ang unan na nasa likod ko at hinampas sa mukha niya. Natawa ako nang bigla siyang tumigil. Mas lalo pa akong natawa nang manlisik ang mata niya dahil sa inis.
Sa unang pagkakataon, ngayon lang ako nakaranas ng ganito kasaya kasama ang ibang tao. Pakiramdam ko nagkaroon ako ng isang kaibigan.
Natigilan ako. Kaibigan? Ganito ba magkaroon ng isang kaibigan?
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AksiThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...