Lumikha ng maingay na tunog sa makina ng sasakyan ang ginawang pagpreno ni Jose. Mapanuri kong tinignan ang bahay na hinintuan namin. Isa itong uri ng bahay na yari lamang sa kahoy at kawayan. Ang bubong na ginamit ay gawa sa pinagbigkis na mga tuyong dahon (anahaw). Ang haliging kahoy nito ay pinagdugtong lamang ng mga matitibay at matatabang tali kasama ng mga kinakalawang na pako. Kung titignan ay isa o dalawang tao lang ang pwedeng manirahan sa loob dahil sa kaliitan.
"Nasaan tayo?" pagbasag ko sa katahimikan.
"Nasa isa sa mga baryo ng La Sosana, Catalina."
Nagsalubong ang dalawang kilay ko. "Ano'ng ginagagawa natin dito? Bakit dito mo 'ko dinala?"
"Walang nakakakilala sa 'yo rito dahil malayo ang baryong ito sa kabihasnan. Sa maniwala ka o hindi, walang telebisyon dito. Hindi rin uso ang cellphone o kahit anong uri ng gadgets. Tanging radyo o sulat lamang ang pwede mong gamitin upang makasagap ng balita."
Hindi ako makapaniwala. May ganito pa lang klaseng lugar?
Bago pa man bumaba ng sasakyan si Jose ay nagsalita ako ulit, "Paano ang mga magulang ko? Dapat dalhin mo rin sila rito."
Hinarap niya ako. Sumalubong sa akin ang mga mata niyang sobrang seryoso. Hindi ko tuloy alam kung nakukulitan na siya sa 'kin o nagagalit. "Hindi nila pwedeng iwan nang basta-basta ang bayan natin, Carina. Huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan para makapag-usap kayo ng walang ibang nakakaalam."
Nabuhayan ako ng loob kahit papaano. Aantayin ko ang araw na pwede ko na silang makausap at makita. Aantayin ko 'yon kahit gaano pa katagal.
Hindi na ako nagsalita kaya tuluyan na siyang bumaba ng sasakyan. Umikot siya papunta sa kinalalagyan ko upang alalayan akong bumaba. Bukod sa mataas ang hagdan ng sasakyang ito dahil sa malalaking gulong, medyo nahirapan din akong kumilos dahil naka-gown pa ako. Sana pala nagpalit muna ako ng damit bago lumayas sa bahay.
Isang hakbang na lamang ay matatapakan ko na sana ang lupa nang biglang sumabit ang gown ko sa ilalim ng upuan. Nawalan ako ng balanse kaya tatalon na lang sana ako nang biglang hilahin ni Jose ang kamay ko upang malaglag sa kanya at saluhin ang buo kong bigat.
Hindi ko maigalaw ang katawan ko dahil sa matinding gulat. Tinakasan din ako ng aking boses dahilan upang walang lumabas na kahit anong salita mula sa bibig ko. Wala akong nagawa kundi matulala at makinig sa dibdib kong animo'y may tambol na malakas na pinapatunog sa loob na naglilikha ng maingay na tunog na tanging ako lang ang nakakarinig.
"Ayos ka lang?" nag-aalala niyang tanong.
Nagising ang diwa ko. Agad ko siyang hinampas sa dibdib dahilan upang marahan niya akong ibaba. "B-Bakit mo 'ko h-hinatak?!"
"Masisira ang dulo ng damit mo kapag tumalon ka."
Inayos at pinagpagan ko ang aking damit kahit hindi naman ito nagusot o nadumihan. Gusto ko lang talaga ilihis ang mata ko papunta sa iba upang pakalmahin ang sarili kahit ilang segundo lang. Kahit gusto ko pang ituon ang atensyon ko sa damit ay hinarap ko na siya na para bang normal lang ang lahat. Tumikhim ako at tinaasan siya ng kilay.
"K."
Naglakad ako papunta sa tapat ng kahoy na gate ng hinintuan naming bahay. Doon lang ako nakahinga ng maayos. Hindi ko rin napigilang mapapikit sa kahihiyan dahil sa nasabi ko. Hindi ko alam kung mataray ba ang dating sa kanya no'n ngunit wala akong magawa dahil hindi ako makaisip ng magandang sasabihin. Ngunit sa isang banda, mas okay na rin 'yon kaysa sa magmukha akong ewan na hindi nagsasalita sa harap niya.
"Finally, nandito na rin kayo!"
Napatingin ako sa babaeng kalalabas lang ng bahay. Kung susuriin, halatang kasing-edad lang namin siya ni Jose. Mukha siyang hindi taga-rito dahil sa kanyang pananamit. Sobrang iksi ng shorts niya at naka-sando lang siya na may manipis na tela. Nakatali rin ang magulo at kulay olandes (blonde) niyang buhok. Sa palagay ko, taga-Maynila ang babaeng ito.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AcciónThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...