Kabanata 29

2.4K 96 3
                                    

Mabilis akong humiwalay kay Manuel at tumakbo palapit kay Frank upang yakapin ito ng mahigpit. Narinig ko ang mahina niyang pagtawa bago ako ilayo sa kanya.

"Para ka pa ring bata." pang-aasar niya.

"Minsan lang kita yakapin kaya pagbigyan mo na ako."

"Kailangan muna natin umalis dito. Pagbalik natin sa mansyon, saka mo na ulit ako yakapin."

Natawa na lang ako. Papasok na sana ako sa loob ng sasakyan nang biglang magsalita si Manuel. "Sasama ako sa 'yo, Ms. Carina."

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Frank. "Sino ka?"

"Pinsan nina Julius at Dalia Aragon," tugon ni Manuel. "Kasama ako ni Ms. Carina kaya kailangan dapat kasama rin niya ako sa pagbalik niyo sa mansyon."

Nilingon ako ni Frank gamit ang mga matang nagtatanong. Iyon ang naging hudyat ko upang sumabat sa pag-uusap nila. "Hindi masamang tao si Manuel. Sa kanya ako binilin ni Jose kaya wala kang dapat ipangamba."

Napawi ang pagdududa sa mukha ni Frank ngunit mabilis itong napalitan ng pagkaseryoso. Muli niyang binalingan ng tingin si Manuel mula ulo hanggang paa. "Isa kang pulis dito sa Catalina. Ano'ng plano mo sa pagpasok sa mansyon?"

Nabigla ako sa tanong ni Frank ngunit hindi ito nagbigay ng kakaibang dating kay Manuel. Nanatiling diretso ang tingin niya sa pinsan ko habang nakangiti. "Sinusunod ko lang ang utos sa 'kin ni Jose. Huwag kang mag-alala, pwede mo 'kong ipakulong kapag may ginawa akong masama sa inyo."

Hindi na nagsalita pa pabalik si Frank. Hinayaan na lang niya si Manuel hanggang sa makapasok kami sa loob ng sasakyan.

"Kumusta si Papa at Mama?" tanong ko habang nasa byahe.

Ilang segundong hindi nakapagsalita ang pinsan ko kaya mabilis na umangat ang kaba sa dibdib ko. Bigla ko tuloy naalala ang sinabi ni Jose kanina bago kami maghiwalay, "Kailangan mong bumalik agad doon at iligtas ang mga magulang mo."

"May dapat ba akong malaman, Frank?" dagdag ko pa.

Binalingan niya ako ng tingin. Punong-puno ng pag-aalala ang mukha niya na mas lalong nagpakabog ng dibdib ko. Naramdaman kong hinawakan ni Manuel ang aking kamay upang pakalmahin ako ngunit hindi 'yon nagbigay ng epekto sa akin.

Nanatiling tikom ang bibig ni Frank hanggang sa huminto ang sasakyan sa tapat ng bahay. Bigla akong nanlumo nang makita ang itsura ng gate namin.

Ang dating maaliwalas na pintura sa labas ng bahay ay ngayon punong-puno na ng sulat gamit ang spray paint na kulay pula at asul. Hindi lang ito basta kinulayan dahil may laman din itong mensahe na galing sa galit at himutok ng mga tao.

Bumukas ang malaking gate ng bahay hudyat na pinapapasok ang sasakyan namin. Nadagdagan ang bigat sa dibdib ko nang makitang sira na ang mga halaman na matagal inalagaan ni Mama. Ang mga rosas na palagi kong nakikita ay wala na. Ang dating malinis at hindi makikitaan ng tuyong dahon sa sahig ay ngayon kabaligtaran na ng nakikita ko.

Ano'ng nangyari sa bahay namin? Ano'ng nangyari sa pamilya ko?

"Isang gabi nagpatawag ng meeting ang Papa mo rito sa bahay niyo. Mahahalagang panauhin lang ang inimbitahan niya ngunit biglang dumating ang mga nagpo-protesta. Nanggulo sila sa labas hanggang sa makapasok sila sa gate. Mabuti na lang at nagdagdag ng security ang Papa mo kaya hindi nila tuluyang napasok sa bahay niyo." paliwanag ni Frank.

Hindi ko maiwasang buoin ang imahe ng pangyayaring 'yon sa utak ko. Pakiramdam ko nanonood lang ako ng pelikula. Sana nga'y gano'n lang ngunit hindi. Wala ako sa tabi ng mga magulang ko no'ng mga panahong 'yon. Paano kung napahamak sila? Paano kung hindi sila nakaligtas sa mga taong gusto manggulo sa 'min? Paano kung... mawala sila sa 'kin?

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon