Ilang minuto na ang nakalipas simula nang makalabas kami ni Jose sa mansyon pero wala pa ring nagsasalita sa 'min. Nanatiling tutok ang atensyon niya sa pagmamaneho habang pinagmamasdan ko naman ang mukha niya sa rear view mirror na naiilawan ng mga sasakyang nakakasalubong namin.
Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na pumayag akong isama siya sa lakad na sanay akong mag-isa. At hindi rin ako makapaniwala na walang kahirap-hirap akong nakalabas sa mansyon. Ni hindi manlang ako nabalian ng buto o hinabol ng mga guwardiya gaya ng nakasanayan ko sa tuwing tatakas ng hating-gabi.
"Saang bar po kayo madalas pumupunta?" tanong ni Jose bago ako silipin sa rear view mirror.
"Sa unang bar na madadaanan natin."
Tumango naman siya at hindi na muli pang nagsalita.
Kumunot ang noo ko. Ganito ba talaga siya katahimik? Isang tanong, isang sagot yata ang motto ng lalaking 'to, eh! Mas mabuti pa sana kung si Dalia na lang ang kasama ko. At least kahit nakakairita ang ingay niya, ramdam kong tao ang kasama ko. Hindi katulad ng isang 'to, para akong may kasamang istatwa!
Hindi ko na sana siya papansinin pa kaya lang biglang may pumasok na tanong sa utak ko. Wala naman sigurong masama kung mag-initiate ako ng conversation, 'di ba?
"Ehem!" Muli siyang napatingin sa akin. "Paano ka nga pala naging personal guard ko agad-agad? I mean, 'di ba may process ka pang dapat pagdaanan bago umalis sa palasyo?"
Binalik niya ang kanyang tingin sa daan. "Nakatanggap ng request letter ang headquarters namin galing kay Governor Carlos. Sinabi niya ro'n na kailangan niya ng sundalong magbabantay sa pamilya niya. At dahil gobernardor ang Papa mo, inapbrubahan agad 'yon ng headquarters."
Kumunot ang noo ko. "Eh bakit ikaw pa ang pinadala sa 'min sa dinami-dami ng sundalo sa Pilipinas? At isa pa, bakit sundalo ang gusto ni Papa? Hindi ba dapat pulis ang nagbabantay sa 'min? At saka, ang mga sundalo ay dapat nagbabantay lang sa presidente o kaya'y sa bise-presidente. Kahit nga ex-president binabantayan niyo rin, 'di ba?"
Hindi agad siya nagsalita. Sinulyapan muna niya ako bago tumawa ng mahina. Tumaas ang kilay ko. Ano'ng nakakatawa?
"Aaminin ko, hindi dapat ako ang nandito ngayon kung hindi si Col. Julius Aragon." panimula niya. "At sa sulat na natanggap namin, si Col. Julius Aragon ang hiling ni Governor Carlos na magbabantay sa 'yo. Kaya lang, nakalagay rin sa sulat na kaya niya pinili si Col. Aragon ay dahil siya raw ang nakahuli sa 'yo no'ng gabing 'yon. Nalaman ni Captain Miguel Casimiro ang tungkol sa sulat kaya agad siyang nagsalita sa headquarters tungkol sa maling taong tinutukoy ni Governor Carlos dahil alam niya na ako naman talaga ang nakakita sa 'yo. At gaya ng sabi ko sa 'yo kanina, request ni Governor Carlos ang paghingi ng sundalo para sa proteksyon mo kaya kung hindi man pulis ang nagbabantay sa 'yo ngayon, wala na akong kinalaman doon."
Saglit akong natigilan. Ang Miguel ba na tinutukoy niya ay 'yong kausap niya sa walkie-talkie no'ng gabing 'yon?
Napailing na lang ako. Kasalanan pala ng Miguel na 'yon kung bakit si Jose ang nasa tabi ko ngayon. Teka, isang sundalo lang ba ang ni-request ni Papa?
"Wait, wala kang kasamang ibang sundalo na magbabantay sa 'kin? I mean, sa pamilya ko?" tanong ko.
"Meron. Kaya lang, hindi mo sila madalas makikita dahil naka-assign sila sa pagbantay kay Governor Carlos sa tuwing may mahalagang lakad ito."
Tumango lang ako. Kaya pala siya lang ang nakatira sa bahay namin dahil iba ang assignment ng mga kasama niya. At talagang personal guard ang papel niya sa buhay ko dahil tungkulin niyang protektahan at samahan ako anumang oras at saan man ako magpunta.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...