Ang bilis ng oras ngunit ramdam ko ang bagal ng pag-usad ng sitwasyon sa lugar namin. Hindi ko maramdaman ang pagbabago dahil nakakulong ako rito sa bahay nila Jose, walang TV o kaya'y radyo na pwedeng maghatid ng balita sa 'min.
Nagsilbing evacuation center din ang bahay na ito. Ang ilang mga kapit-bahay na nawalan ng tirahan ay nagawa pang iligtas ni Nanay Juana at patirahin dito. Nakakulong ako sa bahay at ligtas ngunit daig ko pa ang nalagay sa panganib dahil pagkatapos kong magising dalawang araw na ang nakalipas ay hindi pa rin umuuwi si Jose.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo, Ms. Carina?" boses ni Emilia na kapapasok lang ng kwarto.
Tipid akong ngumiti bago tumango. Simula nang magkagulo ay hindi na ako makatulog ng maayos, nawalan na rin ako ng gana kumain, at hindi na nakampante ang puso ko sa matinding pag-aalala at kaba. Sigurado akong rinding-rindi na ang Diyos sa mga panalangin ko.
"Uminom ka po muna ng gamot." aniya sabay abot sa akin ng kulay puting medicine tablet. Kinuha ko sa kamay niya ang gamot at ininom ito. "Sana'y gumaling na kayo, Ms. Carina. Kailangan niyo pong kumain ng mas marami para lumakas kayo."
"May balita ka na ba sa nangyayari sa labas?" pagbalewala ko sa sinabi niya.
Tumango siya. "Opo. May nahuli raw pong rebeldeng pilipino ang grupo ng hukbong sandatahan," Nabuhayan ang pagkatao ko sa narinig. Mas lalo akong nasabik sa susunod pa niyang sasabihin. "Umamin daw po ito na tatlo ang lider ng rebeldeng grupo sa pagpapabagsak sa gobyerno ng Pilipinas. Ang isa raw ay patay na. Ang dalawa'y buhay pa.."
Nagsalubong ang dalawang kilay ko. "Nasabi ba niya kung sino si Dakila at kung kasama ba ito sa tatlong lider na tinutukoy niya?"
"Hindi ko po alam dahil kahit siya'y hindi rin kilala kung ano ang totoong pagkatao ng mga lider na 'to. Nakikipag-ugnayan lang daw kasi sa kanila ang kanilang lider gamit ang mga mensaherong pinapadala nito."
Ano? Bakit gano'n sila makipag-ugnayan sa mga tauhan nila? Bakit hindi sila nagpapakilala at nagpapakita?
"Ate Dyosa!" Napatingin ako sa batang lalaking nagbukas ng pinto ng kwarto. Tumakbo siya palapit sa akin at mabilis na tumalon sa ibabaw ng kama upang yakapin ako ng mahigpit. "Namiss po kita, ate!"
Ginantihan ko rin siya ng mahigpit na yakap. Dalawang araw na akong nananatili rito sa bahay nila Jose ngunit ngayon lang kami nagkita ni Kiko. Mukhang magaling na siya.
Humiwalay siya sa yakap. Nagkaroon ako ng pagkakataon upang tignan ang itsura niya. Ilang araw lang ang lumipas pero kitang-kita ko ang mabilis na paglaki at pagbago ng mukha't pangangatawan niya.
"Maayos na ba ang pagkiramdam mo, Kiko?" tanong ko.
"Opo, ate. Kayo po? Umiinom po ba kayo ng gamot niyo?"
Natawa ako sa tono ng pananalita niya. Kung tanungin niya ako'y parang siya ang mas matanda sa 'ming dalawa.
"Oo nakainom na ako ng gamot." wika ko habang marahang ginugulo ang kanyang buhok.
Ilang saglit pa'y muling bumukas ang pinto. Pumasok si Sofia kasama si Nanay Juana.
"O ito, magpalit ka muna ng damit." sambit ni Nanay Juana.
Kinuha ko ang bistidang hawak niya at tipid na ngumiti. "Salamat po."
"Ate Dyosa, tara sa tabing ilog!" aya ni Kiko.
"Kiko, hindi pwede. Delikado lumabas." agad na pagpigil ni Sofia.
Mabilis naglaho ang saya sa mukha ni Kiko at napalitan ng lungkot. Maging ako'y nalungkot din dahil hindi niya dapat nararanasan ang makulong sa loob ng bahay.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AcciónThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...