Nagising ako nang maramdaman ang malamig na simoy ng hangin. Sunod ay napatingin ako sa mga lalaki na nasa labas. Hinahanda nila isa-isa ang kanilang mga armas. Ang iba sa kanila'y may hawak na baril, kutsilyo, pana, at kung ano-ano pa na pwedeng gamitin sa isang labanan.
Umangat ang tingin ko sa kalangitan. Kulay asul ito at nagbabadya na pa-sikat pa lang ang araw. Sa tingin ko'y alas-singko pa lang ng umaga. Ang pinakahuli kong tinignan ay si Dalia na mahimbing na natutulog sa balikat ko. Nakapulupot ang mga kamay niya sa braso ko na para bang may kukuha sa kanya anumang oras.
"Kumain kayo." Napatingin ako sa lalaking pamilyar ang boses. Siya ang narinig ko kagabi na kausap ni Frank.
Pinagmasdan ko ang pagkaing hinain ni Joaquin mula sa labas ng kulungan namin. Dalawang kamote at dalawang baso ng tubig ang binigay niya sa 'min.
"Alam kong hindi kayo sanay sa pagkain ng mga mahihirap pero ito lang ang paraan para mabuhay kayo." dagdag pa niya.
"Bakit mo ginagawa ito, Joaquin?" pagbalewala ko sa mga sinabi niya.
Nakita ko ang pag-igting ng panga niya nang banggitin ko ang kanyang pangalan. "Hindi ako si Joaquin. Joss ang pangalan ko."
Ano raw? Joss? Paano naging Joss ang pangalan niya kung kamukhang-kamukha niya ang kapatid ni Jose?
Bahagya siyang lumapit sa kulungan. Lumuhod siya upang pumantay sa akin. "'Yang babaeng kasama mo, Joaquin din ang tawag sa akin. Pinagpipilitan niyang ako si Joaquin. Sino ba si Joaquin?"
Kahit malamig ang pagkakasabi niya no'n ay ramdam ko ang hinala niya sa mga nangyayari. Alam kong marami siyang tanong sa kanyang isipan. Bakit ba ako dinala ni Frank dito? Para ba makita ko ang kalagayan ng kapatid ni Jose?
Hindi ako nagsalita. Umiwas lang ako ng tingin kaya tumayo na siya ng maayos. Lumayo na rin siya at nagpunta sa kanyang mga kasama.
Ilang sandali pa'y naramdaman kong gumalaw si Dalia sa tabi ko. Umayos siya ng upo at bahagyang kinusot ang kanyang mga mata. Namamaga rin ito dala ng walang tigil niyang pag-iyak kagabi. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung bakit siya iyak ng iyak nang makita ako. Paulit-ulit niya ring sinasabi sa akin na tulungan ko raw siya.
Nang magtama ang mata namin ay mabilis agad siyang kumapit sa akin. Biglang naging alerto ang kilos niya. Naging matalas ang tingin niya sa mga lalaki.
"Dalia, ano'ng nangyari sa 'yo?" naguguluhan kong tanong.
Malakas ang kutob kong may ginawa ang mga lalaking 'yon kay Dalia. Hindi naman magkakaganito ang kaibigan ko kung wala. Kilala ko siya, parehas kaming matapang at walang inuurungan. Imposible na nagkakaganito siya dahil lang sa mga hindi magandang nangyayari sa lugar namin.
Dahan-dahan niyang binitawan ang braso ko at maingat na niyakap ang kanyang sarili. Halos ibaon na niya ang katawan niya sa damit na pinahiram ko sa kanya. "P-Pinagsamantalahan nila ako, Carina.." aniya na sobrang kinagulat ko.
Pakiramdam ko'y pinagbagsakan ako ng langit at lupa. Mabilis na naglagablab ang galit sa dibdib ko habang nakatitig sa mga lalaking nagtatawanan sa 'di kalayuan. Nag-init din ang gilid ng mata ko nang maipon doon ang luhang hindi ko na napigilang lumandas sa pisngi ko.
"W-Wala akong mahingian ng tulong. W-Wala akong m-makausap. C-Carina, hindi lang isang b-beses, paulit-ulit nilang ginawa 'yon.."
Hindi na nagawang pigilan ni Dalia ang luha sa kanyang mga mata. Nagpipigil siya ng hikbi at paulit-ulit hinahawi ang luhang walang tigil sa pag-agos.
Kumuyom ang kamao ko. Galit. Sobrang galit ang nararamdaman ko ngayon. Walang kahit anong salita ang pwedeng magpaliwanag kung ano ang nararamdaman ko sa mga oras na 'to.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...