Kabanata 31

2.6K 96 2
                                    

Habang lumilipas ang mga oras at araw ay mas nagiging desperado akong hilingin sa Diyos na sana isang panaginip na lang ang lahat ng ito. Gusto kong paniwalain ang sarili na bangungot lang 'to mula sa mahimbing na pagtulog ngunit, hindi. Lahat ng nangyayari sa pamilya ko maging sa bayan na pinagsisilbihan namin ay totoo. Ang mga ingay, pighati, gulo, at patayan na nasasaksihan ko ay hindi isang panaginip.

Ang mas masakit na katotohanan sa lahat ay wala akong magawa. Hindi pa rin nagigising si Papa at mas lumalala ang sakit ni Mama. Ang sabi ng mga doktor ay dahil hindi na nagagawang maasikaso ni Mama ang kanyang sarili kaya pati siya ay nagkakasakit na rin. Hindi ako nagdalawang-isip sa panayam na 'yon dahil kitang-kita ko ang lungkot at walang-gana ni Mama sa lahat ng bagay. Masyadong okupado ang utak niya sa kundisyon ni Papa at ni minsan, hindi siya umalis sa tabi nito. Iyon ang naging dahilan kung bakit humihina ang kundisyon niya.

Ito na ba ang kabayaran sa pagiging isang sutil na anak ko kina Mama at Papa? Gusto na ba ako tanggalan ng Diyos ng karapatan makasama ang mga magulang ko?

"Ayos na po ang mga gamit niyo, Ms. Carina. Nakahanda na rin ang sasakyan na gagamitin niyo sa pagpunta sa San Jose." tinig ni Emilia pagkatapos isara ang zipper ng maleta ko. Tumango lang ako at hindi na nag-abalang lingunin siya.

"Stop it, Carina. Hindi makabubuti para sa 'yo ang tignan sila." wika ni Frank nang makarating sa tabi ko.

Tinanggal ko ang tingin sa labas ng bintana kung saan tanaw ko ang mga taong nagra-rally sa tapat ng bahay. "Hindi ko na alam ang gagawin ko, Frank." pag-amin ko. "Hindi ganito ang gusto ni Papa para sa bayang ito."

Binalingan niya ako ng tingin. Pansin ko na nawawala na ang kulay abo niyang buhok. Maging ang sa 'kin ay unti-unti na rin naglalaho ang kulay pula dahil sa paghaba ng itim na buhok.

"Magiging maayos din ang lahat, Carina. Kailangan mo lang maging matatag para sa pamilya mo dahil ikaw na lang ang pag-asa nila."

Mas lalong bumigat ang dibdib ko. Hindi ko napigilan ang sariling yakapin siya at ibuhos ang luhang mabilis kumawala sa mata ko. Paano matatapos ang lahat ng ito? Paano ako magiging matatag?

Inilabas na ni Emilia ang maleta upang ilagay sa sasakyan. Lumabas na rin kami ni Frank para puntahan sina Mama at Papa sa kwarto nila.

Ngayon ko balak idala ang mga magulang ko sa mansyong regalo nila sa 'kin sa San Jose. Mas tahimik at mas maaliwalas ang paligid doon kaya umaasa ako na mas bibilis ang kanilang pag-galing. Pakiramdam ko rin kasi'y magkakasakit ako dahil sa mga taong paulit-ulit binabato sa 'min ang kamalasang nangyayari sa bayan namin. Hindi ko gustong mabuhay ng ganito.

Inutos ni Frank sa mga nurse at guwardiya na dahan-dahang ilabas si Papa upang dalhin sa sasakyan. Si Mama naman ay inalalayan kong tumayo at maglakad patungo sa labas.

Itim at tinted na kotse ang gamit namin ngunit parang hindi alintana 'yon dahil tumatagos ang masasamang tingin ng mga tao sa 'min. Nakakatakot at parang gusto nila kaming patayin sa hawak nilang mga itak at dos-por-dos. Pakiramdam ko pa nga'y gusto nilang ihampas sa 'min ang mga karatulang winawagayway nila sa ere na may nakasulat na masasamang mensahe laban sa pamilya namin at sa gobyerno.

"Huwag mo silang tignan." utos ni Frank. Ginawa ko ang sinabi niya. Diniretso ko na lang ang tingin ko sa daan habang umaandar ang sasakyan.

Lumipas ang dalawang oras bago kami nakarating sa mansyon sa San Jose. Sobrang laki ng pinagkaiba nito kumpara sa mansyon namin sa San Rafael. Sobrang aliwalas at walang bakas ng kahit anong gulo ang madadatnan dito.

"Huwag kang makampante, Carina. Hindi pa rin ligtas ang lugar na 'to sa kamay ng mga rebelde."

Napawi ang ngiti sa labi ko dahil sa paalalang 'yon ni Frank. Tama siya, kasama ang San Jose sa ginugulo ng mga rebelde. Hindi pa rin kami ligtas dahil may posibilidad na atakihin nila kami. Kailangan ko mas mag-ingat at siguraduhin na hindi kami mahahalata na rito nakatira.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon