"Umalis ako sa mansyon dahil nahuli ko sina Sir Frank at Emilia na magkausap. Pinagplanuhan nila na magkasakit sina Governor Carlos at Ma'am Celeste habang wala ka. Sila rin ang may pakana ng barilan no'ng pabalik kayo sa Elena. Akala ni Sir Frank maaabutan niya si Jose upang patayin ito ngunit nabigo siya dahil ang nakita niyang kasama mo ay 'yong pulis na pinsan ni Ms. Dalia." kwento ni Helen.
Hindi ko alam kung paano ipo-proseso sa utak ko ang mga narinig ko. Buong buhay ko, kasama ko sila. Wala akong ibang pinagkatiwalaan kundi silang dalawa lang. Hindi ko akalain na magagawa nila ito sa akin, sa pamilya namin. Hindi ko akalaing magagawa sa akin 'to ng taong unang tumanggap at nanatili sa tabi ko. Palabas lang pala lahat ng ginawa ni Emilia at naniwala naman ako.
"Alam na ito ni Sir Jose."
Mabilis kong binalingan ng tingin si Helen. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Nag imbestiga siya sa totoong nangyari kay Governor Carlos dahil hindi siya naniniwalang basta-basta na lang ito nagkasakit. Nag-usap kaming dalawa kahapon nang mahuli niya ako sa checkpoint sa San Jose. Sinabi ko sa kanya ang lahat ngunit hindi ko maintindihan kung bakit hindi mo siya kasama ngayon. Ang sabi kasi niya sa akin ay sasabihin daw niya 'yon sa 'yo ngayon kaya ako nagpunta rito."
Muling gumapang ang kaba sa dibdib ko. Kung dapat ay nandito na si Jose, bakit wala pa rin siya hanggang ngayon?
Ilang saglit pa'y nakarinig kami ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril. Mabilis kaming nagtago ni Helen sa likod ng isang malaking puno. Kasunod ng putok ng baril ay ang sigawan ng mga tao at ang mabilis na pagrespunde ng mga sundalo sa mga natatarantang evacuees. Ang iba'y mabilis na kinuha ang kanilang mga gamit at tumakbo palayo ngunit bago pa man sila tuluyang makaalis ay isang malakas na bomba ang sumabog mula sa ilalim ng lupa. Napadapa kami ni Helen sa takot.
Nang matanaw ko si Calista na inaalalayan ang buong pamilya ni Jose ay tila nagising ang diwa ko. Hindi ko sila pwedeng pabayaan.
Akmang lalapit na ako sa kanila nang biglang hawakan ni Helen ang kamay ko. "Ms. Carina, lumayo na tayo rito!"
"Hindi! Hindi ko sila pwedeng iwan!"
"Pakiusap, kailangan ka pa ng bayan natin, Ms. Carina. Iligtas mo ang sarili mo!"
Aangal pa sana ako ngunit wala na akong nagawa nang hilahin niya ako ng malakas palayo sa evacuation center. Isinakay niya ako sa isang lumang sasakyan at mabilis itong pinaharurot. Huminto lang kami ng may makitang checkpoint. Mabilis akong lumabas ng sasakyan ng mahagip ng mata ko sina Miguel at Petrio.
"Ms. Carina!" gulat na wika ni Petrio. "Ano'ng ginagawa mo rito? Napaka-delikado ng lugar na ito para sa 'yo!"
"Nasaan si Jose?" pagbalewala ko sa sinabi niya.
Natigilan siya at pasimpleng tumingin kay Miguel na animo'y humihingi ng tulong sa kaibigan kung ano'ng dapat isagot sa akin.
"Sagutin mo ako, Petrio!" sigaw ko.
"Nasa San Rafael si Lt. Col. Jose." maigsing sagot ni Miguel.
Kumunot ang noo ko. "Ano'ng ginagawa niya sa San Rafael?"
"Naghahanap ba siya ng ebidensya laban kina Sir Frank at Sir Crisanto?" sabat ni Helen na kanina pa pala nasa tabi ko.
Sabay na tumango ang dalawang sundalo sa harap namin. Naiyukom ko ang aking kamao sa kumpirmasyong 'yon. Bakit ginagawa ito ni Jose nang mag-isa?!
"Delikado ang ginagawa ni Sir Jose! Kapag nahuli siya nina Sir Crisanto at Sir Frank, tiyak na—"
"Pupuntahan ko siya." pagputol ko sa hindi magandang sasabihin ni Helen.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...