"Bagay ba?" nakangiting tanong ni Dalia sa akin sa repleksyon ng salamin habang pinapaikot ang sarili upang ipakita ang kabuoan ng gown na suot niya.
Tanging ngiti at tango lang ang tinugon ko bago muling ipikit ang mata at hayaang lagyan ito ng eye shadow ng aking make-up artist.
Nandito kami ngayon sa kwarto kasama ang make-up artist na kinuha nina Papa at Tito VG na mag-aayos sa 'ming dalawa ni Dalia. No'ng una nga'y ayaw kong makasama si Dalia habang inaayusan ako ngunit sadyang pasaway lang talaga ang babaeng ito kaya wala na rin akong nagawa. Pangarap daw kasi niyang makasama ang bestfriend niya habang inaayusan siya. Abnormal talaga.
"Ms. Dalia, hubarin niyo po muna ang gown para maayusan ko na kayo." rinig kong sambit ng kanyang make-up artist.
Kahit hindi ko siya nakikita ay ramdam kong nakabusangot ang mukha niya. Excited kasi siyang suotin ang damit niya para sa birthday party ko mamaya kaya sinuot na niya agad ito nang hindi pa naaayusan.
"Tss. Sige na nga!" labag sa loob niyang sinabi.
Pagkatapos kong malagyan ng kolorete sa mukha ay buhok ko naman ang inatupag nila. Pinataas nila ang mahaba at madulas kong buhok upang mapansin ang makinang na alahas sa leeg at tenga ko. Mukhang messy hairstyle ang ginawa nila dahil may ilang hibla silang tinira sa gilid ng mukha ko upang makadagdag ito ng ganda. May nilagay rin silang makikinang sa hairpins na inipit nila sa iba't-ibang bahagi ng buhok ko upang magbigay ng kakaibang dating.
Pasimple kong sinulyapan si Dalia na ngayo'y kakamulat lang pagkatapos bigyang kulay ang kanyang talukap. Hinarap niya rin ako nang may malapad na ngiti sa labi. "Excited na ako sa mangyayari mamaya sa party mo!"
"Lagi ka namang excited, Dalia." komento ko.
"Iba naman 'to syempre! Birthday party mo kaya ito!"
Hindi na lang ako nagsalita. Muli kong hinarap ang malaking salamin sa tapat ko at ngumiti. Tama si Dalia. Birthday party ko ito kaya dapat masaya lang ako. Kailangan kong iwaksi ang lungkot sa isipan ko kahit ngayong gabi lang.
Napatingin ako sa dog tag na nakasabit sa gilid ng salamin. Natanaw ko ro'n ang nakaukit na letra na paulit-ulit kong binabasa:
C.M Concepcion
10-12-15
From: Lion"Lion talaga ang codename na ginagamit ni Jose?" biglang tanong ni Dalia na nakatitig din sa dog tag.
Tumango ako. "No'ng gabing nahuli niya ako sa birthday party ni Papa, 'yon ang codename na binanggit niya habang kausap si Miguel sa walkie-talkie."
"Hmm.. parang ang cool magkaroon ng walkie-talkie 'no? Bumili kaya tayo ng gano'n tapos gumawa rin tayo ng codename? Ang codename na para sa 'yo ay beauty tapos ako naman si brain!"
Naging tamad ang tingin ko sa kanya. "Tumigil ka nga, Dalia. May cellphone naman tayo kaya hindi na natin kailangan no'n."
Nagkabit-balikat siya. "Sabagay, ayaw ko rin magpaka-feeling sundalo. Hindi bagay sa 'kin."
Pagkatapos naming maayusan ay nagbihis na kami. Inalalayan nila kaming isuot ang gown para hindi masira ang make-up na ginawa nila sa 'min.
Elegant Red Mermaid Backless gown ang pinili kong suotin ngayong gabi. Samantalang Elegant Blue A-line Low Cut V-neck Backless Lace gown naman ang suot ni Dalia. Nakalugay ang itim at mahaba niyang buhok na may malalaking kulot sa dulo. She looks like a really fine woman tonight.
"Sobrang ganda mo ngayon, bes! Kung nandito lang si Jose ay baka na-inlove na 'yon sa 'yo!" pang-aasar niya.
Isang linggo na ang nakalipas simula no'ng umalis si Jose ngunit hindi alintana ang lungkot dahil sa presensya ni Dalia. Halos araw-araw na niyang ginawang tambayan ang aking kwarto kaya napapansin niya ang bawat kilos ko simula nang mawala si Jose. Sinubukan ko ngang magmukhang masaya sa harap niya upang pagtakpan ang lungkot na nararamdaman ko ngunit hindi 'yon umubra.
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...