Kinabukasan ay maaga kaming nagising ni Dalia. Nakaharap ako ngayon sa salamin habang nag-aayos ng sarili. Hindi ko naman maiwasang sulyapan siya sa repleksyon ng salamin dahil sa pabalik-balik nitong paglalakad habang kausap si Manuel sa telepono.
"Oo, papunta na riyan si Carina kasama si Aling Salve. Hindi ito pwedeng malaman ni Kuya Julius kaya magpapaiwan ako sa bahay. Ikaw na muna ang bahala sa bestfriend ko, ha!"
Ilang segundo pa ang lumipas bago niya binaba ang tawag. Nagtama ang mata namin sa salamin. Nginitian niya ako ngunit bakas pa rin ang labis na pag-aalala sa mukha niya.
"Bumalik ka bago magdilim. Sabay tayong uuwi sa San Rafael mamayang gabi." bilin niya.
"Kumalma ka, Dalia.."
Mas lalong nabalot ng pangamba ang mukha niya. Hindi na siya ngayon makatitig sa 'kin dahil hindi siya mapalagay. Pakiramdam ko gustong-gusto niya sumama pero hindi niya 'yon masabi dahil alam niyang hindi ako papayag.
Tumalikod ako sa salamin upang harapin at lapitan siya. Hinawakan ko ang magkabilang braso niya at ngumiti. "Babalik ako rito ng ligtas."
"Dapat lang! Ayaw ko pang mawalan ng bestfriend!"
Niyakap niya ako. Hindi ko naiwasang mabigla dahil hanggang ngayon hindi pa rin ako sanay. Wala akong nagawa kundi yakapin siya pabalik kahit na hindi ko alam kung gagaan ba ang pakiramdam niya kapag ginawa ko 'yon.
Lumabas na kami ng kwarto. Tahimik ang buong bahay dahil hindi pa sumisikat ang araw. Sa kusina kami dumiretso upang kitain sina Aling Salve at Nene na naghihintay sa amin doon.
"Sige, mauuna na kami." paalam ni Aling Salve kina Nene at Dalia.
"Mag-ingat kayo, Aling Salve. Bantayan niyo po ni Ms. Carina ang isa't-isa." nag-aalalang wika ni Nene.
Napangiti ako. Hindi kami magkakilala ni Nene nang lubos pero ramdam ko na mahalaga sa kanya ang kaligtasan ko. Bigla ko tuloy naalala si Emilia. Mas matagal ko siyang kasama pero kahit isang beses, hindi ako naging mabuting amo sa kanya.
"Huwag kang mag-alala, Nene. Hanggat nabubuhay ako, hindi mapapahamak si Ms. Carina."
Napalunok ako at seryosong tumitig sa kanya. Ano ba'ng nagawa ko sa past life para mabiyayaan ng ganito kabuting mga tao sa paligid ko?
Lumabas na kami ng bahay. Napatitig ako sa tricycle na nag-aabang sa 'min sa labas. Pinasakay muna ako ni Aling Salve bago siya sumunod. Nang makapasok na kami ay pinaandar na ng driver ang tricycle. Wala pang kalahating oras ay nakarating na kami sa police station. Binayaran ko muna ang tricycle driver bago kami pumasok sa loob.
Pagpasok ay dumiretso agad kami sa opisina ni Manuel. Kumatok ako ng tatlong beses bago niya binuksan ang pinto at papasukin kami.
"Magandang umaga, Aling Salve at Ms. Carina." nakangiting bungad niya.
"Magandang umaga rin, Inspector Manuel Sandoval." bati ni Aling Salve.
Tumango lang ako kay Manuel at ngumiti.
"Sige, maupo po muna kayo rito." aniya habang tinuturo ang upuan sa tapat ng lamesa niya.
Umupo kami ni Aling Salve sa upuang tinutukoy niya. Magkatapat ang pwesto naming dalawa pero nakatingin kami ng diretso kay Manuel.
"Pasensya na po kung kinailangan ko ang kaunting oras niyo, Aling Salve. May ilang mga katanungan lang po akong itatanong sa inyo na konektado sa anak ng pinagsisilbihan niyong si Donya Victoria."
"Nasabi ko na po kina Ms. Carina at Ms. Dalia ang lahat ng ginawa ni Donya Victoria kina Piyang at Isko." tugon ni Aling Salve.
"Nauunawaan ko ngunit may ilang mga katanungan lang po akong itatanong sa inyo na posibleng magbigay daan sa kinaroroonan ni Sofia Castillo-Alejos."
![](https://img.wattpad.com/cover/157017306-288-k42034.jpg)
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
ActionThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...