Kabanata 20

2.7K 100 8
                                    

Nagising ako nang maramdaman ang sikat ng araw na tumatagos mula sa bintana. Binalingan ko ng tingin ang orasan—8AM pa lang. Muli kong ipinikit ang mata ko para bumalik sa tulog ngunit hindi ko na nagawa.

Bumangon na lang ako at sinandal ang likod sa ulunan ng kama. Napatingin ako sa mga bagaheng hindi pa naaayos simula nang dumating ako kagabi rito sa bahay.

Ilang saglit pa'y bumukas ang pinto ng kwarto at iniluwa no'n si Emilia. Wala siyang dalang pagkain o kahit ano. Yumuko siya sa harap ko at ngumiti upang magbigay-galang. "Magandang umaga po, Ms. Carina." bati niya.

Magsasalita pa lang sana ako ngunit dumiretso siya sa mga bagaheng nakakalat sa paligid at isa-isang inalis ang laman no'n. Tinupi niya ang mga damit na hindi ko nagamit at dahan-dahan itong binalik sa cabinet. Ang mga labahan nama'y tinupi at pinagpatong-patong niya hanggang sa tumaas ito hanggang tuhod. Bago pa niya buhatin ang mga damit ay tumayo na agad ako upang lapitan siya.

Nakita ko ang takot at pagkabigla sa mukha niya nang makaharap ako. Biglang kumirot ang dibdib ko dahil sa inasal niya. Hindi ko siya masisisi dahil hindi naman ako naging mabuting amo sa kanya.

"B-Bakit po?" kinakabahan niyang tanong.

Huminga ako ng malalim at ngumiti upang iparamdam sa kanya na hindi dapat siya matakot. "Tulungan na kita." alok ko.

Nanlaki ang mata niya. Bakas na ngayon ang gulat sa mukha niya. "S-Sigurado po ba kayo, Ms. Carina? M-Mabaho po ang mga—"

Humalukipkip ako at tinaasan siya ng kilay. Gusto kong matawa dahil bigla na naman bumalot ang takot sa mukha niya. "Gusto mo bang magalit ako sa 'yo dahil hindi mo ako hinayaang gawin ang gusto ko?"

Mabilis siyang umiling at yumuko sa harap ko. "H-Hindi po, Ms. Carina. Pasensya na po."

Ngumisi lang ako bago kinuha ang kalahati ng tore ng damit sa paanan niya. "Saan ko 'to dadalhin?" tanong ko.

Kinuha muna niya ang naiwang kalahati sa sahig bago ako binalingan ng tingin. "S-Sa laundry room po sa likod ng k-kusina."

Tumango ako at nauna nang lumabas sa kwarto. Narinig ko ang mabilis niyang yapak upang sundan ako. Pagbaba sa hagdan ay nanlaki ang mata ko nang makita si Julius na kausap si Mama sa salas. Sabay silang napatingin sa 'kin at sa mga damit na hawak ko.

"Ano'ng ginagawa mo, anak?" nagtatakang tanong ni Mama.

"Maglalaba po."

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Mama. Napatingin din siya kay Emilia na ngayo'y nasa likuran ko at nakayuko. "Mukhang natuto ang anak ko sa bahay ng Lola mo, Julius." aniya sabay tingin sa lalaking nasa tabi niya.

Ngumiti lang si Julius. Tumikhim si Mama bago muling balingan ang aking tagapagsilbi. "Emilia, kunin mo ang bitbit ni Carina. May mahalaga siyang bisita kaya hindi ka niya matutulungan sa paglalaba."

"Masusunod po, Ma'am Celeste." tugon ni Emilia bago kuhain ang mga damit sa kamay ko.

Pag-alis ni Emilia, nilapitan ko na sina Mama at Julius. Umupo lang ako sa tapat nila.

"Kinuwento sa akin ni Julius ang ginawa niyo sa Catalina. Nakakatuwa ang kwento tungkol sa pagpunta niyo sa puno na napaliligiran ng mga alitaptap." magiliw na sambit ni Mama. Napatingin ako kay Julius na ngayo'y nakangiti ng matamis sa akin. Tanging tipid na ngiti lang ang naiganti ko dahil hindi pa rin ako kumportable na kasama siya. "Ano naman ang naramdaman mo nang makita ang magagandang alitaptap na 'yon, anak?"

"Natuwa." tipid kong sagot.

Mas lalong lumapad ang ngiti ni Mama. Hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko may ibig-sabihin ang mga ngiting binabato niya. Sana naman mali ako.

My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon