"Ano'ng ginagawa natin dito?" tanong ko kay Jose habang binabaybay namin ang isang nakakatakot na hallway.
Sa totoo lang, kanina pa ako hindi mapalagay. Sobrang tahimik dito at naaamoy ko pa ang langis na nilalagay sa baril at amoy ng lumang damit. Talaga bang headquarters ang tawag dito? Baka naman nagkakamali lang ako?
"Hoy, Jose! Tinatanong kita kaya sagutin mo ako."
Tumigil siya sa paglalakad upang harapin ako. "Huwag kang matakot, Ms. Carina." aniya bago muling ipagpatuloy ang paglalakad.
Ano raw? Obvious ba na natatakot ako sa lugar na ito?
Wala akong nagawa kundi sundan siya. Ilang saglit pa'y huminto kami sa tapat ng isang pinto na mukhang pinaglipasan ng panahon. Maingat niya itong binuksan kaya narinig namin ang paglangitngit nito sa sahig. Sumalubong sa 'min ang ilang mga sundalo na mukhang natigilan sa kanilang ginagawa dahil sa pagdating namin.
Humakbang si Jose palapit sa isa sa kanila habang ako'y nanatiling nakatayo sa tapat ng pintuan. Naging malikot ang mata ko sa paligid ng kwarto. Napalunok ako nang makita ang iba't-ibang uri ng baril na nakasabit sa dingding. Hindi rin nakalagpas sa aking paningin ang iba't-ibang klaseng uniporme ng mga sundalo.
"Magandang umaga, Ms. Carina!" masayang bati ng lalaking pamilyar sa 'kin. Siya 'yong nakita ko sa party na tinawagan ni Jose sa walkie-talkie. Teka, ano nga ulit ang pangalan niya?
Napansin niya yata na hindi ko siya maalala kaya tumayo siya at humakbang palapit sa 'kin. Hindi pa rin nabubura ang ngiti sa kanyang labi nang makaharap ako. "Nagagalak akong makita kang muli, Ms. Carina. Ako nga pala si Capt. Miguel Casimiro, kaibigan ni Jose."
Nilahad niya ang kanyang kamay na tinitigan ko lang ng ilang segundo. Hindi kasi ito malinis kaya hindi ako kumportableng hawakan ito.
Mukhang napansin niya ang naging reaksyon ko kaya agad niyang binawi ang kanyang kamay at pinunas ito sa suot niyang maduming uniporme. "Pasensya na po, Ms. Carina. Galing kasi ako sa pagsasanay."
Dahil sa narinig, napatingin ako sa iba pang sundalo na nakatitig ngayon sa 'kin. Madudungis din sila at ang iba sa kanila'y may hawak pang baril na naabutan kong tinatanggalan ng bala. Oh gosh! Ano ba 'tong nakikita ko?
"Bakit ka nga pala naparito, Jose?" tanong ng isang lalaki na nakaupo sa isang tabi habang pinupunasan ang hawak na baril.
"Ganyan mo ba kausapin ang mas nakatataas sa 'yo, Maj. Ismael Nieves?" pabirong untag ni Jose.
Nakangiting umiling ang lalaking tinawag niyang Ismael.
Mayamaya pa'y nilapitan ulit ako ni Jose. Iginiya niya ako palapit sa kanyang mga kasama. "Siya si Ms. Carina Concepcion, ang nag-iisang anak ng gobernador ng Lalawigan ng Elena. Dinala ko siya rito upang tulungan siyang humawak at magpaputok ng baril."
Nalaglag ang panga ko sa narinig at agad na humakbang palayo kay Jose. "What?! No way!"
Gusto ba niya akong mamatay ng maaga dahil sa desisyon niya? Paano kung magkamali ako sa paghawak ng baril? Imbis na matuto ako, mapatay ko pa ang sarili ko. At isa pa, kahit kailan ay hindi ko nakita ang sarili kong humahawak ng baril! It's a no for me!
"Mukhang hindi pa siya handa, Jose. Sa palagay ko'y huwag na muna natin siyang hayaan na humawak ng baril." mungkahi ni Ismael.
Pinasadahan ni Jose ng tingin ang mga kaibigan bago nagpakawala ng mabigat na buntong-hininga. Bakit pakiramdam ko frustrated siya dahil hindi pa ako handang humawak ng baril?
"Pero dapat masunod ang ating Leyon! Naniniwala ako sa— Aray!" Naputol ang sinasabi ng isang lalaki dahil binatukan siya ng malakas ni Miguel.
"Tumigil ka nga, Petrio! Wala ka namang ibang ginawa kundi sumang-ayon sa idolo mong si Jose!" wika ni Miguel. Sinamaan lang siya ng tingin ni Petrio habang hinihimas ang nasaktang batok. "Tama si Ismael. Ang paghawak ng baril ay hindi palaging kailangan ng talino. Minsan nangangailangan din ito ng tibay at lakas ng loob. Sigurado akong alam mo ang tungkol sa bagay na 'yon, kaibigan."
BINABASA MO ANG
My Knight in Dirty Combat Shoes (Published under Ukiyoto Publishing)
AksiyonThe Wattys 2019 Winner | New Adult Parusa para kay Carina ang maging isang anak ng gobernador ng Elena. Balewala sa kanya ang kayamanan at katanyagan kung hindi naman niya nagagawa ang mga bagay na gusto niya. Desperado sa kalayaan, wala siyang paki...