Twenty Three. (K.O.M.H.)

8 1 0
                                    

Hindi ako magkakaila na hindi ko naintindihan ang gusto niyang ipahiwatig. Pero gusto kong sa bibig niya mismo manggaling ang gusto niyang iparating.

"Pwede bang sabihin mo sa akin ng direkta kung anong gusto mong sabihin?" tanong ko.

Lumapit sa akin si Blanco.

"Naalala mo nung sinabayan kita paglalakad dito galing sa Club Red?" tanong niya. "Yun yung araw na naglakas loob akong sabihin sa iyo na cute ka. Dinadaan ko sa biro pero totoo. Naguguluhan din kasi ako sa sarili ko. Hindi ko maintindihan kung bakit parang iba ang tingin ko sa iyo kaya sinubukan kong makasama ka. At nung nakasama kita sa food park, Flynn, gusto ko yung ngiti mo."

Natahimik ako. Totoo ba itong mga naririnig ko? Hindi kaya nalilito lang siya sa sarili niya kaya niya nasasabi yan?

"Kapag nagkwekwento ka o kaya naman nagsasalita ka, gustong gusto ko ang boses mo. Gustong gusto kong marinig ang bawat salitang sinasabi mo. Napatunayan ko sa sarili ko na....." wika niya.

Hindi siya kaagad makapagsalita. Nakatingin lang siya sa akin. Pakiramdam ko nakadikit na din ang mga paa ko sa kalsadang kinatatayuan ko.

"Gusto kita." wika niya. "Wala akong pakialam kung lalake ka. Hindi ko na iisipin kung anong iispin nang iba basta gusto kita."

Nagulat ako. Hindi ako makapagsalita. Totoo ba ang mga naririnig ko sa kaniya?

"Flynn." biglang tawag sa likuran ko. Agad kong nakita si David. "Bakit nandiyan ka pa? Kanina pa ako naghihintay dun sa waiting shed."

Tumingin muli ako kay Blanco.

"Blanco, baka naguguluhan ka lang sa sarili mo." wika ko. Hinawakan ko siya sa balikat. "Uuna na ako sa iyo."

Lumakad ako paalis.

∞∞∞

Nagkaklase kami kay Sir Clet. Tahimik kaming nakayuko at nagsasagot sa mga binigay niyang problems.

"Anong nangyari sa inyo nung Friday?" bulong na tanong ni Juneray.

"Sa amin?" pagtataka ko.

"Hindi na nakabalik si Blanco sa bahay nina Aira. Kinocontact namin siya pero hindi namin siya macontact." sagot ni Juneray.

Tumingin ako sa likuran ko. Nakita ko si Blanco na tahimik na nagsasagot.

"Hinatid lang niya ako sa West Garden. Pagkatapos nun umalis na siya." pagsisinungaling ko.

"Ganun ba. Para kasing iba din si Blanco ngayon. Hindi siya maingay pagpasok kanina." wika ni Juneray.

Tumahimik ako. Naalala ko yung mga papel na binato sa amin ni Juneray. Pati yung nakasulat sa board at yung nagtetext sa akin. Si Blanco kaya yun? Muli akong tumingin sa likuran ko.

At nakatingin siya sa akin.

Seryoso ang mukha niya. Sinubukan kong ngumiti sa kaniya at ngumiti din naman siya sa akin. Pero agad siyang yumuko at nagpatuloy sa pagsasagot niya. Napansin ko din mula nung gabing yun, wala nang nangungulit na text sa akin. Hindi kaya siya talaga yun?

"Pangalawang lingon mo na yan sa likuran. Ano ba talagang nangyari?" pangungulit ni Juneray.

"Wala." pagsisinungaling ko. "Nagtataka lang ako bakit hindi siya nakabalik kina Aira."

"Baka may party pa na pinuntahan yan." hula ni Juneray. Pero hindi. Hindi kaya naoffend siya sa sinabi ko? Pero tanging "baka naguguluhan ka lang" ang sinabi ko sa kaniya.

"Okay class, pakipasa na lang yan sa akin mamaya." wika ni Sir Clet. "Pakibigay kay Mr. Dela Vega tapos pakibigay na lang sa akin ha?"

"Yes Sir." sagot ko.

Double RainbowWhere stories live. Discover now