Thirty. (P.)

7 1 0
                                    

Tumingin muli ako kay Lefzon. Seryoso siyang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung anong meron at parang may kumukurot sa puso ko. Biglang naghahalo halo ang emosyon ko. Nakatingin silang lahat sa akin. Hindi ako makapagsalita.

"Kilala niyo ako dahil sa isang sikat na tao sa school. Kilala niyo ako bilang isang baklang kaibigan niya. Baklang kaibigan ni David." wika ko.

Hindi ako makapaniwala nasabi ko ang mga linyang yan sa ganito kadaming tao. Nakatingin lang silang lahat sa akin.

"Pero gusto niyo bang malaman kung anong masasabi ko sa mga binabato ng tao sa akin?" pagpapatuloy ko. "Masakit. Masakit na walang nakakakilala sa akin bilang si Flynn. Masakit na kung minsan, kapag narinig ko ang pangalan ko sa bibig ng ibang tao, hindi maganda ang sinasabi nila. At karamihan dun ay tungkol sa pagiging kaibigan ko ni David. At alam niyo? Unfair. Kasi si Lucas hindi nararanasan ang nararanasan ko. Si Lucas kaibigan din ni David pero wala akong narinig na masamang bagay tungkol sa kaniya. Samantalang ako, palaging laman ang bibig ng mga tao ang pangalan ko."

Naramdaman kong bumibigat ang pakiramdam ko. Hindi ko napipigilan ang bibig ko. Pakiramdam ko kusa nang lumalabas ang mga salitang ito mula sa damdamin ko. At nararamdaman ko din na maiiyak ako.

"Sa inaraw-araw na buhay ko sa school, tinitiis ko ang titig ng ibang estudyante sa akin. Mga tingin na kulang na lang ay mapatay ako. Titig na tila sinasabihan akong isa akong malaking basura na nakadikit sa isang ginto." wika ko. Tumingin ako kay Lefzon. Naramdaman ko na lang na may tumulong luha sa mga mata ko.

"Pero alam niyo ba kung ano ang pinakamasakit sa lahat?" Huminga muna ako ng malalim. Tinitigan ko si Lefzon. "Yun yung kapag nakita nila akong nakadikit sa ibang tao, dinadamay nila ito at tinatanggalan ako ng karapatan na makipagkaibigan sa mga ito."

Yumuko si Lefzon. Hinahayaan ko na lang na marinig niya ang sinasabi ko. Na sana maintindihan niya din ang sitwasyon ko. Na sana malaman niya ang dahilan kung bakit ako biglaang umiwas sa kaniya. Napansin ko na lang na yumuko ang iba sa kanila.

"Pero hindi ko inisip na bangungot ang buhay ko sa school." pagpapatuloy ko. "Kasi maswerte ako kina David at Lucas. Walang araw na hindi nila pinaramdam sa akin na may karapatan din ako. Na sa tuwing makakasama ko silang dalawa, pinipilit nilang mapangiti ako. Kahit na ang sama na ng tingin sa akin ng ibang tao dahil kasama ko lang sila, pinipilit nilang mapasaya ako."

Naramdaman kong hindi tumitigil ang pagtulo ng luha ko. Agad ko na itong pinunasan.

"Kaya sana maintindihan niyo." wika ko. "Dahil sa mundong ito natutunan kong walang magmamahal sa isang tulad ko. Sana maisip niyo na sina David at Lucas lang ang nagiging sandalan ko. Na sila lang ang mga taong tinatanggap ang buo kong pagkatao. Pero pati yun pilit na pinagdadamot sa akin ng ibang tao."

Yumuko ako. Hindi ko mapigilan ang luha ko. Ang tagal ko nang gustong sabihin sa ibang tao yan. Gustong gusto kong sabihin sa kanilang lahat, sa lahat ng walang magandang sinabi tungkol sa akin, na hindi ko kasalanan ang maging kaibigan ni David.

Muli akong tumingin sa kanilang lahat. Karamihan sa kanila ay nakayuko. Tumingin ako kay Lefzon at Joyce pero pati silang dalawa ay nakayuko.

"Pasensiya na kayo masiyado akong nadala." nakangiti kong wika.

Hindi nila ako matingnan sa mata. Tumingin ako kay Abby at Jemille. Tahimik lang silang nakatingin sa akin. Tumingin ako kay Athena pero tulala siya sa sahig. Minabuti ko nang tumayo at bumalik sa pwesto ko katabi ni Abby. Walang nagsasalita sa kanila. Tumingin ako sa katabi kong babae. Bigla siyang tumingin sa akin.

"Guilty ako." wika niya. "Sorry Flynn."

Katulad ng dati, ngumiti na lang ako. Sabi nga nina David at Lucas, sanayan na lang.

Double RainbowWhere stories live. Discover now