F

56 0 0
                                    

Sulat sa Kwartong Madilim
Jeanebeth Nesperos

Natagpuan ko ang sarili sa isang siradong kwarto
Na kung saan ang mga ding-ding ay punong-puno
Punong-puno ng letra, mga salita
Mga hinaing na sa loob-loob pa nagmula

Kahit ako'y bobo, hindi matalino
Pero damang-dama ko ang hinagpis ng taong sumulat nito
Batid kong siya'y nasasaktan
Natitiyak kong sugat niya'y kailangan nang lunasan

Alam kong magulo ang aking umpisa
Pero hayaan niyo akong ikuwento ang aking nababasa't nakikita
Sisimulan ko sa dinding na nasa aking harapan
Na medyo magulo ang pagkasulat pero aking nauunawaan

Mahirap ipunin ang mga letra
Lalo ng alam mong marami sila
Pero para sa iyo ginawa ko
Pinilit ko
Sinikap kong makuha ang lima
Kahit N O T Y A lang na mga letra
Kasi dahil dito minsan tayong naging masaya
Uulitin ko ng pangalawang beses ang letrang A
Mabubuo ko na ang salitang TAYO NA
Oo, tayo, ikaw at ako
Pero nasaan ka na bakit bigla kang naglaho?

Ang buong istorya ay hindi mabubuo sa isang pader lang
Kaya ako'y tumalikod
Hinarap ang kanina'y nasa aking likod
Iginiya sa mga nakasulat ang aking mga mata
Mukhang ito na yata ang kadugtong sa istorya

Ang salitang TAYO NA,
Na nabuo mula sa letrang aking kinuha,
Ay buong pagmamalaki kong idinikit sa pisara
Sa harapan ng aking mga kaklaseng mapanghusga
Dahil ngayon ang kwento nating dalawa
Ako'y estudyante at ika'y guro na
Ako'y iyong pinapunta sa sulok
Katabi ng mga basurang bulok
Ika'y nagsalita sa harap ng klase
Bitbit ang iyong aklat na dala mo palagi
Ika'y nagtanong sa kanila
Kung tama ba ang kanilang nababasa sa pisara,
May sumagot na isa,
Hindi ko man gusto ngunit tanggap ko
Pero ang dahilan ng paguho ng akung pagkatao
Ay nang makita ko kung paano mo lagyan ng ekis ang sagot ko.

Walang pag-aatubili kong hinarap ang pader na nasa kanan ko
Hindi ako nagdalawang isip na basahin ito
Labis kong inunawa ang bawat salita
Upang makuha ko kung ano ba talaga ang istorya nila

Bakit ekis ang aking nakuha?
Sa isip ko lang sana
ngunit nasabi ko nang buong-buo
Sa harap mo, sa harap ng ibang tao
Ako'y iyong tiningnan bigla
Ako'y nagulat sa aking nakita
Bakit ang lamig ng mga mata mo?
Nasaan na ang init na hatid ko sa iyo?
Sa punto pa lang na iyon alam kong may nagbago
Pero kumakapit pa rin ako sa salitang OKAY TAYO
Iyon pala isa nang MALABO

Natapos ko na ang isang pahina ng istorya
Pero hindi pa ito kumpleto, ala kong may kadugtong pa
At dito malalaman ko kung paano ang mga letrang itinuring niyang minsang tala
Na sa langit lang niya makikita
Ay bumagsak sa lupa at iba na ang nakakuha

Tumaas ang iyong kilay, kumunot ang iyong noo,
Bakit hindi ekis ang ilalagay ko? Yan iyong tanong mo
Hindi ako sumagot, ako'y naghintay sa iyong susunod na sasabihin
Isang segundo ay mali isang minuto ko sanang iisipin
Pero nagsimula ka ng magwika
Na sa aking pagkatao'y sumira
Ang aking panuto ang iyong sundin,
Hindi iyan ang mga letrang hinahanap ko
Wala iyan sa bukabularyo ko
Walang T A Y O  N A na salita  matuto ka sanang magmasid, makiramdam
Para hindi ka nasasaktan
Oo, aaminin ko
Iyan ang unang panutong ibinigay ko
Pero bago ka pa magsimula
Iniba ko na ang panuto, nakinig ka sana
Huwag mo kong sisihin kung ikaw ay nagkamali
Dahil simula't sapul ikaw ay estudyante
Obligasyon mong sundin ako, at ang mga desisyon mo ay walang puwang sa aking pagkatao
Ang aking pinapahanap sayo,
Ay ang salitang BAWAL TAYO
'Hindi ako nakaimik, bigla akong nanahimik
Hindi ko matanggap at 'di ko kayang magpanggap
Napakaduwag mo,
Bakit pinili mong iwan ako at manindigan sa desisyon mo?
Sana kinausap mo muna ako
Natitiyak kong may solusyon namang iba dito
Para ang salitang TAYO NA
ay hindi naging MALABO
BAWAL tayo sa paningin nila pero kaya kung iwan kung ano ako
Para lang makasama ka
Ito ang huli kong salitang sasabihin sa iyo,
Ikaw ay minsang aking tala,
pinapangarap na sana balang araw pagmamay-ari na kita.

Mr.  Hugutero (once broken)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon