"Kanina ko pang napapansin na tahimik ka. Iniisip mo pa rin ba si Vera?" tanong ni Miggy habang nagmamaneho. Nasa biyahe na silang mag-asawa pauwi nang hapong iyon. "Baka naman may pinuntahan lang siya. Huwag ka na masyadong mag-worry."
Nag-aalala si Francine kay Vera dahil sa gamot na nakita niya sa kuwarto. Wala siyang kaalam-alam na may karamdaman pala ito dahil hindi naman ito nagsasabi sa kanya. Hindi naman niya maikuwento iyon kay Miggy o kahit sa kanyang ina dahil baka isipin nila na mapanganib si Vera. Ayaw niya na dumagdag pa sa dinadala nito dahil siya lamang ang maaaring makaunawa rito.
"Mabuti nga't pumayag ang Mommy mo na umuwi kaagad tayo. Halatang-halata na labag sa kalooban niya dahil si Vera ang dahilan. Bakit ba hindi pa rin magkasundo ang dalawang iyon?"
"Ewan ko ba kay mommy. Hindi mawala-wala ang pagkainis niya kay bessy. Feeling ko nga ay baka inaway siya ni Mommy kaya umalis na siya nang walang paalam. Hindi ko lang maitanong kay Mommy kanina kasi baka magalit siya sa 'kin."
"Hayaan mo na." Hinawakan siya ni Miggy sa balikat. "Intindihin mo na lang ang Mommy mo dahil may edad na siya."
Makalipas ang ilang oras na byahe ay nakauwi na rin sila. Bubuksan na sana ni Francine ang gate para maipasok na ni Miggy ang sasakyan, nang lumabas si Vera sa bahay para ito na ang gumawa. Hindi man lang niya ito nakitaan ng kung anong problema at nakangiti pa ito sa kanya.
"Welcome home, bessy!" masayang pagbati ni Vera.
Inis na lumapit sa kanya si Francine. "Bakit ba bigla ka na lang umalis? Hindi ka man lang nagpaalam na uuwi ka na pala. Ni hindi ka man lang nagtext."
"Pasensya na, bessy. Hindi na ako nakapagpaalam sa 'yo kasi kailangan kong puntahan iyong friend ko. Bigla kasi syang sinumpong ng sakit sa puson at ako lang ang mahihingian niya ng tulong para maisugod siya sa ospital. Nagka-appendicitis siya."
Kumunot ang noo ni Francine. "Sino'ng friend?"
"Ah, eh... hindi mo kilala. Friend ko noong nagtatrabaho pa ako rito sa bansa." Kinuha niya ang bitbit na gamit ni Francine at binago ang usapan. "Hindi ba nagalit si Tita Miranda nang dahil sa pag-alis ko?"
"Hindi naman."
Papasok na sana sa loob si Vera nang pigilan siya ni Francine. Kinausap niya ito sa labas ng gate.
"Umamin ka nga sa 'kin. Sigurado ka bang dahil lang sa kaibigan mo kaya ka umalis, o dahil baka nag-away na naman kayo ni Mommy?"
Nakaramdam ng kaba si Vera, pero hindi niya ipinahalata ito sa kaibigan. "Bakit naman kami mag-aaway ni tita?
"Sigurado ka? Sigurado ka bang wala kang inililihim sa 'kin?"
"Wala. Bakit naman ako maglilihim sa 'yo?" Bumuntong-hininga siya. "Huwag ka na ngang mag-isip ng kung anu-ano dahil wala namang koneksyon sa mommy mo ang pag-alis ko. Alam mo naman na hindi ako naglilihim sa 'yo."
BINABASA MO ANG
Sinful Heaven [Completed]
Ficción GeneralMiggy messed up big time by cheating on his wife, Francine, with her best friend, Vera. They thought they could keep it a secret, but their affair was exposed. Now, Miggy's life is a mess, filled with regret and a damaged reputation. 'SINFUL HEAVEN'...