Pagkababa pa lang ni Francine ng sasakyan ay patakbo kaagad niyang niyakap ang kanyang ina na nakaabang sa tapat ng bahay. Umiyak siya nang umiyak sa balikat nito. Hindi pa man siya nagsasalita ay alam na ni Miranda kung ano'ng dahilan ng kanyang pag-iyak.
"Naniniwala ka na ba sa 'kin?" seryosong tanong ni Miranda habang hinahaplus-haplos ang likuran niya. "Sinasabi ko nga ba't hindi talaga mapapagkatiwalaan ang babaeng iyon. Unang kita ko pa lang sa kanya, nag-init na ang dugo ko."
"M-mommy, niloko nila ako. Hindi ko na po alam ang gagawin ko," umiiyak na sabi ni Francine.
"Kailangan mong tapangan, anak. Alam mo sa iyong sarili na wala kang ginawang masama, kaya hindi ikaw ang dapat na magdusa."
Pagkuwa'y bumaba na rin si Raymart sa sasakyan. Nang makita siya ni Miranda ay kaagad siyang nagpakilala.
"Ah, ako nga po pala si Raymart. Magkatrabaho po kami ni Francine. Hinatid ko lang po siya rito sa inyo."
"Gano'n ba? Maraming salamat, hijo."
"Walang anuman po, Madam."
Dahan-dahang kumalas sa pagyakap si Francine at ibinaling ang tingin kay Raymart. "Thank you, Raymart. Napakalaki na ng utang na loob sa 'yo."
"Wala 'yon. Alam mo namang hindi kita kayang pabayaan. Magkaibigan tayo, 'di ba?" nakangiting pagkakasabi niya at tumango naman sa kanya si Francine. "O, paano ba 'yan? Siguro ay aalis na ako. Kung kailangan mo ng tulong ko, tawagan mo lang ako ah."
Humarap naman siya kay Miranda. "Madam, aalis na po ako."
"Ayaw mo bang pumasok muna sa loob, hijo? Mag-merienda ka muna. Malayo ang ibiniyahe nyo ng anak ko."
"Hindi na po siguro, Madam. Ayoko pong makaabala sa inyo lalong-lalo na't kailangan ni Francine ng isang ina na makakausap ngayon. 'Tsaka kailangan ko na rin po kasing bumalik kaagad dahil may pag-uusapan pa kami ng kapatid ko. Maraming salamat na lang po."
"Gano'n ba? O, siya sige. Mag-iingat ka sa biyahe. Maraming salamat ulit sa paghatid sa anak ko," nakangiting sabi ni Miranda. Pilit na ngumiti rin si Francine at kumaway sa kanya.
Pagkuwa'y tuluyan nang umalis si Raymart.
Nang makapasok sa loob ng bahay ang mag-ina ay nag-usap sila sa may living area. "Ang kapal talaga ng mukha ng babaeng iyon. Matapos mong tratuhing kapamilya, gano'n lang ang gagawin sa'yo. Alam mo, bukas na bukas din ay pupuntahan ko ang hayop na 'yon at kakaladkarin ko siya palabas ng bahay nyo."
"Mommy, hindi nyo ho kailangang gawin 'yon."
"At bakit hindi?" Pinamaywangan siya ni Miranda. "Hahayaan mo na lang ba na manirahan ang punyetang iyon sa bahay nyo? Iiyak ka na lang ba nang iiyak at wala ka man lang gagawin? Aba! Sinisira niya na ang relasyon nyo. Hangga't maagapan pa, paalisin na natin siya. Kung kinakailangang magpatawag ako ng mga pulis, gagawin ko!"
BINABASA MO ANG
Sinful Heaven [Completed]
Fiction généraleMiggy messed up big time by cheating on his wife, Francine, with her best friend, Vera. They thought they could keep it a secret, but their affair was exposed. Now, Miggy's life is a mess, filled with regret and a damaged reputation. 'SINFUL HEAVEN'...