Utang
4th year highschool ako at closing party namin that time. May isang resort sa Clark na napagkasunduan ulit namin puntahan upang magsaya kaming magbabarkada.
Natapos na ang selebrayon magdadapit hapon na kaya isa-isa narin kaming nag ayos ng aming mga gamit. Naalala pala namin na ang inarkila namin na jeepney ay para ihatid lang kami sa resort. Kaya naman pinili nalang namin magcommute pauwi, pero ang problema naman ay wala ng natira sa pera ng iilan at sakto nalang ang pera ng iba sa amin.
Wala na kaming choice 'kundi sama-samang maglakad palabas ng Clark, Pampanga. Kung e-estimahin, inabot din kami ng mahigit sa tatlong oras kakalakad at ginabi na din kami. Karamihan sa amin ay pagod na pero ako at ang isa kong kaibigan ay patuloy parin sa paglalakad sa unahan nila. Hanggang sa may naaninagan ako sa 'di kalayuan na dalaga. Tila ba'y nag-aabang siya ng sasakyan sa gilid ng kalsada. Sa wari ko'y kagagaling lamang niya sa opisina dahil narin sa formal niyang pananamit. Ngunit ang nakapagtataka ay dahan-dahan siyang humahakbang paurong sa kanyang kinatatayuan hanggang sa masaid siya sa malaking puno kung saan ito ay nasa kanyang likuran lamang.
Hanggang sa marating na namin ng aking kaibigan ang kanyang kinaroroonan. Sa laki ng aking pagtataka ay tila ba bula siyang naglaho lamang sa kawalan. Napaka-imposible na mawala siya ng ganoon lang.
Sa dala ng kaba at pagkatakot ko ay tinapik ko ang aking kasama upang tanungin kung nakita rin ba niya ang tinutukoy ko kanina pa. "Wala naman akong nakita, gutom lang yan." pabiro na sagot ng aking kasama. Hanggang sa nagsitaasan na ang aking mga balahibo dahil sa aking nasaksihan. Isa siyang babae na walang mukha.. at nakasampa ito sa likod ng aking kausap..
Nanginginig akong tumigin sa aking likuran upang silayan ang aking mga kasama at napansin ko na wala na pala sila. Naiwan na namin sila. Sa pagharap ko. Nawindang ako sa duguan nilang pangangatawan. Gumagapang sila patungo sa akin at lumuluha ng malapot na dugo..
Hanggang sa may tumapik sa akin ng malakas at nagising ako.
"Araw ng patay pala ngayon, Anak. Halika at samahan mo akong mamili ng mga bulaklak para sa mga kaibigan mong namatay sa aksidente." Sambit ng aking ina habang maluha-luha itong nakangiti sa akin.
Isa ako sa mga nakaligtas.
Ang babae na nakita kong naglaho at ang sumampa sa likod ng aking kasama ay walang iba 'kundi ang espiritong ligaw na sumingil sa buhay ng aking mga kaibigan. Sabi ng isang albularyo sa akin ay hindi raw ako nito titigilan hanggang sa hindi niya nakukuha ang soot ko na agimat na pinamana pa sa akin ng aking pumanaw na tiyuhin.
Dagdag pa nito ay ninakaw lamang daw ito ng aking pamilya mula sa kanya at kailangan na itong mailibing sa lupa kasama ng kaniyang nabubulok na labi bago pa matapos ang piyesta ng mga patay.
JCM