CHAPTER FORTY-NINE
The SchemerZENREE
Nagising ako nang maramdaman ang kirot sa magkabilang kamay at paa. Pakiramdam ko ay pinupunit ang buong katawan ko sa sobrang sakit.
Dahan-dahan akong napamulat at bumungad sa harapan ko si Raven na nakangisi sa isang direksyon bago may pinindot na switch dahilan upang lalong mas mahila ang mga kamay at paa ko. Halos mapasigaw ako sa sakit lalo na't mahigpit din ang pagkadena sa akin.
Paanong nandito si Raven? Nasaan kami?
"A-Aray."
Napalingon ako kay Cleo na mukhang nagising na rin dahil doon. Halatang nasasaktan din ito na mababakas sa mukha niya.
"Zen, a-anong nangyari?" baling pa niya sa akin.
Hindi ako nakasagot dahil hindi ko rin alam. Basta't ang tangi kong natatandaan ay magkasama kaming apat nina Dana. Pagkatapos naming uminom ng tubig ay nakaramdam kami ng antok at nagising na lang ako na naka-kadena na kami.
"Raven." baling ni Cleo kay Raven matapos akong hindi makatugon.
Tila walang naririnig si Raven dahil hindi man lang kami nilingon. Nakatuon ang buong atensyon niya sa isang direksyon na para bang may hinihintay siyang lumabas mula roon.
Napasigaw kami nang muling pindutin ni Raven ang switch. Kaunti na lang talaga at pira-piraso na ang katawan namin. Walang tigil sa pagmumura si Ethan lalo na nang akmang pipindutin na naman ni Raven ang switch. Ngunit bago pa man niya magawa iyon ay may sunod-sunod na bala ang dumiretso sa direksyon niya. Pilit siyang umiiwas habang heto kami at nanliliit ang mga mata. Sinisigurado kung si Hugo nga ba ang nakikita namin.
"Hugo!" halos magkasabay na sigaw naming tatlo.
Parang nabingi naman ito dahil nakatingin lang ang nanlilisik niyang mga mata kay Raven. Patakbo pa sana ito para magtago sa likod ni Ethan ngunit agad siyang tinamaan sa likod dahilan para matumba siya.
Lumapit si Hugo saka ito sunod-sunod na sinuntok si Raven. Tila nag-aapoy ang mata nito sa sobrang galit at aaminin ko, nakakatakot ngayon si Hugo.
"Hugo tama na iyan!" saway ko rito. Baka kung ano pa ang mangyari kay Raven at alam kong hindi siya magdadalawang isip na tuluyan ito.
Gulong gulo na ako sa mga pangyayari. Mas lalong dumami ang tanong na naglalaro sa isipan ko. Paano kami napunta rito? Nasaan si Dana at Ezekiel? Bakit 'to ginagawa ni Raven? Siya ba ang nagkadena sa amin? Paano napunta rito si Hugo? Bakit siya galit na galit?
Lahat ng tanong ay hindi masasagot kung ipagpapatuloy nila ito. Hindi ito masasagot kung tutuluyan ni Hugo si Raven.
"Hugo! Tumigil ka na!"
BINABASA MO ANG
Peritissimus: The Mission
AkčníThey thought they'll forever isolate themselves from the ordinary world. Until they found their group in a mission where they have no other choice but to face it. --- PERITISSIMUS: THE MISSION [Editing] Written by: Chaimeeeee Genre: Action Status: C...