Lahat ng mga mata nila ay nakatingin sa direksyon. Namimilog ang kanilang mga mata, may ibang namamangha at ang iba ay may mga katanungan. Tila pati ang oras ay huminto. Napuno ng katahimikan ang paligid dahilan para marinig ko ang lakas ng tibok ng puso ko...
Walang kakayahan ang mga wizards na magpalabas ng kapangyarihan sa mga kamay nila at tanging ang wand lang... isang bagay na ipinagtataka ko. At pinaniniwalaan nilang mga witches at warlocks lamang ang kayang gumawa nito.
Nanatiling naka-hilay ang shelf na halos patumba na pero nananatili ito sa posisyon niya dahil sa kapit ng kapangyarihan ko rito. Nagdadalawang isip ako kung bibitawan ko na ba, o patuloy ko lang na kakapitan.
Ramdam ko na ang pangangawit ng kamay ko. Hindi ko rin maikakaila ang panginginig nito maging ang panginginig ng tuhod ko na sinabayan ng malakas na pintig ng puso ko. Tagaktak ang pawis ko, hindi ko na alam ang gagawin ko... nalilito ako.
"Maraming salamat, Caylus."
Parang nabingi ang tenga ko nang marinig kong pinasalamatan ni Ms. Savi si Caylus. Sunod-sunod din ang pagpuri ng ibang estudyante kay Caylus. Dito na bumalik sa ritmo ang lahat. Unti-unti kong inikot ang ulo ko para tignan ang tinitignan ng lahat na nasa direksyon ko lang din.
Nanlaki ang mata ko nang mahuli ko ang tingin ni Caylus na nasa likod ko. Ang wand niya ay nakatutok sa shelf na patumba na at nanatili itong nakatutok doon.
Para akong iniingkanto ng kaniyang yelong mata na tumatagos sa kaluluwa ko ang bawat titig. Parang binabasa nito ang bawat anggulo at ekspresyon ko—ang titig niya na mas lalong nagpabilis ng tibok ng puso ko.
Umalingawngaw sa paligid ang malakas na pagkalabog kaya hinanap ng mga mata namin ang ingay na narinig ng aming tenga at nasilayan ko ang unti-unting pagtayo ng nakahilay na shelf pabalik sa posisyon at tamang ayos nito. Ibinaba ko ang kamay ko at inayos ang sarili ko, inikot ko ang tingin ko sa paligid at hindi naman nakatingin sa akin ang mga tao kaya medyo nabawasan ang hiya ko sa ginawa kong eksena.
"Buti na lang nandoon si Caylus! Patay ako kung 'di siya dumating!"
"Agathon?" usal ng mga tao sa loob ng bilugang silid na kinatatayuan ko.
Inangat ko nang bahagya ang noo ko at nagtagpo ang mga kilay ko. Si Agathon, nakatayo sa gilid ng natumbang shelf, hinihimas ang batok niya habang kabadong ngumingiti. Sumilip din mula sa likod niya ang babaeng may singkit na mata na mukhang nakakapit pa sa damit ni Agathon.
"Agathon, ikaw ba ang dahilan nang pagkatumba ng shelf?" tanong ni Ms. Savi.
"Ehh," kinakabahang usal niya. Mukhang nalilito pa siya sa isasagot niya.
"Naku, Agathon! Pinapahamak mo ako parati... buti na lang nandito si Caylus."
"Mukhang nakipaglampungan na naman si Agathon," singit ni Caylus na nasa likod ko.
Nanlilisik ang tingin niya kay Agathon. Naglalabanan ang luntian at asul na mga mata nila na tila ba may hindi makitang kuryente na kumokonekta sa mga titig nila. Luntian at asul ang mga mata nila, pero dinaig pa nito ang pula dahil umaapoy ang aura nila.
"Agathon, pumunta ka ngayon sa opisina. Ngayon mismo!" mahina ngunit madiin ang pagkakabigkas ni Caylus sa bawat salitang binitawan niya.
"Pati ikaw," dagdag na usal niya para doon sa babaeng nagtatago sa likod ni Agathon.
Nagmartsa palabas ng malaking pinto ng silid na ito si Caylus. Ang bawat hakbang niya ay ma-awtoridad. Habang si Agathon naman, na nakasunod sa kaniya, ay parang sumasayad ang paa sa sahig sa sobrang bigat ng bawat hakbang niya. Pinaghalong inis at pagkaumay ang mababasa mula sa iritableng mukha nito.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasyThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...