Cαριτυlυm XXI: Memories II

85 10 0
                                    

Hindi ko mabilang kung ilang araw na ang lumipas mula noong eksena namin ni Agathon sa ulan.

"Ang tahanan ay hindi lamang estraktura na puwede mong uwian," panimula niya, "ito ay lugar kung saan nararamdaman mo ang kaligtasan na hindi kayang iparamdam ng ibang lugar na iyong napuntahan. Maaring gawa ito sa matibay na kahoy, malalaking bato, o mamahaling ginto—o minsan, gawa ito sa laman, dugo; at puso."

Humigpit ang pagkakahawak ko sa braso niya habang lumalabas sa labi ko ang hikbing gabi-gabi kong pinipigilan.

"Iniwan ako ng isa mga tahanan ko... iniwan ulit ako."

"Agathon!"

Dumagundong ang galit na boses ng malamig na tao sa likod ni Agathon. Sinilip ko kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon kahit na alam ko naman kung sino... gusto ko lang makasigurado—at tama nga ako, si Caylus. Galit ang bughaw na mata nito habang naliligo rin siya sa ulan. Ilang beses pa niyang tinawag ang pangalan ni Agathon nang pasigaw bago siya nito lingunin.

"Pasensya na, Caylus," usal ni Agathon, lumapit siya rito at itinaas ang magkabilang kamay niya na parang sumusuko.

"Tumakas ka na naman. Gumawa ka na ng kalokohan, dinagdagan mo pa."

Ipinukol sa akin ni Caylus ang pares ng asul niyang mata at mabilis akong yumuko para pagmasdan ang sapatos kong puno na ng putik at para na rin iwasan ang nanlilisik ni tingin ni Caylus.

"Sumama ka sa 'kin."

Nakatayo lamang ako doon habang pinapakinggan ang ingay ng mga paa nilang tumatama sa maputik na daan. Hanggang sa pahina na ng pahina ang naririnig kong yabag, ganoon din ang ulan. Hanggang sa wala na akong marinig...

Kagaya ng inaasahan, nagkasakit nga ako. Buti na lang at nandiyan si Matilda para alagaan ako. Ginagawan niya ako ng isang uri ng tsaa para mabilis akong gumaling pero mailap pa rin siya. Madalas pa rin siyang umiiwas. Nararamdaman ko pa rin na hindi ko pa tuluyang nabasag ang pader na nakaharang sa pagitan naming dalawa. Hindi ko pa rin tuluyang nakukuha ang tiwala niya.

Nang gumaling ako at bumalik na ng tuluyan ang lakas ko ay hindi na rin niya ako inasikaso. Nanatili ring nakaimbak ang mga librong hiniram ko sa silid-aklatan dahil sobrang sakit ng ulo ko at hindi ko pa kayang magbasa.

"Malapit na matapos," masayang sambit ni Agoth habang pinagmamasdan niya ang eleganteng kurtinang kakatapos lang niyang ikabit.

"Pagkatapos nito, mga ilaw na lang at iba pang dekorasyon!" dagdag ni Griffin na hawak-hawak ang walis niya.

Umalingawngaw sa bilugang silid ang pagbukas ng malaking pinto at iniluwa nito ang lalaking may ma-awtoridad na tindig at malamig na titig.

"May balita ako sa inyong lahat."

Sabay-sabay namin siyang nilingon at mabilis na lumapit sa kaniya para malaman kung ano ang balitang iyon. Nahagip ko pa sa sulok ng mata ko si Agathon na naglalakad din kasabay namin, hindi pa kami nagkakausap mula noong nakaraan dahil nga nilagnat ako at balita ko mula sa kuwento ni Agoth kanina ay nilagnat din daw siya. Pikon na pikon nga raw siya kakabantay kay Agathon kasi ang arte raw, ugali niya raw talaga 'yon kapag nagkakasakit.

"Idinagdag sa talaan ng pagpipilian kamakailan kung saan idaraos ang engrandeng sayawan sa ikatlong kabilugan ng buwan. Kaninang umaga ay nagpulong ang mga summus, mga guro at ang hari. Mayroon silang dalawang desisyon para sa gaganaping pagdiriwang..." Saglit itong huminto at pinasadahan ang bawat isa ng tingin, sinisiguradong nakikinig kami sa bawat letrang ipinapalabas niya sa labi niya.

"Una..." pagbitin nito. Hindi maiwasang magreklamo nina Griffin at Rand dahil nagmamadali ang mga ito na marinig ang balita ni Caylus. "Magsaya kayo at ang silid na ito ang gagamitin sa pagdiriwang!"

Deborah: The Witch of IncantaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon