Nanatili akong nakatulala habang nakatingim sa mga damo, ginugulo ito gamit ang aking sapatos, pilit inaaliw ang sarili ko. Mugto pa ang mata ko mula sa magdamag na pag-iyak. Gusto kong tumakbo, bumalik pauwi, pigilan sila...
"Pero 'di ko nagawa..."
Pinunasan ko ang masaganang luhang dumaloy mula sa aking mga mata, sunod-sunod ang pagpatak ng mga ito. Magdamag nga akong umiyak, pero hindi pa rin nauubos ang luha ko. Humahapdi na ang mga mata ko, nararamdaman ko na parang masusugat ito. Sa tuwing nakakaramdam ako ng init sa mata ko, agad ko itong pinupunasan ng kamay ko.
"Gamitin mo ito."
Isang kamay ang sumulpot sa harap ko, may hawak itong dahon na nakatupi. Sinundan ko kung sino ang nagmamay-ari ang kamay at bahagya akong nagulat nang makita ko siya.
Bumuntong hininga siya at kinuha ang kamay ko, pinatong ang nakatuping dahon sa palad ko, matapos no'n ay umupo siya sa tabi ko, dito sa fountain.
"Ganyan din ako... parating humahapdi ang mga mata ko dahil sa pag-iyak," usal niya. Yumuko siya at pinagmasdan ang sapatos niya. Nararamdaman ko ang bigat sa bawat salita niya.
'Siguro ay araw-araw nga siyang umiiyak, dahil sa mga pang-aasar at panglalait na natamo niya.'
"Hindi na kita tatanungin kung bakit ka umiiyak. Ayaw ko rin naman makialam at wala akong pakialam. Pero, alam kong humahapdi na ang mga mata mo... kaya naisip ko na baka kailangan mo 'yan."
Ipinukol ko ang atensyon ko sa nakatuping dahon.
"Dahon 'yan ng saguela. Mabisa 'yang pampatanggal ng hapdi sa mata, lalo na kapag umiiyak. Gamitin mo lang 'yan bilang pamunas sa mata mo at puwede ring ibabad mo ito sa mata mo. Malamig 'yan at makakatulong ang lamig niya sa pagpapawala ng hapdi," pagpapaliwanag niya.
Tumango-tango ako at sinunod ang sinabi niya sa akin. Narinig ko ang muli niyang pagpakawala ng malalim na hininga, pagtingin ko sa kaniya, nakita ko siyang nakatanaw sa malayo, sa kalangitan.
Maaga pa ngayon, makapal pa nga ang hamog sa paligid. Naalala ko kapag naghahanap kami nina Darim ng makakain sa umaga, ganitong oras din, ganito rin kakapal ang hamog. Sobrang lamig ng umaga pero napapawi ito sa pamamagitan ng pagtalon at pagtakbo namin sa gubat para makahanap lang ng makakain.
Wala ring makikitang estudyante sa paligid. Kaya medyo nagulat ako nang makita ko si Matilda, at mas nagulat ako dahil kinausap ako nito.
Nagliliparan ang grupo ng ibon sa kalangitan patungo sa norte. Noon, inaabangan pa namin sila ni Darim sa itaas ng puno, huhulihin namin para mapawi ang sakit ng kumakalam naming mga sikmura.
Muling pumatak ang luha sa mata ko. Sa panahong iyon, kasama ko si Darim. Halos kami ang magkasama araw-araw. Sabay kaming nangarap at gumawa ng paraan para makaligtas sa kakaibang laro ng buhay na kinabibilangan namin. Pero kagabi, hindi ko sila napigilan. Wala akong nagawa...
"Napakawala kong kuwenta..." nanginginig na bulong ko at inilapat ang nakatuping dahon sa mga mata ko para pigilan ang tuluyang pagpatak ng sunod-sunod na luha.
Naramdaman ko ang kamay ni Matilda, nakahawak sa balikat ko. Pinapakalma ako.
"Hindi natin makita ang halaga natin dahil wala tayong makapitan. Nawawala kasi yung ideya natin kung gaano tayo kahalaga kapag pakiramdam natin tayo ang nagkamali kahit na ginawa natin ang alam nating makakabuti at tama."
"Wala na ako ngayong kaibigan..." Hindi ko mapigilang ibuhos ang emosyon ko. Tinapik naman ako ni Matilda nang mahina sa aking balikat.
"Alam mo... buong buhay ko wala akong kaibigan."
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasíaThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...