"Ngayon lang ulit ako makakalabas! Gusto ko ulit masaksihan ang mahika ng oras!" Nagtatalon-talon pa si Agoth habang masayang nagsasalita. Hindi ko naintindihan ang mahika ng oras na tinutukoy niya pero mas minabuti kong manahimik na lamang.
"Tigilan mo nga kakatalon Agoth! Ang sakit mo sa mata!" reklamo ni Agathon na binelatan lang ni Agoth.
"Hoy! Kuba! 'Wag mong tatakutin mga bata ah!" panunukso ni Rand na naglalakad sa sa kanang bahagi ni Agathon.
Matalim na tingin ang iginanti sa kaniya ni Matilda. "Magpapaiwan na lang siguro ako."
"Bakit? 'Wag mo nga pansinin ang kalbong 'yan!" usal ni Agoth.
"Oo nga, Matilda. Sumama ka na." Hinawakan ko ang balikat niya at nginitian siya para mapanatag siya.
"Puwede ring magpaiwan kayong dalawa. Hahahahaha!"
Pinaningkitan ng mata ni Agoth si Agathon nang itinuro nito si Matilda at ako.
"Puwede ring ikaw ang maiwan kasi mambababae ka lang naman do'n!" ganti ni Agoth. Kinagat ko ang ilalim na labi ko para pigilan ang pagtawa. Ang magkakambal na 'to, wala silang ginawa parati kundi ang mag-away. Wala ring magpapatalo sa kanilang dalawa. Hanggat makakaganti sila, gaganti sila.
"Deborah..."
Nagulat ako sa mahinang pagsambit niya sa pangalan ko. Malamig ang hangin, pero hindi ko mabatid na malamig ang boses niya nang mga sandaling iyon. Doon ko lang din napagtanto na nasa gilid ko lang siya at sinasabayan ang bawat hakbang ko.
Hindi ako nagsalita o sumagot nang tawagin niya ako. Sapat na sigurong sagot ang pagpukol ko ng tingin ko sa kaniya bago ko ulit ito ibinalik sa nilalakaran ko.
"Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong niya.
Muli kong ibinalik ang pares ng mata ko sa kaniya at sinuri ang mukha niya. Hindi ko mabasa ang ekspresyon niya. Hindi ko alam kung nag-aalala ba siya o may iba pang takbo ang utak niya. Mas malabo pa siya sa malinaw na tubig na hinaluan ng putik.
"Okay naman..." Pinilit ko ang lahat ng makakaya ko para lamang ayusin ang pananalita ko at iwasan ang panginginig ng boses ko. Sinigurado ko ring walang mababatid na emosyon ang boses ko maliban sa 'maayos'. Gusto kong pagaanin ang mabigat na awra sa pagitan namin ni Caylus.
"Buti naman kung ganoon."
Itinapon ko ulit ang atensyon ko sa daan. Sabay ang bawat hakbang namin ni Caylus. Parang bata man kung iisipin pero naaliw akong tignan ang sabay-sabay na lakad namin. Malayo pa man ay tanaw ko na ang mga puno ng iba't ibang prutas, karamihan ay mansanas, na pinapagitnaan ang pintuang bayan. Maymga talahib din sa paanan ng mga puno na may mga maliit na bulaklak.
Bumagal hanggang sa tuluyang huminto ang paglalakad namin nang makarating kami sa malaking pintuangbayan. May haligi sa magkabilang gilid nito at sa itaas ng bawat haligi ay may estatwa ng malaking pusa na may nakaladlad na pakpak ng paniki. May mga simbolo o letra rin na nakalagay sa pintuangbayan na hindi ko maintindihan---para itong bumubuo ng lumang salita.
"Maligayang pagdating," pagbasa ni Agathon sa mga letra. "Eh lalabas kami, anong maligayang pagdating?" Napailing na lang si Agoth sa inasal ng kakambal niya.
"Hmmm... maligayang pagdating pala ang kahulugan no'n."
"Buksan niyo ang pintuangbayan. May liham kami mula sa summus na pinapayagan kaming lumabas." Isinilid ni Caylus ang kamay niya sa bulsa ng damit niya at nang ilabas niya ito ay itinaas niya ito sa hangin. Kumalat ang halimuyak ng liham sa paligid namin at bigla na lamang yumanig ang magkabilang haligi.
"Uh!" Ipinaypay ko sa hangin ang kamay ko para itaboy ang mga alikabok na nagliparan nang yumanig ang magkabilang haligi. Biglang umilaw ang mata ng magkabilang estatwa at nanlaki ang pares ng mata ko nang gumalaw ang mga ito.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasiaThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...