"Agathon, ang hilig mo talagang manira ng sandali." Tumayo si Caylus at pinagpagan ang kasuotan niya. Nang masiguro na niyang wala na ang mga duming kumapit, nilagpasan nito si Agathon at lumapit sa akin para hawakan ang kamay ko.
"Caylus. Nagtataka ako bakit nandito pa kayo eh. Hindi naman ako naninira sa sandali niyo. Sadyang wala lang sa oras ang pakikipaglandian mo, Caylus." Idiniin pa ni Agathon ang pagkakasabi niya sa salitang 'sandali'.
"Puwede ba, Agathon? Umalis kana lang diyan."
"Eh kung ayaw ko?"
"Deborah, tayo na lang ang umalis."
Akmang aalis na si Caylus hila-hila ang kamay ko nang muli kaming pigilan ni Agathon.
"Hep! 'Di puwede, Caylus." Humakbang palapit si Agathon sa harap naming dalawa ni Caylus at tumigil halos isang metros mula sa kinatatayuan namin.
"Akala ko ba Caylus, sa lahat ng tao rito, ikaw ang pinaka strikto pagdating sa oras ng klase. Pinapatawan mo pa nga ng parusa ang nahuhuli at nagliliban sa klase, 'di ba? Pero bakit ngayon parang 'di mo ata pansin na lagpas na ang sandali ng paglalandian niyo dahil oras na ng klase ngayon... hindi oras ng paglalandian."
"Hindi oras ng paglalandian." Ito ang sinabi dati ni Caylus kay Agathon nang lumiban ito sa klase dati.
Itinaas ni Agathon ang wand niya at lumabas ang berdeng ilaw mula rito na sumasalamin sa kaniyang mata at isang malaking orasan na gawa sa berdeng usok ang lumitaw.
"Puwede ba kitang parusahan dahil sa pagliban mo, Caylus?"
Ipinukol ko ang mata ko sa kamay kong hawak-hawak ni Caylus. Sobrang higpit ng hawak niya sa kamay ko at nanginginig din ito.
"Biro lang!" Humalakhak ng tawa si Agathon na halos maubusan na siya ng hangin. May saltik talaga ang lalaking 'to.
"Tara na! Hindi niyo gugustuhing lumiban!" Naglakad si Agathon papunta sa pagitan namin ni Caylus at pinutol nito ang pagkakahawak ni Caylus sa kamay ko. Inakbayan niya kaming dalawa ni Caylus at hinila papasok ng paaralan.
"Naririnig mo ba ako, Agathon? Naririnig mo ba ang sinasabi ng utak ko?"
Wala akong narinig na sagot. Kahit simpleng 'oo' lang, wala. May nararamdaman akong mabigat na enerhiya, hindi ko lang matukoy kung kanino ito galing. Pero mukhang hindi ito galing kay Agathon dahil ang lawak ng ngiti nito... hindi ko alam bakit biglang tumibok ng malakas ang puso ko nang mapatingin ako kay Caylus---na nakatingin din sa akin.
Halos kasabay lang naming pumasok sa silid-aralan ang guro. Nakasuot ito ng bistidang abot hanggang sahig, may desenyo itong pinaghalong paruparu at bulaklak. May suot-suot din siyang sumbrerong patatsulok. Akmang magsasalita pa siya dahil nahuli kami sa oras ng klase nang mahagip ng mga mata niya si Caylus kaya minabuti nitong 'wag na magsalita.
Pumasok na kami sa silid. Tahimik ang lahat habang nakatingin sa kamay namin ni Caylus.
"Cay, ang kamay ko."
Pero mas lalo lang niyang hinigpitan ang hawak niya. Iba ang tingin na ipinukol sa amin ng mga tao sa loob. Nagtatanong. Nagtataka. Nagulat... Nanghuhusga.
"Halika rito." Hinila ako ni Caylus papunta sa harapan. Hindi pa man kami nakakalapit sa gitna ay tumabi na ang guro.
"Caylus, ano ba 'to?" naiinis na tanong ko. Pakiramdam ko ay mabilis ang paggapang ng kahihiyan sa katawan ko. Mukhang mali ang naging desisyon ko na sakyan ang kagustuhan ni Caylus. Imbes na siya ang gagamitin ko para sa sarili kong hangarin, mukhang ako ang napapaikot niya. Sa bawat bagay na ginagawa niya mas lalo akong natatali sa kaniya.
"Makinig kayong lahat!" Sinubukan kong hilahin ang kamay ko mula sa pagkakahawak ni Caylus. Pero ayaw niya itong bitawan. Mula noong pumasok kami, wala kaming ibang ingay na narinig... Kahit bulong, wala. Ganito sila katakot kay Caylus.
"Ang babaeng ito, si Deborah, ayaw ko nang may nang-aasar o umaaway sa kaniya. Kung hindi..." Inilabas ni Caylus ang wand niya at itinutok ito sa litratong nasa pader. Maya-maya pa ay lumabas ang ilaw mula rito at sinunog ang litrato.
"'Wag niyo akong kakalabanin. At lalong lalo na..." Itinapon ni Caylus ang mga mata niya sa lalaking nakatayo sa sulok at nilalabanan ang umaapoy na tingin niya. "'Wag niyo siyang susubukang agawin mula sa akin."
"Ipapaalala ko lang sa lahat. Hindi niyo gugustuhing makalaban ako... Nakahanda akong pumatay para lamang sa isang tao."
Dumagundong muli ang puso ko habang nakatingin sa naka-igting na bagang ni Caylus habang nakatutok pa rin ang asul na mata nito sa lalaking nakatayo sa sulok. Kinagat ko ang labi ko... sinusubukan kong pigilan ang mabilis na pagtibok ng puso ko.
"Caylus... Ano ba talaga ang balak mo?"
Mas lalo kong narinig ang sunod-sunod na pagsabog ng puso ko nang ipinukol ni Caylus sa akin ang mga mata niya. Malamig ang kaniyang tingin na pakiramdam ko ay binabalot ako ng makapal na yelo.
"Deborah." Nagsitayuan ang balahibo ko nang marinig ang pangalan ko mula sa mga labi niya. Sobrang ginaw ng pakiramdam ko na nangangatal maging ang tuhod ko sa nangyayari.
"C-Cay..." Halos hindi ako makapagsalita. Napako ang tingin ko sa nakaawang na mapulang labi niya. May gusto itong sabihin... Nararamdaman kong may gusto siyang sabihin. May gusto siyang aminin. Ibinaling ko ang atensyon ko sa mga mata niya. May gusto itong iparating. May gusto itong isigaw. May gusto itong ipaalam.
"Akin ka lang, Deborah."
Nanlaki ang mga mata ko nang masilayan ko ng mas mabuti ang mga mata niya... May hindi tama... May nakakulong.
~*~
Tahimik ang buong klase. Kahit ang mga guro ay hindi alam kung ano ang sasabihin niya matapos ng ginawang eksena ni Caylus. Sinubukan kong hagilapin si Agathon pero hindi ito nakatingin sa akin. At si Caylus... umupo siya sa tabi ko. Buong oras ng klase hawak ang namamawis kong kamay. Buong oras din ng klase ay wala akong maintindihan dahil sarado ang utak ko at maging ang guro ay hindi al kung papaano ipapaliwanag ang mga pinagsasabi niya. Marahil ay hindi pa nawala sa paligid ang tensyon na namuo kanina.
"Mat, ano ang gagawin ko?" bulong ko kay Matilda. Ramdam ko ang panggigilid ng luha ko pero pilit ko itong iwinaksi. Narito kami ngayon at naglalakad sa feild. Naroon ulit ang mga estudyanteng nagpapatagisan ng kani-kanilang kakayahan. May nagpapalabas ng apoy, tubig, hangin, maging ang kidlat sa kani-kanilang mga wand.
Umiling si Matilda. Mukhang hindi niya alam ang isasagot niya at mukhang pati siya ay nagulat sa ginawang eksena ni Caylus kanina.
"Ay! Magdahan-dahan ka naman!" Sabay kaming napalingon ni Matilda sa babaeng sumigaw.
"Pasensya na," usal ng lalaking nakatalikod. Malapad ang katawan nito at magulo ang buhok.
Bigla namang nawala ang pagka-irita sa mukha ng babaeng nabangga ng lalaki nang makita niya ang mukha nito. Natulala siya rito. Napaawang ang mga labi niya at kulang na lang ay malaglag ang kaniyang panga.
"Pasensya ka na talaga."
"Hehe. Eyes leng. Keng geste me benggeen me elet eke. Hehehe."
Napataas ang kilay ko sa biglaang pagbago ng boses ng babae. Naging maarte ito at pinilit na lumiit.
Umikot na ang lalaki at tumingin ito sa direksyon ko... At halos manlaki ang mga mata ko sa aking nakikita. Para siyang anghel na bumagsak sa langit.
"Ares!" Dumako ang atensyon ko sa babaeng tumawag sa kaniya. Maliit ito at maputi. Maganda at nakakaakit.
"Tara na." Hinawakan nito ang kamay ng babae at umalis silang dalawa.
"Nakita kaya niya ako?" Katanungang namuo sa isipan ko.
Unti-unti ay lumakas ang tibok ng puso ko at biglang naging sobrang bigat nito habang pinagmamasdan ko ang paglalakad nila palayo sa akin.
"Deborah..." Halos nabingi ako, kahit tinatawag ako ni Matilda. Hindi ko siya nilingon. Hindi ko namalayan ang pagtulo ng luha sa mga mata ko... hindi ko rin alam kung bakit.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasiaThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...