"I-isa kang..."
"Oo. Tama." Humakbang ako palapit sa kaniya para mas lalo niya akong masaksihan. Para mas lalo niyang masaksihan ang tunay kong pagkatao.
"Isa akong halimaw. Kinakatakutan. Kinukutya. Pareho tayong halimaw dito sa mundo ng mapanghusga. Mat, tulungan mo 'ko."
Umiling siya habang gumagapang palayo sa akin. Batid ko ang takot sa kaniyang mga mata na minsan ko lang makita---minsan lang. At ang minsan na iyon ay ang sandaling ito.
"Hindi. Deborah. Gumamit ka lang ng spell. Haha! Alam ko ginamit mo ang wand mo!" Kabado ang boses niya pero pilit niya itong ikinalma. Sarado ang utak niya sa nakikita ng kaniyang mga mata.
"Totoo ito, Matilda. Totoong anyo ko ito. Ito ang tunay kong pagkatao."
Lumapit ako sa kaniya para hawakan ang kamay niya na pilit niyang inagaw mula sa akin.
"Hindi ba nagtataka ka kung bakit parang wala akong alam tungkol sa mga bagay-bagay dito sa Majestas? 'Di ba marami kang katanungan tungkol sa akin? Alam kong hindi ka kumbinsido sa mga sagot ko parati! Alam kong alam mong may tinatago ako sa bawat sagot ko. Alam kong alam mong nagsisinungaling palagi ako. Matilda, magkaibigan pa rin tayo, 'di ba?"
Sandaling katahimikan ang namayani. Nakatulala lamang siya sa kawalan. Sa mga sandaling ito, hindi ko mabasa ang isip niya. Hindi ako sigurado kung tama nga ba ang ginawa ko. Gumapang ang pagsisi sa sistema ko. Mukhang mali ako ng tyempo. Mukhang maling pagkakataon ang sinungkit ko. Nagmadali ako...
"Puwede ko bang ibalik ang oras? Puwede naman. Pero paano? Kahit anong pagsisisi ang gagawin ko, hindi ko na mababalik ang sandaling umamin ako. Mali. Nagkamali ako."
Humakbang ako paatras, paupo sa higaan ko. Walang kibo si Matilda. Nanatili siyang tahimik. Tanging ingay lamang ng malamig na hangin ang bumubulong sa aking tenga.
"Anong gagawin ko kapag pinagsabi niya sa iba? Ang tanga ko talaga! Dapat pinag-isipan ko munang mabuti ang ginawa ko! Papaano ko siya patatahimikin kapag nagsalita siya? Hindi niya puwedeng ipagsabi sa iba. Kapag malaman nila at makarating ito sa hari, papatayin ako. Hindi ako puwedeng mamatay. Hindi pa ngayon..."
"Pa-papaano mo nagagawang maging normal?" Tila pumutok ang ulap na nagpapalipad sa utak ko nang magsalita siya.
"H-ha?" gulat kong tugon.
"Paano ka nagiging normal? Papaano mo naitatago ang tunay mong pagkatao? Papaano mo naiiba ang pisikal mong anyo?"
Sa pagkakataong iti, puno ng kyuryusidad ang mga mata niya. Walang panghuhusga. Walang pandidiri. Puro katanungan lamang na nais malinawan. Tumayo ako at umupo sa kama niya. Halos magkatabi na kaming dalawa.
"Hindi ka natatakot o naiinis sa akin?"
Iling ang kaniyang naging tugon. "Kung ganoon, hindi lamang ako ang natatanging halimaw."
Nasilayan ko ang ngiti sa labi niya. Ngiting nangangahulugan na nakakita na siya ng kasama.
Bumuntong hininga ako at lumapit sa maliit na bag na pinaglagyan ko ng potion, dinukot ito at muling bumalik paupo sa higaan ni Matilda.
"Ito ang gamit ko."
Sinalat ng mga mata niya ang maliit na boteng hawak-hawak ko.
"Gawa saan 'yan?"
"Gawa sa iba't ibang sangkap na hindi matatagpuan dito sa Majestas."
Kinuha niya ang bote sa kamay ko at pinagmasdan ito, kinilatis ang bawat kasulok-sulokan.
"Ang ibig mong sabihin may lugar sa labas ng matatayog na bakod ng Majestas?"
Tinanguan ko siya. "Sa puso ng gubat. Doon kami nagtatago."
"Kayo?"
"Oo. Kami. Kami ng mga kagaya kong witch. Lima kaming naninirahan doon... pero..."
"Pero ano?"
"Namatay ang isa." Batid ko ang pag-ukit ng mapait na ngiti sa labi ko. Hindi pa rin matanggap ng puso ko ang kinahihinatnan ng nangyari.
"Namuhay kami sa gubat ng payapa. Alam mo ba, taon-taon kaming umaakyat sa matatayog na puno para pagmasdan kung papaano magdiwang ang Majestas. Sobrang taas ng mga puno sa puso ng kagubatan na maabot kamay mo ang mga alapaap. Nakikipaglaro kami kasama ang mga hayop sa gubat. Nangangaso kami para may makain. Natuto kaming lumusob sa mga ilog para manghuli ng isda. Natuto kami ng iba't ibang klase ng pakikipaglaban at pakikipaghabulan sa mga hayop. Kagubagan, ito ang tahanan ko. Ito ang kaharian ko. Dito nagmulat ang aking mga mata sa mundo. At nais ko, sa araw ng pagkamatay ko, iyon ang huling makikita ng mga mata ko. Gusto kong makita ang pagliparan ng mga ibon sa gitna ng siwang ng mga puno... Gusto kong mamatay sa gubat na aking kinalakihan."
Sa bawat bitaw ko ng mga letra, doon ko lamang napagtanto kung gaano ako kasuwerte at sa gubat ako namuhay. Kung gaano ako kasuwerte na hindi ko nagamit ang wand para padaliin ang lahat. Natuto akong gamitin ang sarili kong kamay... ito ang bagay na ipinagkait sa kanila.
Dito sa Majestas, pinadali ang lahat ng kapangyarihan. Pero mahina sila sa mga taktika at estrateheya. Ang kahinaan nila ay kalakasan ko... kalakasan naming pinagkaitang makapasok dito.
Napansin ko ang kalungkutan sa mga mata ni Matilda bago pa man ito ipabatid ng puso niya. "Lumaki ako sa pangangalaga ng ampunan. Trabaho lang buong araw para magsilbi sa hari habang lihim na pinapangarap na sana may mundo sa labas na walang pangungutya. Sana may mundo sa labas na masaya. Sana may mundo para sa mga halimaw kung saan hindi ko mararamdamang iba ako sa lahat."
"Hindi ka naiiba sa lahat, Matilda. Natatangi ka. Wala kang katulad. Pinagtatawanan ka nila kasi natatangi ka. Pero hindi nila alam, mas katawa-tawa sila kasi pareho-pareho lang sila. Walang katangi-tangi sa kanila hindi kagaya mo. Wala ka nang bagay na dapat pang tuklasin tungkol sa kanila kasi lahat naipagmayabang na nila. Pero ikaw, marami pang pahina ang mauubos bago ka makikilala ng lubusan. Sa kagustuhan nilang umangat at angatan ang isa't isa, hindi na nila napapansing pare-parehas na lang sila. Ikaw, natatangi ka kahit wala kang ginagawa. Natatangi ka kahit wala ka pang pinapakita. Habang sila, nailabas na nila ang lahat pero ganoon pa rin sila---"
Kahit minsan sa buhay ko, hindi ko inakalang mangyayari 'to. Kahit isang beses, hindi ko naisip na yayakapin niya ako. Na parang ramdam ko ang yakap ng isang totoong pamilya.
"Salamat," bulong niya.
"Mat, pumunta ka sa sayawan." Kumalas ako sa pagkakayakap niya.
Muli siyang umiling. "Hindi. Ayaw ko. Hindi ako puwedeng pumunta doon. Kagaya ng sinabi ko, wala akong lugar doon."
Hinawakan ko ang kamay niyang may hawak sa bote para kunin iyon at inangat iyon sa tapat mismo ng mga mata niya.
"Ngayon, sa tulong nito, may lugar na tayo roon." Sabay ngiti ko sa kaniya. Ngiting nagpapakita ng pag-asa.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasyThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...