Cαριτυlυm XXX

57 8 0
                                    

Pinagmasdan ko ang aking sarili mula sa usok na salamin na nilikha kani-kanina lamang ni Matilda. Umikot ako para mas masilayan lalo ang kagandahan ng aking kasuotan na ilang araw ko ring ginawa. Kulay dugo ito na mas lalong pina-elegante ng maputi kong balat. Kinulayan ko rin ng pula ang ube kong buhok para bumagay sa aking kasuotan. Kaakit-akit ang ibinura kong buwan na nasa gitna ng aking dibdib. Maayos na ang nakalugay kong buhok na inilagay sa harap ng kanang balikat ko. May kolorete na rin ang aking mukha. Nakahanda na akong umalis para sa gaganaping sayawan... Pero si Matilda, hindi pa.

"Matilda, hindi ka pa ba magbibihis?" tanong ko sa kaniya. Pinagmamasdan niya ang puting kasuotan na tumitingkad sa ganda. Nakaburda rito ang iba't ibang desenyo na lubusang kaakit-akit. Agaw pansin din ang pulbora na binudbod dito na parang malililiit na bituin. Higit sa paghihirap ko sa kasuotan ko, mas pinaghirapan niya ang kasuotan niya. Halos bawat segundo sinigurado niyang maganda ang bawat detalye nito.

Hindi ko lubusang inakalang ganito pala siya kagaling magdisenyo. Ngayon, nakita ko ang bagay na hindi nakita ng iba. Nasilayan ko ang pagkakataong ipinagkait sa mga mata nila. Nakikita lang siya nila bilang halimaw. Pero higit pa sa pisikal na anyo niya ang ipinakita niya sa akin... kasi maging ang busilak niyang kalooban ay kaniyang ipinadama. Sa loob ng apat na sulok na silid na ito, nakabuo kami ng alaala. Mga alaalang sa tingin ko ay sapat na para ituring ko siyang parte ng pamilya.

"Mukhang hindi na ko tutuloy," usal niya matapos bitawan ang malalim na buntong hininga.

Nagtataka akong kinuha ang sumbrerong tatsulok sa ulo ko at ipinatong ito sa mesa bago humakbang papunta sa kama niya. Hindi man siya nakatingin, alam kong alam niya na nakaupo ako sa tabi niya dahil sa paglubog ng parte ng kama.

"B-bakit naman? Matagal nating pinaghandaan ito." Hindi puwedeng wala siya. Nasanay na ako na nandiyan siya palagi. Siya ang palagi kong kasama. At pakiramdam ko, wala akong puwang sa lugar na iyon kapag wala siya. Isa siya sa taong nagpaparamdam sa akin ng salitang 'komportable'. Isa siya sa nagpadama sa akin na may kasama ako dito sa lugar kung saan akala ko ay ako lang mag-isa.

"Hindi puwedeng wala ka roon," dagdag ko.

Mahinang tawa ang kumawala sa mga labi niya... tawa na makalipas ang ilang segundo ay napalitan ng mahihinang paghikbi.

"Hindi mo ba napapansin, Deborah? Iba ako sa inyo. Naiiba ako. Deborah. Hindi ako nararapat sa lugar na iyon. Ang lugar na iyon ay para lamang sa mga magaganda at guwapo."

"Hindi mo ba nakikita ang kasuotang ginawa mo, Mat? Lahat sila mapapahanga rito. Lahat sila, titingalain ka. Maging ako sobramg nagandahan sa iyong kasuotan. Titingkad sa ganda, Matilda."

Sumagot siya sa pamamagitan ng pag-iling. "Nagkakamali ka. Tintingkad ang kasuotan pero kailanma'y hindi ang may suot. Sobrang pangit ko. Nakikita mo ba ang sarili mo sa salamin, Deborah? Sobrang ganda mo. Maagaw mo ang atensyon ng lahat ng tao sa bawat yapak mo samantalang ako... mas maganda pa ang anino ko. Kung may pagkakataon lang nga siguro na makatakbo ito palayo sa akin ginawa na niya. Sa sobrang pangit ko, kahit anino ko ayaw sa akin."

Mas lalong lumakas ang kaniyang paghikbi at mabilis niyang itinakio ang kaniyang mga palad sa kaniyang labi para pigilan ang tunog na nagpapakita ng kaniyang kahinaan. Ito si Matilda, ayaw niya nang nagmumukhang mahina. Pero ang itong parte ng pagkatao niya ay hindi niya hinayaang makita ng iba... maliban sa akin. Naging totoo siya sa akin. Naging bukas siya. Dahil na rin siguro rito bakit naging mas magaan ang pakiramdam ko sa kaniya.
"'Wag mo ngang sabihin 'yan---"

"Hindi mo alam ang pakiramdam ng maging pangit, Deborah. Palibhasa buong buhay mo naging maganda ka. Biniyayaan ka ng bagay na ipinagkait sa akin. Hindi niyo alam ang pinagdaanan naming mga pangit. Wala akong ibang ginawa kundi ang ikumpara ang sarili ko sa iba. Kung bakit naririto ang pesteng bukol na nakapatong sa likod ko. Pinagtatawanan kami. Kinukutya. Tinuturing na halimaw. Ginagawang katatawanan. Pinagtritripan. Iba't ibang diskriminasyon ang natatamo ko mula sa mapanghusgang mata. Ikaw, Deborah, sobrang ganda mo. May karapatan kang pumunta sa pagdiriwang pero ako, wala, kasi walang lugar ang pangit sa Majestas."

Napapikit ako ng mata habang pinipilit ipasok sa isip ko ang lahat ng sinabi niya. Nagkakamali siya. Maling-mali siya. Ipinagkait sa akin ang gandang dapat ay sa akin. Isa akong witch at itinuturing akong halimaw. Ginawan kami ng kuwentong nakakatakot. Ginawa kaming topiko sa mga nakakatawang bagay. Samu't saring lait at kutya ang narinig ko. Hindi mukha o ganda ang batayan ng respeto dahil hanggat may masasabi ang bawat tao wala akong magagawa kundi ang makinig sa hatol ng mga hurado sa mapanghusgang mundo. Ngayon ko lang nakita kung gaano ako kaganda. Ngayon ko lang nakita ang tunay kong anyo na puwede ko pa lang ipagmalaki.

Dahan-dahan akong tumayo at maingat na inihakbang ang paa ko patalikod, paatras, sa bawat hakbang ay mas palakas nang palakas ang tibok ng puso ko. Dumadagundong na naman ang kaba sa aking pagkatao.

"Kailangan ba talaga? Kakayanin ko ba?" Ang tanong ko sa aking sarili. Pimagkatiwalaan niya ako. Hindi siya nagdalawang-isip na ipakita sa akin ang tunay niyang pagkatao. Hindi niya ipinagkait sa akin ang sandaling masilayan ang katotohanan sa likod ng kaniyang misteryo... Siguro... panahon na rin para buksan ang sarili kong libro na matagal kong isinara at itinago sa kaniya.

Hindi ako nakainom ng potion kanina kaya inaasahan kong mawawala na ang epekto nito anumang oras ngayon. Siguro, panahon na talaga para ako naman ang magpakatotoo. Hindi sapat ang pagtuturing ko sa kaniya bilang pamilya kung maglilihim ako...

Naramdaman ko na ang parang maliliit na karayom na tumutusok sa balat ko sa buong katawan. Napakagat ako sa labi para pigilan ang sakit na nararamdaman ko.

Buong pwersa kong itinaas ang kamay ko para itutok sa kurtinang nakaharang sa bintana at tinanggal ito gamit ng kapangyarihan ko hanggang sa inilawan ng buwan ang aking balat at ang aking kinatatayuan.

"Matilda," pagtawag ko sa kaniya. Makalipas ang ilang segundo ay napalingon siya at bumungad sa akin ang panlalaki ng kaniyang mga mata.

"Hindi ako namuhay nang maganda, Matilda. Hindi totoo ang sinabi mo. Kung walang lugar ang pangit sa Majestas, baka may lugar tayong dalawa sa nawawalang Incanta."

Mula sa gabing ito, buong puso kong ibinigay sa kaniya ang tiwala ko.

"Matutulungan mo ba akong hanapin ito?"

Deborah: The Witch of IncantaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon