"Hummm. Hummm... hummm..." patuloy ang pag-alala ko sa himig ng kantang narinig ko kaninang tumunog sa isang saradong silid.
Hindi ko malinawan ang liriko ng kanta maging ang eksaktong himig nito pero pamilyar sa akin ang kanta. Narinig ko na ito noon pero 'di ko maalala kung saan at kung kanino. Natigilan ako kanina nang marinig ko ito. Para akong dinuyan sa hangin at habang nakasakay sa alapaap.
Narinig ko ang pagbukas-sara ng pinto ngunit 'di ko ito pinansin. Patuloy ang pagkanta ko habang nakahiga sa aking higaan at nakapikit.
"Magandang pampatulog ang kantang 'yan."
Kahit hindi ko man lingunin, alam kong si Matilda iyon. Siya lang naman ang kasama ko rito sa kuwarto. Medyo nag-iba na ngayon si Matilda. Noon hindi pa siya namamansin at mahihiya o magdadalawang-isip kang kausapin siya, pero ngayon, may mga pagkakataong siya ang nag-uumpisa ng kuwento.
Hindi ko alam kung ano na ang mayroon sa pagitan nila ni Rand. Mula nang gabing 'yon, 'di ko na sila nakitang nag-usap. 'Di ko na rin narinig ang mga panlalait ni Rand kay Matilda. Halos kahit isang tingin ay hindi ko na nakitang naglapat ng tingin ang dalawa sa isa't isa.
"Pampatulog ba ang kantang 'to?" Idinilat ko ang mata ko at tinapunan ng tingin si Matilda na kasalukuyang naglilinis ng mesa niya.
Tumango siya bilang tugon. "Karaniwang ginagawa 'yang pampatulog sa mga sanggol o sa mga bata. Mabisang pampatulog 'yan kahit sa mga matatanda. Wala namang sumpa ang kanta pero nilikha talaga ito para maging pampatulog at tumatak na iyon sa utak ng lahat maging sa mga sanggol. Na kung marinig mo man 'yan, hudyat na 'yon sa nalalapit na pagtulog ng mga nakikinig at kumakanta."
"Narinig ko ito kanina sa isang silid. Nakasarado kaya hindi ko masilip. Pero tumatak sa utak ko ang himig ng kanta."
"Ahhh. Baka pinapatulog ang mga hayop. Pati hayop kaya nitong patulugin eh."
Nakita kong inabot niya ang isang libro at binuklat ito. Palipat-lipat siya sa bawat pahina na parang may hinahanap sa mga nakasulat.
"Mat, hindi ba sumasakit ang ulo mo sa pagbabasa?" tanong ko. Nang makita kong hawak niya ang libro, naalala ko ang kinuwento ni Agoth nang isang araw lalo na ang naging kuwento ni Ms. Savi na may kinalaman sa lason.
"Ahh. 'Yon ba? Sumasakit naman ang ulo ko. Pero natitiis." Bahagya itong umangat ng tingin at nginitian ako. Maya-maya pa ay ibinalik niya ulit ang mata sa hinahanap niya. Dumampot ulit siya ng isang libro at nagpatuloy sa paghahanap.
"Mat," pagtawag ko sa kaniya. Nasilayan ko ang sandaling pagtaas niya ng kilay bilang tugon sa akin.
"'Wag mo sanang mamasamain pero... 'di ka ba nahihirapan... d-diyan?" Ininguso ko ang tila malaking bukol na nasa likuran niya. At kahit hindi ko man ituro, alam kong naiintindihan niya ang ibig kong sabihin.
Isinarado niya ang librong hawak niya at ipinatong ito sa mesa. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa kama niya at umupo. Matapos no'n, malakas na buntong hininga ang pinakawalan ng mga labi niya.
"Napapagod din." Maikli pero malaman na sagot niya. "Hindi ako makatakbo ng maayos kasi medyo mabigat ito. Hindi ako makahiga, patagilid at dapa lang. Hindi mo mayayakap ang buong katawan ko. Parang pasan-pasan ko ang mundo sa likuran ko."
Nakaupo lamang ako at nanatiling nakikinig sa kaniya. Nag-iba na talaga ng tuluyan si Matilda. Pakiramdam ko ay pinagkakatiwalaan na niya ako. Ngayon, nakakapagkuwento na siya ng mg bagay-bagay lalo na ang mga nararamdaman niya.
"Pinagtatawanan ako. Pinagpipiyestahan. Pinagtritripan. Ginagawang panakot sa mga bata. Kaya nga noong sabihin ni Rand na sinusubukan niyang kunin ang atensyon ko, alam ko pinagtritripan lang niya ako. Ang pangit ko, papaano magkakagusto ang kagaya niya sa isang katulad ko lamang? Maraming iba diyan na maganda at maganda ang hubog ng katawan. Bago niya ako magustuhan, gugustuhin ka muna niya. Kahit nga siguro ako na lang ang natitirang babae sa mundo, hindi niya pa rin ako mamahalin kagaya ng gusto ko."
Hindi ako sanay sa ganito. Hindi ko alam kung yayakapin ko siya o kung ano ba ang mga salitang puwede kong sabihin sa kaniya. Gusto kong pagaanin ang pakiramdam niya pero hindi ko alam kung papaano. Biglang tumayo si Matilda at mabagal na naglakad papunta sa pinto.
"Alis na muna ako." Kinagat ko ang ilalim na labi ko nang tuluyang lumabas sa silid si Matilda.
Dapat pala hindi ko tinanong iyon sa kaniya. Ibinaling ko ang tingin ko sa may bintana. Naaalala ko na naman ang pamilya ko. Kamusta na kaya sila? Napansin ko ang baso ng tubig sa itaas ng mesa. Lumapit ako rito at itinutok ang kamay ko sa itaas ng tubig kasabay ng pagpikit ko ng mata ko.
Alam kong ako lang din ang masasaktan sa gagawin ko pero gusto kong malaman kung ayos lang ba sila. Gusto kong malaman kung kamusta na sila. Kamusta na ba ang mga taong sinaktan ko? Idinilat ko ang mga mata ko at unti-unting lumilinaw ang larawang nasa tubig.
Umiiyak si Nana Melova, Satin at Sahara habang magkakayakap.
"Tahan na kayo," usal ni Sahara. "Parang-awa... Nana... tumahan na kayo."
"H-hindi ko kaya!! Pakiusap hindi ko kaya!"
"Nana..."
"Meow."
"Casper!" Para akong lantang gulay na nakatingin sa kanila, pinagmamasdan ang yakapan nila habang umiiyak sa kani-kanilang balikat. Si Casper naman ay nasa sahig at nakapulupot ang katawan sa paa ni Nana.
"Iiwan na ba talaga tayo ni Kuya Darim?" tanong ni Satin.
Pumintig nang malakas ng puso ko nang marinig ang pangalan niya mula sa mga taong inulila niya. Hindi ko alam kung gaano katagal na mula nang huli kong marinig ang pangalan niya, pero hanggang ngayon, nandoon pa rin ang konsensyang pilit kong itinataboy para matakasan ang kawalanghiyaang ginawa ko. Isang buhay ang pinatay ko para lamang sa bagay na walang kasiguraduhan. Walang sumagot kahit isa dahilan para umiyak ng malakas si Satin. Lumuhod sa sahig si Sahara at niyakap ang bata.
"Tahan na, Satin. Kakayanin din natin ito. Magpalakas kayo, pakiusap. Magpakatatag kayo. Isipin mo na lang, nangaso lang ng matagal si kuya darim mo. Masaya siya doon, 'di ba? Masaya si Darim kapag tumatalon-talon sa mga puno, kapag sumabit-sabit sa mga sanga. Masaya si Darim kapag pakiramdam niya lumilipad siya. Kapag sinasalubong siya ng hanging kalaro niya. Isipin mo na lang na para sa iyo ito. Lahat-lahat ito, para sa inyo."
Bago pa man mahalikan ni Sahara sa noo si Satin, malakas ko nang hinampas ang baso dahilan para tumilapon ito at mabasag.
Akala ko kaya ko na silang harapin, pero hindi pa pala. Hindi ko kaya. Pakiramdam ko ay ako ang dahilan ng paghihirap nila. Kung hindi umalis si Darim para sa akin. Kung 'di niya isinugal ang buhay niya sa kagubatan ng Suth para lamang kunin ang katas ng bulaklak. Kung sana ay sumama ako para matulungan at magabayan ko siya. Kung sana ay nag-isip ako ng mga posibilidad sa ginawa nilang pagpasok sa gubat na 'yon.
"Tama si Agathon. Tanga nga ako." Hinilamos ko sa mukha ko ang pares ng palad ko. Kung matapos ko ang misyon ko rito, hindi ko na alam ang gagawin ko. Hindi ko kayang harapin sina Nana. 'Di ko alam ang sasabihin ko sa kanila kapag magkita kami ulit.
Alam ko, kahit makapasok sina Nana rito sa loob, hindi pa rin sapat iyon na kabayaran sa buhay na nawala. Alam kong mas gugustuhin ni Nana na makita kaming buhay kaysa sa makita kaming naririto sa loob. Namatayan na ng anak si Nana, at nakita at nasaksihan ko ang pagdurusa niya. Nakita ko kung papaanong nawala siya sa katinuan, at hindi ko na gugustuhing makita pa ulit iyon. Pero ngayon, ako ang dahilan bakit muli siyang magkakaganoon.
Anong kuwenta ng bagay na gusto mong mangyari kung buhay naman ang kapalit? Buhay ng taong walamg ibang ginawa kundi ang hawakan ng mahigpit ang kamay mo sa bawat yabag na ginagawa mo at sa bawat daang itinatahak mo.
Pinunasan ko ang luha sa mata ko at ipinukol ang mata sa labas ng bintana. Nandito ako para ibalik ang lahat sa dati, at hindi ko bibiguin si Darim sa bagay na iyon. Ginawa niya lahat nang makakaya niya para umpisahan ang unang hakbang ng kalayaan para sa aming ipinagtabuyan at kinakatakutan, ngayon, uumpisahan ko naman ang ikalawang hakbang.
"Oras na, Darim, kikilos na ako para sa atin."
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasyThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...