Nakatulala ako habang yakap-yakap ang bote na naglalaman ng tubig na pula mula sa ilog at ang supot na naglalaman ng guamela. Nakaupo ako sa ilalim ng puno habang pinapatuyo ang sarili. Katabi ko si Casper na kanina pa ko dinidilaan at sinisiksik ang sarili sa akin; ramdam ko ang pag-aalala niya.
"Nakakapagtataka..." dinig kong bulong ni Caylus, "hindi naman malakas ang agos ng tubig sa ilog na 'to. Ngayon lang ako nakaharap ng ganito..."
Mayamaya pa ay ipinukol nito ang pares ng bughaw na mata sa akin.
"Bakit ka nandito?" tanong ko nang maramdaman ang titig niya. Nanatili ang mga mata kong nakatutok sa nagliliparang alitaptap na nasa ilalim ng puno na halos katapat ko lang, pinagmamasdan ang malayang galaw nila.
"Hindi ko tinanong kung bakit ka nandito, kaya 'wag mo ring alamin kung bakit ako nandito. Magpasalamat ka na lang, ikalawang beses na 'to."
Dinaig pa ng boses niya ang malamig na hangin na humahaplos sa aking basang balat.
Itinukod ko ang kamay ko sa lupa para hindi ako matumba at dahan-dahan akong tumayo. Nanlalambot pa ang tuhod ko. Nanginginig maging ang labi ko sa lamig at dahil sa hindi mawalang kaba na kanina ko pa nilalabanan. Kanina pa gustong bumigay ng puso ko; kanina ko pa gustong umiyak. Pero 'di ko magawa. Ayaw kong maging mahina.
"Darim, kung nandito ka... alam kong hindi mo hahayaang mangyari iyon. Sobra akong natakot, Darim. Akala ko mamatay na ako. Akala ko hindi ko na matutuloy ang mga pinagplanuhan natin..."
Mabagal akong humakbang habang nakatingin ang mga mata sa lupa, tahimik na naglalakad sa gitna ng mga ligaw na halaman at mga bulaklak, sinusundan ang dinaan ko kanina papunta dito. Ang totoo, sinusundan ko lang si Casper. Alam niya ang daan pabalik dahil sa abilidad nilang mga pusa.
"Sahara, muntik na ko. Kung namatay kaya ako, magagalit ka pa rin kaya sa akin? Sana hindi ka na galit. Pasensya ka na talaga..."
Mabilis kong pinunasan ang luhang nagbabadyang pumatak.
"Nana, kung mamatay kaya ako, malalaman niyo kaya? Makakarating kaya sa inyo? Saan kaya nila ililibing ang bangkay ko? Sana kung mangyari man iyon, ibalik nila ako sa inyo. Sana ibalik nila ako sa pamilya ko..."
Sunod-sunod kong pinunasan ang sunod-sunod ding luha na pumatak. Kinagat ko ang ilalim na labi ko, pilit ikinukubli ang hikbi. Walang dapat na makarinig sa kahinaan ko...
Tinapunan ko ng tingin ang boteng hawak-hawak ko at mahigpit na niyakap ito. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Malinaw kong naririnig ang tunog ng tibok ng puso ko na halos sumabog na sa kinalalagyan nito.
Napahinto ako sa paglalakad nang may tila boses na bumulong sa utak ko...
"Anak, buhay ka ngayon dahil ililigtas mo pa sila. Buhay ka dahil kailangan ka pa..."
Pagkarating ko sa kuwarto, inayos ko ang sarili ko at inipon ang mga nakuha kong sangkap.
"Dahon ng magilia at tubig mula sa alapaap..."
Inilista ko sa papel ang sangkap na kukunin ko bukas. Sa parehong oras bukas, hahanapin ko iyon. Hindi ako puwedeng mag-aksaya ng panahon. Bawat oras ay dyamante na kailangan kong bigyang halaga. Kung puwede lang na pati pagtulog ipagkait ko na sa sarili ko para lamang matapos ito at malagay na sa maayos na lagay si Darim. Ikakagalak ko kapag mabalitaan kong nasa maayos na kalagayan na siya-lahat sila.
Nang mag-umaga, kagaya nang parating ginagawa, dumiretso na ako sa klase. Ang kagandahan ay walang kung ano mang masamang nangyari sa akin ngayon, hindi nila ako pinagtripan o ano. Maganda nga ito dahil hindi pa ako lubusang nakabawi ng lakas. Ramdam ko pa rin ang kalambutan ng tuhod ko kaya medyo hirap ako sa bawat hakbang.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasiThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...