"Ngayon mo lang ba nalaman 'yon, Deb?" tanong ni Agoth sa akin. Kasalukuyan naming tinatahak ang daan papuntang silid-aklatan. Maghahanap ako ng libro tungkol sa mahika ng oras at kung papaano ito nangyari.
"Hindi naman. Pero s'yempre naninibago pa rin ako," pagsisinungaling ko. "Matagal na mula noong huli kong labas eh. Maging kayo mga ay namangha, 'di ba?"
Tumango-tango naman si Agoth habang ang parehong kamay niya ay nasa likuran na akala mo'y hinuli ng mga guwardiya. Nakatali ang mahabang buhok niya habang suot-suot niya ang magarbo't mamahaling kasuotan na sa tingin ko ay mula sa isa sa pinakamahal na bulaklak sa buong Majestas.
"Deborah."
"Hmmm?"
"Mahilig ka magbasa, 'no?"
"Hindi naman. Gusto ko lang madagdagan lalo ang mga kaalaman ko." Magaan na ang loob ko kay Agoth kaya naman mas nagiging bukas ako sa kaniya tungkol sa mga bagay-bagay. Isa rin siya sa mga sumasagot sa mga katanungan ko nang hindi ako hinuhusgahan kagaya ng pagtawag sa akin na bevy (o bobo) ng kakambal niya.
Bakante ang oras niya ngayon at ganoon din ako. Wala naman daw siyang masyadong kaibigan kaya nang magkita kami sa gilid ng paaralan ay inaya ko na lang siya na sumama sa akin.
"Alam mo, Deb, kapag ako nagbabasa sumasakit ang ulo ko. Ewan. 'Di ko maintindihan bakit. Si Agathon ganoon din eh."
Kumunot naman ang noo ko sa narinig. "Baka nasa lahi niyo 'yan?"
"Hindi rin," pagtanggi niya. "Wala akong kilalang hindi sumasakit ang ulo sa sampung minutong pagbabasa. Hindi ba masakit ang ulo mo?"
"Sakit ba 'yon?" tanong ko pabalik.
Tumango siya sa akin at nagsalita. "Oo. Nitong nakaraan lang ay nagpalabas ng pag-aaral ang mga dalubhasa ukol doon. Napag-alaman nila na ang lason na nangyari matagal na panahon na ang nakalipas ay lubusang nakaapekto sa mga mamamayan. Nakita sa dugo ng mga mamamayan ang nasabing lason. Dumadaloy ito maging sa utak. Ito ang dahilan kung bakit nahihilo o sumasakit ang ulo ng mga nagbabasa ng mga libro dahil maging ang mga mata natin ay naapektuhan. Kumbaga, nalilito tayo sa mga titik dahilan para sumakit ang ulo natin. Tinatawag ito ng mga dalubhasa na asleksya. Sa ngayon, wala pang nakikitang lunas ang mga dalubhasa kung papaanong tuluyang matatanggal ang lason sa katawan natin kasi mapanganib kapag maipapasa pa ito sa mga susunod na henerasyon."
"Hindi ba sumasakit ang ulo mo?" tanong niya.
"Sumasakit din naman. Kaya nga minsan bumabagal ako sa pagbabasa. Pero s'yempre gusto ko matuto kaya ganoon," pagsisinungaling ko. Kahit na magaan ang loob ko kay Agoth, hindi ko pa rin kayang itiwala sa kaniya ang buong katauhan ko.
Nakarating na rin kami sa silid-aklatan at gaya ng dati ay kakaunti lamang ang tao sa loob. Sinalubong kami ni Ms. Savi at tinanong kung ano ang hinahanap namin.
"Naghahanap po si Deborah ng aklat tungkol sa mahika ng oras."
Pinasadahan kami ni Ms. Savi ng tingin kasabay ng pangungunot ng kaniyang noo.
"Mahika ng oras? Bakit naman kayo naging interesado sa mahika ng oras?"
"Hindi po ba 'yon ang halimbawa ng mga bagay na dapat pagtuunan namin ng interes?" sabat ni Agoth.
"Hindi naman sa gano'n, Agoth. Alam mo, Deborah, kadalasan ay ikaw ang naghahanap ng mga libro na paminsan-minsan na lang pinagtutuunan ng interes. Humahanga ako sa kagustuhan mong matuto," nakangiting usal nito.
"Pero kung gusto mong malaman ang dahilan para sa mahika ng oras, ako na lamang ang magkukuwento sa 'yo. Pare-parehas lamang naman ang nakasulat sa mga libro at madali lamang itong maunawaan."
Naglakad si Ms. Savi dahilan para sundan namin ang yapak niya.
"Noong unang panahon, pareho lamang ang oras sa loob at labas ng palasyo. Kung tagsibol sa loob, tagsibol din sa labas. Pero isang araw, noong umupo sa puwesto ang mahal na hari, nagprotesta ang mga rebeldeng grupo. Pinangunahan ito ng isang sakhim na pinuno nila, gusto kasi ng pinuno nila ay siya ang maging hari kaya noong umupo sa puwesto si Haring Magnus ay nanguna ito sa pagsira at paglapastangan sa hari. Gayunpaman, hindi nito tuluyang nasira ang pangalan ng haring Magnus dahil para sa mga mamamayan, si haring Magnus ang pinakamabuti sa lahat. Ginawa niyang patas ang kapangyarihan ng lahat.
"Nagtuloy-tuloy ang pagprotesta ng mga rebelde hanggang sa umabot ito sa sukdulan. Nagpalabas sila ng lason na sumakop sa buong Majestas. Marami ang namatay, nawalan ng hanap buhay, nangulila, nabaliw, nagkasakit. Mga inosenteng bata at walang kalaban-laban na mga matatanda ay nadamay. Mga pamilyang naabandona. Tila mga punong nalagasan ng mga dahon ang Majestas nang mga sandaling iyon. Sa kasawiang palad, tanging itong paaralan lamang na pinalilibutan ng mga matatayog na bakod ang naprotektahan ng hari. Hindi niya nagawang protektahan ang buong Majestas, isang bagay na pinagsisihan niya ng lubos. Muntik pa nga siyang bumitaw sa puwesto pero hinikiyat siya ng mga taong magpatuloy. Matapos no'n, ay nag-iba na ang oras sa loob at labas ng palasyo."
Tumigil sa paglalakad si Ms. Savi at tinapunan niya ako ng pares ng kanyang mata---malulungkot niyang mga mata.
"Ang lungkot ng katotohanan. Dahil sa mga rebeldeng iyon ay parang ipinaghiwalay ang mundo na dapat ay iisa lang. Pinatay ang mga inosenteng buhay. At may mga taong iniwan ang kanilang tahanan."
"Kaya galit na galit ako sa mga rebelde eh." Napalingon ako kay Agoth na siyang nagsalita. Nakayukom ang kamao niya na parang handang manuntok ano mang oras.
"Pero baka may ibang dahilan pa ang mga rebelde?" usal ko na bigla namang tinanggihan ng mga kausap ko.
"Hindi!"
"Kasakhiman lang ang nais ng mga rebelde. Gusto nila ay sila ang maupo sa trono kaya ganoon. Hindi ka dapat na maawa sa kanila, Deborah. Mapang-api sila. Mamatay tao. Mga walang puso."
Napakagat ako ng labi sa narinig mula kay Ms. Savi. Mali, hindi totoong ganoon lamang ang hangarin ng mga rebelde--- dahil maging ako ay isa sa mga rebelde. Gusto namin ng pagbabago. Gusto namin ng kalayaan---lalo na, gusto namin ng katotohanan.
May isang katanungan na pumasok sa utak ko na marahil ay masasagot ni Ms. Savi. Isang katanungang puwedeng nakamaskara bilang kasinungalingan.
"Ano po ang pangalan ng pinuno ng mga rebelde?" tanong ko.
"Oo nga, 'no? Sa tinagal-tagal ko dito, hindi ko man lang narinig o nalaman kung ano at sino ang rebelde na nagpasimula ng gulong iyon," dagdag ni Agoth.
Nakatingin lamang ako kay Ms. Savi. Sinusubukang basahin ang utak niya na kahit anong gawin ko ay hindi ko naman magawa. Gusto kong mas malaman pa ang totoong kuwento. Nanghihina ang puso ko dahil pakiramdam ko ay niloloko ako ng lahat ng nalalaman ko. Nalilito ako kung alin nga ba ang totoo at alin ang kasinungalingang nakadamit bilang katotohanan. Gusto kong malaman ang sikreto na ikinukubli sa akin. Pero kahit ano ang gawin ko, tinatakpan pa rin ito. Ang mas malala ay unti-unti akong napapaniwala sa inaakala kong kasinungaling ipinapakain sa akin. Gusto ko malaman ang totoo pero 'di ko alam kung saan at kanino ako lalapit para sabihin sa akin ang katotohanan sa loob ng lugar na ito. Hindi ko alam, kung may tao bang makakapagsabi sa akin ng totoo.
Unti-unti na akong nagdududa sa mga kuwento sa akin ni Nana Melova. Unti-unti na akong napapaniwala ng paaralang ito. Unti-unti na akong nagpapakain sa bagay na hindi ako sigurado kung totoo. Nagrerebelde ako para ibunyag ang katotohanan. Kung bakit naging ganito ang kulay at mukha naming mga witch at wizard. Kung bakit ang sama-sama ng pananaw sa amin ng mga tao rito na kung tutuusin, wala naman kaming ginawang masama. Bakit pinagmukha kaming halimaw? Ang sabi ni Nana, isinumpa raw kami. 'Yon lang ang sinabi niya. Wala nang ibang bagay na makakapagpatunay at susuporta sa sinabi niya. Samantalang ang nga kuwento rito sa loob ng paaralan, lahat may basehan. Lahat ay may sumusuportang detalye at kuwento.
Bumalik ako sa ulirat nang bumuntong hininga si Ms. Savi. Nais kong malaman ang pangalan ng pinuno ng mga rebelde. At umaasa akong masasagutan iyon ng taong nakatayo sa harap ko at nakatitig nang diretso sa mga mata ko.
"Hindi ko rin alam ang pangalan at apelyido niya at iyon din ang ikinakabahala ko," usal niya. "Hindi natin alam baka isa sa mga nakakausap natin... anak pala ng pinuno ng mga rebelde. Kaya mag-iingat tayo."
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasyThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...