"Gusto ko manood!"
"Panoorin natin 'yon!"
'May bagong kuwento na naman ba?"Nagpalitan ng kuro-kuro ang mga tao tungkol sa hindi ko pa alam na dahilan. Hinila rin ng mga bata ang kanilang mga magulang at nakipagsiksikan sa mga taong nakikinood din.
"Hali na't pakinggan ang aming kuwento!" Sinubukan kong habaan ang leeg ko para makita ang pinapanood nila pero hindi ko talaga kaya. Masyado akong maliit at masyadong matangkad ang ibang nasa harap.
"Ano 'yon?" tanong ko.
"Palabas 'yan sa teatro. Gusto mo manood?" pag-aya ni Agoth.
"Tungkol saan ba ang kuwento?"
"Hindi ko lang alam pero kadalasan kuwento ng nga maharlika ang itinatampok nila. Hindi ka pa ba nakapanood niyan kahit minsan?" Umiling ako bilang sagot. "Grabe naman... nadadaanan lang 'yan dito noong bata ako. Hilig ko ang manood niyan eh. Tara nga!"
Mahigpit na hinawakan ni Agoth ang kamay ko at nakipagsiksikan kami sa grupo ng tao. Nagpahabol pa ng sigaw si Agoth sa mga kasamahan namin na antayin kami bago kami tuluyang makalusot sa dami ng tao.
"Nako! Tumilapon ang ginintuang bola ko sa malalim na balon!" Dahan-dahang tumakbo ang babaeng may korona at nakasuot ng engrandeng kasuotang gawa sa sutla. May mga dekorasyon din na nakalimbag sa kaniyang engrandeng kulay rosas na kasuotan na mas lalong nagpaganda rito. Tumakbo ito malapit sa isang balon na gawa lamang sa kahoy at nilagyan ng pintura.
"Paano ko kaya makukuha ang ginintuang bola?" takhang tanong ng dalaga.
"Ano ang iyong hinahanap, prinsesa, baka makatulong ako!"
Nagtawanan ang mga bata nang lumabas mula sa kawalan ang lalaking nakasuot ng kasuotang kapareho ng palaka. Kulay berde na parang manilaw-nilaw at mukhang magaspang ang nakabalot sa katawan nito. Ang parehong kamay niya ay nakalapat sa sahig ng ginawa nilang entablado na wari mo'y isa itong paa.
"Ginoong palaka, nahulog sa balon ang aking ginintuang bola. Regalo ito sa akin ng aking ama at siya ay magagalit kapag naiwala ko ito. Maari mo ba akong tulungang kunin ito?" tanong ng prinsesa. Sumang-ayon naman ang palaka.
"Pero mayroong kondisyon! Dapat ay patirahin mo ako sa iyong palasyo. Hayaan mo akong matulog sa tabi mo, kumain ng kasama ka at makipaglaro sa iyo."
Ang mukha ng prinsesa ay parang wala ng ibang pagpipilian pa kaya pumayag na rin ito. Tumalon ang palaka sa balon at may tumalsik pa na tubig, dahilan para magsigawan ang mga manonood, ito ay para mas maging makatotohanan ang pangyayari.
Hindi na namin pansin ni Agoth kung anong oras na at kung nasaan na ang mga kasama namin dahil naaliw kami sa aming pinapanood.
Kagaya ng napagkasunduan ay pinatira ng prinsesa ang palaka sa palasyo nila, kumain, matulog, at maglaro kasama ang palaka. Isang araw ay hiniling ng palaka na halikan siya ng prinsesa, dahil sa pandidiri ay umayaw ito. Naghanap ang paraan ang palaka para mahalikan siya ng prinsesa at nagtagumpay siya. At sa huli ay naging isang guwapong prinsepe ang prinsesa.
"Nakakakilig!" pagtili ni Agoth nang maghalikan ang mga bida.
"Hindi pa ba tayo aalis?"
Sabay kaming napalingon sa nagsalita at sinalubong ako ng malapad na katawan nito kaya kinakailangan ko pang tumingala bago ko nakasalubong ang bughaw na langit---mata pala.
"Caylus, kanina ka pa ba diyan?" tanong ni Agoth at sumilip sa likuran ni Caylus kung nandoon pa ang mga kasama namin.
"Naghanap sila ng makakainan. Tara na?" Inilahad niya ang kamay niya sa akin pero imbes na abutin ito ay mas pinili ko itong lagpasan at nagpumilit lumabas sa dami ng tao na tila sardinas na isinilid sa lata. Tagaktak ang pawis ko nang makalabas ako sa nagkukumpulang tao.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasíaThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...