"Kokak!"
"'Wag kang lumapit!"
Kumuha ako ng patpat para itulak palayo ang palakang tumalon papunta sa direksyon ko. Inambahan ko ito ng hambas pero kahit anong pananakot ko sa kaniya, nanatili siya sa posisiyon niya at nakatingin lang sa akin.
Padabog akong naglakad palayo pero sumusunod pa rin ito! Peste nga ang palaka---
"Aayyy!"
Agad kong sinuporta ang kamay ko para hindi ako tuluyang matumba sa lupa nang may bumangga sa akin.
"Deborah!" sabay na bulas ni Rand at Griffin at tinulungan akong pulutin ang mga gamit ko para makatayo ako.
"'Wag kasing lampa-lampa," usal ni Rand nang iabot niya sa akin ang mga gamit ko. Nangunot ang noo ko sa sinabi niya.
"Manang-mana ka talaga sa amo mo," bulong ko.
"Ano?"
"Wala!" inis na bulas ko. Si Griffin makulit lang talaga. Pero masakit talaga magsalita ang kalbong si Rand. Kahit kay Matilda, ganoon siya.
Maglalakad na sana ako palayo nang tawagin ako ni Griffin at nagtanong.
"Nakita mo ba si Agathon?" tanong ni Griffin.
Umiling ako bilang tugon at humakbang na palayo. Sa kalagitnaan nang pagdadabog ko ay may naalala ako na naging dahilan para muli ako tumakbo palapit kay Griffin. Nakalayo na sila sa akin kaya tinawag ko na lang ang pangalan niya, nilingon din naman nila ako.
Napahinto ako saglit nang may dumaang magkakaibigan sa harap ko at bago pa man ako maglakad muli ay isang ilaw na kasing lapad lang ng hintuturo ang dumaan sa harap ko. Sinundan ko ang patutunguhan ng ilaw, napataas ang dalawang kilay ko nang matumba sa lupa ang magkakaibigang dumaan kani-kanina lang sa harap ko. May malaking yelo na sumakop sa mga paa nila hanggang sa itaas ng tuhod kung kaya't natumba sila.
Pinasadahan ko ng tingin ang pinanggalingan ng ilaw at nakita ko ang babaeng nanggagalaiti ang mukha.
"Mga plastik kayo!" dinig ko pang sigaw nito bago ako makalagpas sa kanila.
"Ano 'yon?" iritadong tanong ni Rand na mukhang naiinip.
"Si Griffin lang ang tinawag ko kaya makakaalis kana," pagtataray ko rito. Ibinaling ko ang atensyon ko kay Griffin at sa kulot nitong buhok.
"Kasama kanina ni Caylus si Agathon. Siguro makakatanggap ang kaibigan niyo ng parusa matapos ang ginawa niya sa library."
"Anong ginawa niya sa library?" interesadong tanong ni Rand.
Kalahati sa katawan ko, gusto siyang tarayan. Pero mas pinili kong huwag siya pansinin.
"Deborah, alam naming bitbit siya ni Caylus ngayon. Pero 'di namin alam kung ano ang ginawa niya sa library. Puwede ba malaman?" tanong ni Griffin.
Itinaas ko ang kanang kamay ko at umiling.
"Wala ako sa posisyon para sabihin. Mas mabuti pang sa kaniya n'yo na lang itanong," usal ko, "tsaka alam ninyo naman pala na kasama ni Caylus ngayon si Agathon. Bakit n'yo pa hinahanap?"
"'Yon na nga. Kasama siya ni Caylus kanina, 'yon ang alam namin. Pero tumakas na naman siya." Bakas ang pagkairita ni Griffin dahil sa pagngiwi niya.
"Alam niya kasing pagagalitan siya ng ama niya. Alam mo naman si Agathon, ayaw na pinapagalitan," pagsisilawat ni Rand.
Dahan-dahan akong tumango habang nilalamon ng utak ko ang mga napag-alaman ko tungkol kay Agathon. Ayaw niyang magalit sa kaniya ang ama niya pero siya rin ang gumagawa nang ikakagalit nito. Kahit sinong ama o ina, matutuyuan ng dugo sa taong 'yon.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasiThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...