Cαριτυlυm XXXIV: Proposal

83 8 0
                                    

Hindi ko alam kung may karapatan ba akong magpahinga. Hindi ko alam kung alin ang mas dapat kong prioridad, ang maging masaya kahit sa ilang oras lang o ang ituloy ko ang dapat na ginagawa ko: ang linisin ang pangalan naming mga witch.

Nagsisiyahan na ang lahat sa loob... masaya rin ako dahil masaya si Mathilda. Naglakad ako palapit sa upuan na matatagpuan dito sa labas at nagpalipas ng sandali rito. Kung nasa gubat lang ako ngayon, malamang nasa itaas na naman kami ng mga puno habang tinatanaw ang mga nagsisiyahan dito. Alam kong aabot hanggang doon ang musika tapos sabay-sabay kaming sasayaw sa saliw ng tugtugin habang suot-suot ang pinakamaganda naming kasuotan na hindi mangangalahati sa ganda ng mga kasuotan ng mga naririto. Kahit hindi ganoon kaganda ang kasuotan namin at hindi ganoon ka-engrande ang selebrasyon namin, masaya namin kami. Kung sana nasa gubat lang ako, baka sana kasama ko pa si Darim ngayon...

"Bakit nandito ka sa labas?"

Napahawak ako sa puso ko nang tumibok ito nang malakas.

"Malamig dito ah."

Umusog ako ng kaonti nang umupo siya sa tabi ko.

"Ang ganda mo," usal niya na mas lalong nagpatibok nang mabilis sa puso ko.

"S-salamat, Caylus," sagot ko.

Itinapon ko sa malayo ang tingin ko kung saan tanaw ko ang buwan. Ayaw ko ng ganito. Ayaw ko na makatabi ko siya... ang lakas ng tibok ng puso ko na halos hindi ko na ito marinig. Pero hindi ito ang ordinaryong tibok na dapat maramdaman ng ordinayong babae. Iba ang tibok nito. Para bang, may nais ipahiwatig. Makahulugang tibok ng puso na sana ay hindi pag-ibig.

"Bakit ka nandito sa labas?" muling tanong niya.

"Gusto ko lang magpahangin." Pinilit kong ngumiti para muling magkunwari na ayos lang ako at hindi ako naiilang sa sitwasyon at sa nararamdaman ko.

"Deborah," pagtawag niya sa akin. Hindi ko siya tinapunan ng tingin o kahit pinasadahan man lang. Parang ayaw kong lumapat sa kaniya ang pares ng mata ko.

"Gusto sana kitang mas makilala pa... gusto ko sanang makilala ang pamilya mo."

Kahit na ayaw ko man, dahil sa gulat, napatingin ako sa kaniya. "H-ha?"

"Seryoso ako sa 'yo, Deborah. Kaya gusto ko sana maging legal tayo at..."

Napataas ako ng kilay habang nakatingin sa kaniya at nag-aabang sa susunod niyang sasabihin.

"Gusto na rin kitang ipakilala sa pamilya ko."

Sa loob ng isang segundo ay pakiramdam ko nalaglag ako sa aking kinauupuan dahil sa narinig.

"Makilala ng hari? Hindi ako handa. Hindi pa ako handa..."

"Nabanggit na kita sa kanila. Alam na nila ang tungkol sa atin at sa namamagitan sa atin..."

"Puwede ba, Caylus? Walang namamagitan sa atin. Nandidiri ako sa kung ano mang namamagitan sa atin."

"Tsaka kung maari raw, bago matapos ang ika-anim na pulang buwan, mag-isang dibdib na tayo."

Kung kanina pakiramdam ko ay nalaglag ako sa upuan, ngayon naman, ang pakiramdam ko ay kinain ako ng lupa at ililibing ako nang buhay. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Nakatingin lang ako sa kaniya, sa maamong mukha niya habang nag-iisip ng maisasagot kahit wala pa namang tanong.

"Hanggang saan ako dadalhin ng sitwasyon ko ngayon? Hindi pa ako handang magpakasal."

"Gusto nilang makausap ka pagkatapos ng sayawan," dagdag niya.

Tila lumutang ang utak ko sa hangin nang mga sandaling iyon. Wala man lang akong sapat na oras para makapag-isip ng susunod na hakbang: kung tutuloy ba ako o aatras. Pakiramdam ko ay ikinulong ako sa masikip na hawla kung saan hindi ako makahinga dahil sa kakapusan ng hangin.

"Hoy! Tanga!" Umalingawngaw ang salitang iyon sa tenga ko. Si Agathon, siya ang takas ko. Siya yung palaging nagliligtas sa akin sa ganitong sitwasyon... siya yung... kailangan ko ngayon---

"Tanga talaga, kanina pa kita tinatawag." Lumingon ako at doon ako sinakop ng anino ni Agathon habang ang bilugang buwan ay nagtatago sa likuran niya at napapalibutan siya ng liwanag nito. Tila kakampi niya lagi ang kalikasan sa lahat ng oras, kahit saan mang anggulo, pinapaganda siya lalo ng mga nakapaligid sa kaniya, maging ang buwan ay kakampi niya.

"A-anong ginagawa mo rito?" Tumayo ako at tinaasan siya ng kilay. Pinilit kong gawing normal ang boses ko para maikubli ang takot at kaba dahil sa mga sinabi ni Caylus. Mukhang limitado lamang ang utak ko at ang mga nasabi ni Caylus ay hindi na sakop nito kung kaya't ayaw nitong pumasok sa ko. Hindi ko alam kung papaano ako sasagot kay Caylus. Buti't dumating si Agathon, kung hindi, baka magulat na lang ako biglang sabihin ni Caylus na naghahanap na ang mga magulang niya ng apo.

"Ano... Ano kasi..." Ilang siyang napakamot sa batok niya. "Ahh! Kanina ka pa hinahanap ni Agoth!"

Kung kanina ay kilay ko ang tumaas, ngayon, nilabanan din niya ito. Napailing na lang ako sa inaasta niya.

"Tama! Kanina ka pa hinahanap ni Agoth! Hindi ako ang naghahanap sa 'yo ah! 'Wag kang masyadong mangarap ng mataas! Ano kasi... Ah! Walang makausap si Agoth kaya ka niya hinahanap. Alam mo na, ikaw lang naman ang kaibigan no'n. Kanina pa ako pinag-iinitan no'n kasi wala ka pa kaya taran na!" Nagulat ako sa biglang paghawak ni Agathon sa kaliwang braso ko na dahilan ng pagtibok ng puso ko... pero hindi lang ito ang naging dahilan para sa mabilis na tibok nito, kundi ang isa pang malamig na kamay na bumalot sa kanang kamay ko.

"Deb," malamig na usal niya habang nakatutok sa akin ang mga nagyeyelong mata niya. Sa pagkakataong ito, nakita ko ang dating Caylus, ang misteryosong mata pero nangangahulugang kaligtasan. Ang lalaking may bughaw na mata pero nangangahulugang proteksyon. At ang malamig na boses na 'yon na humihingi ng tulong.

"Mamaya. Aantayin kita mamaya." Napaatras ako nang bahagya nang humakbang ito palapit sa akin at hinawakan ako sa batok. Nanlaki ang mata ko nang makitang palapit ang mukha nito sa akin.

"Caylus..."

Napapikit ako nang lumapat ang labi nito sa noo ko at nang ilayo niya ang mukha niya sa akin ay siyang pagtalikod niya. Pero hindi ako nagkakamali... hindi ako puwedeng magkamali. May tumulong luha sa mata niya.

"Tsk. Ang sakit no'n sa mata ah."

Tinapunan ko ng tingin si Agathon. "Napuwing ata ako. Grabe ang sakit sa mata! Ang sakit talaga!" usal niya habang kinakalikot ang mata niya.

Nakalutang ang utak ko habang naglakad papasok ng sayawan. Si Caylus, anong nangyayari sa kaniya? Bakit bigla-bigla siyang nagbabago? Ginugulo niya ang utak ko. Yung mga bagay-bagay na sigurado na ako, muli niyang binibigyang katanungan. Pinapahirapan niya ako sa hindi ko malamang kadahilanan.

"Tabi!" Napatabi ako sa gilid ng pinto nang padabog na pumasok si Agathon. Parang bata.

Muli akong napalingon sa labas, sa malawak na damuhan, sa ilalim ng maliwanag na buwan, sa direksyon kung saan sumasayaw ang mga punong wala nang sanga at bahagyang nagliliparan ang mga dahon na nahulog na sa lupa, nandoon siya, nakatayo at nakatingin sa akin.

"Caylus, sabihin mo sa akin lahat. Alam kong may gusto kang sabihin sa 'kin... Nararamdaman ko, Caylus, sabihin mo sakin."

Ilang minuto rin akong nakatingin doon pero walang siyang kibo, nakatayo lang siya doon at nakatingin sa akin ang kaniyang malalamig na mata.

Muli kong ibinalik ang atensyon ko sa harap at mag-uumpisa na sanag maglakad nang makarinig ako ng tinig sa utak ko na muling nagpalakas ng tibok ng puso ko.

"Deb, tulong!"

Mabilis akong lumingon at tumakbo palabas ng pinto. Iwinagayway ng hangin ang buhok ko at nililipad din nito ang aking kasuotan habang humahaplos ito sa aking balat. Naririnig ko ang pagtama ng mga sanga ng puno sa isa't isa. Ang tunog ng mga insekto na nagkalat sa paligid. Nakikita ko ang puno, ang buwan, ang damo, ang kalangitan, ang bituin... pero hindi ko mahagilap si Caylus. Wala siya roon.

"Hindi ko alam kung kailan ako magtitiwala sa 'yo at kailan hindi, Caylus. Pero bakit paramdam ko matagal kang nawala at kanina lamang kita muling nakita?"

Deborah: The Witch of IncantaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon