"Deby!"
Mas lalong lumakas ang tibok ng puso ko sa narinig.
"Darim?"
Mabilis kong inikot ang aking katawan at sumalubong sa akin ang lalaking 'yon. Malapad na katawan, matangkad, matikas, matangos ang ilong, mapungay at nakakaakit kung tumingin, mapulang labi, at higit sa lahat, berdeng mata---Agathon.
"Bevy!" malakas na sigaw niya. "Bakit ka ba takbo nang takbo?"
"Ano bang pakialam mo?" nagtatakang pagtawag ko sa kaniya.
"'Yun na nga eh! Ano bang pakialam ko?! 'Yun ang isang bagay na ikinaiinis ko! Kasi kahit anong gawin mo, wala akong karapatan na mangialam sa 'yo!"
"Agathon..."
"Tanga ka, oo! Napakatanga mo! Pero mas tanga ako kaysa sa 'yo! Kasi mas tanga ang taong magkakagusto sa tanga. Ayaw ko nito, bevy. Ayaw kong maramdaman 'to."
Humakbang siya palapit sa akin, dahilan para umatras ako.
"Ilang hakbang pa ba ang gagawin ko, para 'di ka tumakbo? Kapag ba aatras ako, aabante ka? Kapag ba tumakbo ako palayo, hahabol ka? Gusto kong marinig yung 'oong' sagot."
"Hindi. Hindi mo kailangang tumakbo, hindi ko kailangang tumakbo. Manatili na lang tayo sa kinatatayuan natin. Mas... Mas makakabuti 'yung gano'n."
Saglit siyang tumigil sa pagsasalita at napatingin sa gubat sa 'di kalayuan.
"Pero tao tayo at hindi puno. Hindi tayo ginawa para tumayo at hayaan na lang natin na lumagas at muling tumubo ang mga dahon natin. Ginawa tayo para kumilos at hindi para manatili lang sa kinatatayuan natin. Hindi nakabaon ang mga paa natin sa ilalim ng lupa... at habang hindi nakabaon ang paa natin, kailangan nating magpatuloy humakbang papunta sa taong gusto natin."
Muli siyang humakbang palapit sa akin. Isa, dalawa, tatlo, apat... apat na hakbang na pero 'di ako umatras o lumayo. Hindi ko alam. Parang... bumaon yung paa ko sa lupa.
"Sana maging puno ka na lang, na mananatili ka lang diyan at hindi na lumayo. Para kahit anong gawin mo, 'di ka na makatakbo. O kung aalis ka man, hiling ko na maging isa kang buwan, na kahit saan ako pumunta..."
At ngayo'y nasa harapan ko na siya. Hindi isang metro ang layo niya sa akin. Hindi rin isang pulgada o isang hakbang. Sobrang lapit niya sa akin na pati hangin, hindi makadaan sa pagitan namin.
"...na kahit saan ako pumunta, nakasunod ka. Buong buhay ko, ginusto ako ng mga babae. Pero ngayon lang sa buong buhay ko na ginusto kong magustuhan ng isang babae lamang."
Ibinaba niya ang katawan niya para ipantay sa mukha ko ang kaniyang maamong mukha. Nasilayan ko ang paggalaw ng kaniyang lalagukan. Naamoy ko ang amoy ng alak sa kaniyang mainit na hininga. Malamig ang simoy ng hangin... pero nag-iinit ang pisngi ko na tila uminom ako ng ilang baso ng alak.
"Bevy..." bulong niya sa labi ko at unti-unti...unti-unti...unti-unting lumapit sa labi ko ang labi niya. Pumikit ang mapungay niyang mata. Mas lalo kong naramdaman sa aking labi ang kaniyang hininga na mas lalong nagpainit sa pisngi ko. Malakas pa sa ingay ng tugtugin ang naging tunog ng puso ko.
"Ah!" Mabilis kong itinukod nang mas maayos ang paa ko sa lupa nang matumba sa akin si Agathon.
"Agathon!" pagtawag ko sa kaniya. "Agathon! Tsk. Agathon!!!"
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantastikThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...