Punong-puno na ang lugar. Isa-isa nang nagsidatingan ang mga Herald at Peruvian. Naririto na rin kami ng mga tropa sa loob habang inaantay ang iba.
"Akala ko ang usapan dapat mas maaga tayo kaysa sa mga tao?" pagrereklamo ni Agathon nang makalapit ito sa akin. "Eh bakit hanggang ngayon wala pa yung tangang 'yon?"
Naiirita na naman siya. Tinapunan ko siya ng ngisi na siyang kinasingkit ng mga mata niya.
"'Wag mo 'kong maasar-asar ah! Nagkakamali ka sa iniisip mo!" Padabog itong naglakad palayo sa akin.
"Hoy! Wala pa akong sinasabi! Pahalata ka masyado!" natatawang usal ko habang sinusundan ang ungas na iyon ng tingin.
"Napano 'yon?" tanong ni Griffin na may hawak-hawak na dalawang baso ng inumin at inabot sa akin ang isa. Nagkibit balikat ako sa kaniya bilang sagot. Alam kong naiintindihan na niya ang ibig kong sabihin tutal ganoon naman palagi si Agathon. Palagi itong iritable kapag hindi makita ng mga mata niya ang hinahanap niya.
"Ilang minuto na lang mag-uumpisa na..." usal ni Griffin na nakatayo sa tabi ko. Nasa mesa kami na kasing taas ng dibdib namin at walang upuan.
Muli kong ipinukol sa malaking pintuan ang aking paningin.
"Darating kaya sila?" tanong ni Griffin na hindi ko masagot.
Mayamaya pa ay pinuntahan kami ni Agoth. Hindi siya dapat na makapasok dito dahil nasa mababang antas pa lamang siya pero dahil isa siya mga tumulong upang malinis itong lugar para dito idaos ang sayawan kaya siya pinayagan. Kahit ang mga opisyal at summon ay nagulat sa naging itsura ng silid. Noon, mukha itong bodega. Ambakan ng basura. Samantalang ngayon, nagniningning na ginto ang kulay nito na mas lalong pinaganda ng mga palamuti at dyamanteng chandelier na nakasabit sa gitna ng simboryo.
"Hoy, Agoth, may inaantay ka ba?" Kapansin-pansin kasi na hindi siya mapakali at parang may hinahanap din ang kaniyang mata.
"Rand, kilala mo ba si Ares?" tanong nito sa akin.
Nagtinginan kami ni Griffin bago magsalubong ang kilay namin sa pagtataka.
"Sinong Ares?" halos sabay naming usal ni Griffin.
"Yung sa Peruvian! Hinahanap ko pa nga... hindi ko siya makita!" pagrereklamo nito. Ngumuso pa ito na parang bata. Napangiti naman ako sa naging reaksyon niya. Nakakagigil talaga ang kapatid na ito ni Agathon, ang sarap kurutin parati. Simple lang ang suot niyang kasuotan, kulay rosas na bistidang abot hanggang sahig. Maganda ang pagkakagawa ng detalye nito na pinalamutian ng perlas at mga mamahaling bato na halatang mga mayayamang taong kagaya nila lamang ang makakabili.
"Ang ganda ng kasuotan mo, Agoth, sino may gawa niyan?" tanong ko sa kaniya.
Tinapunan naman niya ako ng nakakalokong tingin na sinamahan ng mala-asong ngiti. "Hoy, ikaw, Rand, ha! Nakakapansin na ako sa 'yo..."
Inirapan ko naman siya ng mata. Ito na naman siya sa mga pang-asar niya.
"Tignan mo nga! Inirapan mo ako! Bakla ka talaga, Rand! Kumpirmado na talagang bakla ka! Matagal ko nang napapansin 'yan."
"Ewan ko sa 'yo."
Kinuha ko na lang ang baso na pinaglalagyan ng inumin ko at umalis doon. Narinig ko pa ang pagtawag sa akin nina Agoth at Griffin pero dire-diretso lang ako sa paglalakad. Iginala ko ang paningin ko sa paligid. Marami na ang tao pero ang iba sa mga kasama ko ay wala pa rin rito, maging si Caylus ay wala pa rin.
Lumabas muna ako sa lugar para makasagap ng sariwang hangin. Para naman mabuhayan ang nanlalanta ko nang katawan. Naglakad-lakad ako sa gitna ng poste sa madilim na pasilyo na binibigyang liwanag ng bilugang buwan habang paminsan-minsa'y bahagyang umiinom ng inumin sa aking baso. Nag-uumpisa nang matunaw ang yelo nito at humahalo na sa lasa ng inumin. Muli akong lumagok at gumulong patungo sa aking lalamunan ang malamig at matapang na inumin na kalaunan ay mapapalitan ng tamis.
"Palayain mo na ako!"
"Hindi! Hindi puwede!"
Natigilan ako sa paglalakad nang makarinig ako ng ingay. Hindi ko matukoy ang eksaktong pagkakakilanlan ng boses pero sigurado akong pamilyar ito.
"Hanggang kailan mo akong balak gawing tau-tauhan mo?!"
Nagitla ako nang makarinig ako ng tunog ng isang bagay na tumama sa isa pang bagay. Para itong balat na tumama sa balat. Kasunod nito ay ang sunod-sunod na pagbasag ng tila dalawa o tatlong babasaging kagamitan.
"Kailan ka pa natutong sumagot sa akin?! Akin ka at wala kang magagawa! Kahit anong gawin mo... Akin ka!"
Humakbang ako at sinundan ang pinagmumulan ng ingay. Dinala ako ng mga paa ko isang metro mahigit mula sa nakaawang na pinto. Mas lalo akong naging maingat sa paghakbang ko na pati paghinga ko ay pinipigilan ko sa takot na marinig ako. Tagaktak din ang pawis ko na sinabayan ng pagdagundong ng puso ko... ngunit agad ako naghanap ng matataguan nang makita sa sahig ang papalapit ng anino sa pinto na nagmula sa loob.
Pilit kong isiniksik ang sarili ko sa isang poste para maitago ang sarili ko. Narinig ko ang pagbukas-sara ng pinto kasunod nito ay ang yabag ng pares ng paa na naglalakad palayo. Nang wala na ang ingay ay lumabas na ako sa pinagtataguan ko at muling naglakad palapit sa pinto para silipin ang tao sa loob at nagtaka ako sa aking nasaksihan... Walang tao sa loob ng silid.
"Pero sigurado akong isang tao lang ang lumabas. Wala na akong ibang narinig na yapak kanina maliban sa isang taong lumabas---paano nangyari 'yon? O baka baliw ang taong nandito kanina para kausapin ang sarili niya..." Umiling ako sa naisip. "Mali. Sigurado akong dalawang tao ang nandito kanina. Iba't ibang tao ang nagmamay-ari ng boses. Pero nasaan ang isa?"
Napahawak ako sa ilalim ng baba ko at hinimas-himas ito habang nagmumuni-muni ng kasagutan sa tanong ko.
"Rand!"
Hindi ko na kailangang lingunin pa ang boses ng nagsalita para malaman kung sino iyon. Halata namang pagmamay-ari ni Agathon ang pilyong boses na halatang maloko... boses pa lang, maloko na. Inaya ako nito na pumasok na sa loob kasi mag-uumpisa na. Nang makarating kami sa loob ay nakatayo ang lahat habang nakatingin sa harapan.
"Magandang gabi muli sa inyong lahat... simulan na ang kasiyahan!" masayang usal ng hari na nagsasalita sa gitna ng entablado at itinaas ang wand niya. Lumabas mula roon ang kulay pulang ilaw na tumama sa kisame ng kristal na kupola. Kumalat ang liwanag na ito mula sa tuktok at gumapang sa iba pang bahagi ng bilugang silid. Mayamaya pa ay sumabog ito at kulay pulang pulbo na kumikintab ang wari'y umulan sa paligid.
Napuno ng pagkamangha ang paligid. Sari-saring reaksyon ng pagkalula ang aking narinig.
"Asan na kaya siya?" Nakakunot nanaman ang noo ni Agathon. Pansin ko, madalas na ang pangungunot ng noo nito kaya nagmumukhang matanda.
Natawa ako nang sumagi sa isipan ko ang mukha ni Agathon na nangungulubot ang balat at kulay puti ang buhok at paika-ika kung maglakad.
"Anong tinatawa-tawa mo?" pagsusungit nito. Napahalakhak ako ng tawa dahil sa mas kumunot lalo ang noo nito.
"Sino 'yan?"
"Ha?"
"Ngayon ko lang siya nakita ah."
"Napakaganda niya."
"Sobrang ganda."
Napalingon ako sa pinagmumulan ng mga bulungan. Maingay ang paligid, nag-umpisa na ang tugtog, kasabay ng pag-ulan ng pulang pulbo na kumikintab ay ang pagsilay ng matamis na ngiti mula sa isang gandang ngayon ko lang nasaksihan. Nagsalubong ang aming tingin na naging dahilan ng sunod-sunod na pagtibok ng puso ko.
BINABASA MO ANG
Deborah: The Witch of Incanta
FantasyThe story is all about a Witch who will save her lost homeland from permanent oblivion because of the wicked wizard who ruled the kingdom of Majestas. Witches and warlocks were considered as an imaginary ugly creatures who were only made to frighten...