Cαριτυlυm XXXVII

64 8 0
                                    

"Saan tayo pupunta? Caylus---Teka... Saan tayo pupunta?" Hinila ko ang kamay ko mula sa mahigpit pagkakahawak niya.

"Deborah, sumama ka na lang."

Nanlilisik ang kaniyang mata habang umiigting ang kaniyang panga. Dinala niya ako sa daan patungo sa kumpol-kumpol na puno't halaman: gubat. Naglaglagan ang mga natitirang dahon mula sa ibang sanga sa bawat kilos niya. Nagliparan sa ere ang dahon na nagkalat sa lupa sa bawat malalaking hakbang niya palayo. Natatakot akong sumama.

"Ano ang gusto mong sabihin, Caylus?"

Isang tanong lang pero napawi nito ang galit sa kaniyang mata. Nalaglag din ang balikat niya, hudyat na parang nakahinga siya nang maluwag kasabay nito ang pag-iwas niga ng tingin.

Sa pagkakataong ito, humakbang ako palapit sa kaniya. Alam kong may gusto siyang sabihin. Nararamdaman kong mayroon pero hindi niya alam kung paano sabihin at may pangalan siyang pinoproteksyunan.

Inabot ko ang nakayukom na kamay niya at ipinatong ito sa palad ko at kinulong ito ng isa pang kamay ko.

"Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong sabihin."

Tinapunan niya ako ng tingin na nilabanan ko rin. "Gusto kitang mas makilala, Deborah. 'Yun lang ang gusto ko."

"Wala akong gustong sabihin sa 'yo. Gusto ko, ikaw ang may sabihin sa akin. Gusto ko, ikuwento mo sa akin lahat. Kung saan ka galing, kung sino ka ba talaga. Gusto ko, ako mismo ang makarinig ng buong kuwento mo at gusto ko sa 'yo magmula ito. Gusto ko, ito ang una at huling pagkakataon na sasabihin mo sa akin ang lahat ng gusto kong marinig. Hindi mo na uulitin, kahit pilitin pa kita, hindi mo na muling sasabihin. Gusto ko, mangako ka, na ito ang una at huling sandaling papapasukin mo ako sa mundo mo. Magkuwento ka sakin, lahat-lahat. Wala akong pagsasabihan. Mananatili sa akin ang sekreto mo. At yun ang pangako ko kapalit ng pagkuwento mo."

Hindi ko alam kung ano ang sunod na sasabihin ko. Hindi ko alam kung anong susunod na ihahakbang ko. Basta, hinawakan ko lang nang mahigpit ang mga kamay niya, at ako ang nagturo ng daan kung saan ko tuluyang bubuksan sa kaniya ang buo kong sekreto. Oo, nagdududa ako sa kaniya. Pero hindi ko alam bakit sa mga sandaling 'to... gusto kong gawin ang bagay na halos hindi ko nagawa sa lugar na 'to, ang magtiwala.

Hindi mabulaklakin ang kaniyang salita. Alam kong wala rin siyang ginawang sumpa o ritwal para mapasunod ako sa gusto niya. Basta pakiramdam ko kailangan kong ikuwento ang lahat-lahat sa kaniya ngayon kasi ang pagkakataong ito ay hindi na mauulit kailanman.

"Bata pa ako no'n, hindi ko matandaan ang buong kuwento. Ang alam ko lang, masaya kaming naninirahan sa bayan ng Incanta. Wala akong maintindihan sa nangyari. Basta isang araw nagkagulo. Tapos kailangan daw naming umalis..."

Hinayaan ko siyang basahin ang libro ng buhay ko nang walang kahit isang kabanata ang nakatago at detalye na hindi naisulat.

"Dinala kami ni Nana Melova sa puso ng gubat. Pero may mali sa kaniya. Nakatulala lang siya. Si Darim, bilang siya ang pinakamatanda sa amin ni Sahara, siya ang gumawa ng pansamantala naming matitirhan. Tinuruan niya kami kung papaano mangaso para may makain. Madalas, kaming dalawa ang magkasama ni Darim para maghanap ng makakain. Tapos si Sahara ang naiiwan sa bahay para alagaan si Nana Melova na tulala pa rin at si Satin na sanggol pa no'n. Kaya hindi nakuwento sa amin ni Nana Melova kung ano nga ba talaga ang nangyari kasi nakatulala lang siya. Ni hindi siya makakain, kailangan pang subuan at paliguan.

"Masyado pa kaming bata no'n para maintindihan ang pangyayari. Alam lang namin, kailangan naming magtago para mabuhay. Walang magpapaliwanag sa amin kung ano ang totoong kuwento. At nang tuluyan nang bumalik sa tamang pag-iisip si Nana, hirap na siyang makaalala. Maging alaala ng ng anak niya, hirap na siyang maalala. Ang alam niya, namatay na. Namatay nang 'di man lang niya naprotektahan. Kaya kailangan naming alagaan si Nana. Namatay ang anak niya para iligtas kaming apat, si Satin, Darim, Sahara, ata ako. Mas pinili niya ang kaligtasan ng nakararami kaysa sa kaligtasan ng taong mahal niya. At ang huling bagaynna gusto niya mangyari, mamatay sa loob ng Incanta. At kailangan gawin ko lahat para makita niyang muli ang bayan na kaniyang pinagsilbihan."

Dito, sa itaas ng puno kung saan tanaw namin ang lahat, ang palasyo, ang paaralan, ang buong gubat, maging ang mga punong kahoy sa labas ng matatayog na pader ng Majestas, dito ko napiling ikuwento ang lahat. Kasi sa lugar na 'to, maituturo ko ang pinagdaanan ko para makarating dito.

Nakaupo kami ngayon sa sanga ng isang mataas na puno habang nakapatong ang paa naman sa isa pang sanga.

"Ayun. Andito na ako ngayon. Gusto kong tapusin yung laban ko nang mas maaga. Siguro ang sama na ng tingin mo sa akin. Pero wala akong masamang balak. Gusto ko lang na---"

Hindi niya ako pinigilang magsalita, pero nitigilan ako.

"Ngumiti ka!"

"Huh?"

"Caylus, ngumiti ka!" Napatayo ako sa malaking sanga ng puno kung saan nakapatong kani-kanina ang paa ko.

"Mag-ingat ka hahaha. Malalaglag ka niyan!"

"Tapos tumawa ka pa!" Hinawakan ko siya sa magkabilang pisngi. "Caylus, ikaw ba talaga 'yan?"

Dug dug dug dug dug dug

Nagulantang ako nang hawakan niya ang kamay kong nakahawak sa pisngi niya habang nakatayo ako at kaharap siya. Kailanman sa buhay ko, hindi ko naisip ang ganitong tanawin. Kung saan may dalawang magkasintahan sa itaas ng puno at sa ilalim ng buwan.

"Ayaw kong matapos 'to," bulong niya.

"Sana pagkatapos nito, 'wag kang magalit sa akin. Talikuran na sa ako ng lahat, 'wag lang ikaw. Kasi alam ko, sa mga oras na 'to, nagdadalawang-isip na sa akin ang iba. Pero ikaw, pinili mong magtiwala."

Ngayon ko lang nalaman, maging ang lamig ay may iba't ibang emosyon na binibigay. May klase ng lamig na masarap sa pakiramdam. May klase ng lamig dahil sa takot. May klase ng lamig na nakakainit. May klase ng lamig na masaya. May klase rin ng lamig na malungkot---at 'yon ang boses ni Caylus.

"Alam mo, Caylus..." Naupo ulit ako sa tabi niya at sabay naming tinanaw ang buwan. "Ang lihim at sekreto ng tao, parang buwan 'yan. Kahit saan ka man magpunta, nakasunod ito sa 'yo buong buhay mo. Kahit anong tago mo rito, liliwanag at liliwanag pa rin 'yan. Ipapakita pa rin nito ang kaniyang sarili sa lahat. At alam ko, isang araw makikita ng lahat ang sekreto ko. At nasa kanila na kung kagaya ng buwan, mamahalin ba nila ito o hindi."

Binalot ng tunog ng hangin ang aming mga tenga. Mga ingay ng insektong nagkakantahan, tunog ng pagaspas ng mga ibon, at paggalaw ng mga sanga ng mga kahoy. Hindi ko inakalang makakasama ko si Caylus sa ganitong sandali. Kung saan nakikita ko ang mukha ng kapayapaan at naririnig ko boses ng katahimikan. Walang bigat ng loob akong nararamdaman.

"Yung Incanta, saan ito matatagpuan?"

Huminga ako ng malalim bago magsalita. "May nakapagsabi sa akin na matatagpuan daw ito sa ilalim ng buwan."

Halos matawa ako habang pinapakinggan ko ang pinagsasabi ko.

"Paano ko malalaman ang ilalim ng buwan? Kung kahit saan ako magpunta nakusunod ito. Parang kuwentong bayan lang ata ang narini---"

"Hindi."

Nilingon ko si Caylus nang tumutol ito. Nakakunot ang kaniyang noo habang nakatingin sa kawalan.

"Mayroong lugar na tinatawag na Buwan."

"Lugar? Saan 'yon? At papaanong ang Incanta ay nandoon sa Buwan?"

"Nasaan nga ulit ang bayan ng Incanta? Ang eksaktong detalye?"

"Nasa ilalim ng buwan..."

"Hmmm..." Kita ko sa mukha ni Caylus ang malalim nitong pag-iisip. "Kung titignan natin sa mapa, ang nasa ilalim ng Buwan ay ang bayan kung saan makikita ang ika-pitong langit."

Sa pagkakataong ito, dumapo sa akin ang mga asul na mata ni Caylus.

"Ang Incanta..."

Muling bumalik sa alaala ko noong nakasama ko si Agathon at pumunta kami sa ika-pitong langit noong naghahanap ako ng lunas para kay Darim.

"Ang bayan ng Incanta... nakapunta na ako sa bayan ng Incanta," usal ko habang nakatingin kay Caylus.

Deborah: The Witch of IncantaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon