Cαριτυlυm XXVIII

73 10 0
                                    

"Ano ang hinahanap mo?" tanong ni Matilda.

Umiling ako bilang sagot pero patuloy pa rin ang aking paghahanap. Nandito kami ngayon sa silid-aklatan. Naghahanap ako ng libro, mga tungkol sa nakaraan. Pero hindi ko pa rin ito makita.

"Alam mo ba kung saan banda rito ang mga libro tungkol sa kasaysayan?" tanong ko kay Matilda na naghahanap din.

"May alam ako," bulong niya, ang mga mata niya ay naghahanap pa rin sa mga libro. "Pero hindi ko sasabihin kung saan."

Akmang aalis si Matilda nang hawakan ko siya sa braso at humarap naman siya sa akin. "Saan 'yon?"

"Hindi ko nga puwedeng sabihin, Deb. Hindi pinapapuntahan sa mga kagaya nating estudyante ang lugar na 'yon. Tanging mga eksperto at propesyonal lamang ang makakapunta doon at hindi tayo kabilang doon."

"Pero paano mo nalaman ang tungkol sa lugar na 'yon?"

"Kasi alam 'yon ng lahat..." sagot niya. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang bahagyang pagtaas ng kilay niya. "Lahat na ata maliban sa 'yo."

Sa pagkakataong ito, ako naman ang umiwas ng tingin at nagkunwaring may hinahanap sa mga libro. "Siguro dahil wala sa utak ko noon ang mga ganoong bagay."

Kumuha ako ng isang libro at binuksan ito. Nagkunwaring may binabasa kahit wala naman.

"Sa tingin ko kasi, ngayon lang ako nagkaroon ng interes sa mga nagaganap sa paligid ko. Kasi siguro hindi pa ganoon kalawak ang pag-uunawa ko." Ibinaling ko ang tingin ko kay Matilda. "Kaya nga ako bilib sa 'yo, marami kang alam na hindi ko alam."

Dahan-dahan naman siyang tumango. Magkukunwari na lang ako na kunwari ay naniwala siya sa pinagsasabi ko---kunwari lang. Pero alam kong hindi. Alam kong nagtataka pa rin siya. Ilang araw nang ganiyan si Matilda. Palagi siyang nagtatanong tungkol sa akin at sa mga bagay-bagay na mahilig kong gawin noon---at lahat ng sinabi ko sa kaniya ay pawang kasinungalingan. Hindi ko puwedeng sabihin sa kaniya na labing-isang taon ako nang matuto akong mangaso sa gubat kasama ang mga kababata kong sina Darim at Sahara. Hindi ko puwedeng sabihin sa kaniya na sabay naming tatlong inalagaan si Satin at Nana Melova na namatayan ng anak. At mas lalong 'di ko puwedeng sabihin sa kaniya na mula ako sa Incanta. Na ang ama at ina ko ay pinuno sa bayan na iyon. Na anak ako ng pinakamatalinong pantas. Hindi ko alam kung kailan ako magtitiwala na ibibigay ko ang buong-buong tiwala ko nang wala akong tinitirang pagsisinungaling tungkol sa tunay kong pagkatao.

"Deborah."

Sabay kaming napalingon ni Matilda sa nagsasalita at bumungad sa akin ang asul na mga mata ni Caylus---mga asul na matang alam kong may itinatago rin.

"Cay," nakangiting usal ko. Sinigurado kong mas matamis pa sa asukal ang magiging ngiti ko sa kaniya. Kumabog ng malakas ang dibdib ko, ang parehong kabog kapag nasa malapit sa Caylus. Kabog ng pusong 'di ko mawari ang nais ipahiwatig. Ngunit nawala ang kabog na ito nang may ideyang pumasok sa isip ko... at si Caylus ang pangunahing instrumento.

"May ginagawa ka ba?" tanong niya nang makalapit siya sa akin.

Umiling naman ako bilang tugon.

"Ah. Puwede bang makasama muna kitang maglakad-lakad?" muli niyang tanong.

Pinasadahan ko ng tingin si Matilda na nakita kong tinanguan ako na para bang sinasabing sumama na ako kay Caylus dahil ayos lang siya. Kinuha ko ang nakalahad na kamay ni Caylus at hinila niya ako palabas ng silid-aklatan. Hindi nakaligtas ang magkahawak naming kamay sa mga mata ng mga taong puno ng kyuryusidad.

"Kung ayos lang sa 'yo, doon tayo sa hardin?"

"Oo naman. Wala naman akong gagawin." Pinilit kong ibahin ang boses ko na kunwari ay ayos lang kahit na sa totoo ay naninibago pa rin ako sa ganitong klase ng relasyon. Nandoon pa rin ang pagkailang ko sa kaniya sa bawat haplos at hawak niya o kahit ang simpleng pagsambit ng mga labi niya sa pangalan ko.

Nakakapanibago ang biglaang paglambot sa akin ni Caylus. At kung ginagawa niya lahat ng ito para buksan ang pagkatao ko, sasakyan ko na rin ang sitwasyon para buksan ang isipan ng mga mamamayan ng Majestas. Kung sa tingin niya madadala niya ako sa ganitong estilo, nagkakamali siya. Darim, bibigyan ko ng hustisya ang kamatayan mo.

"Anong gagawin natin dito?"

Naglalakad kami ngayon patungo sa hardin. Alam kong hardin iyon dahil malayo pa lang ay tanaw at naamoy ko na ang halimuyak ng mga bulaklak. Hindi rin nakalagpas sa akin ang awit ng mga ibon at nagsasayawang puno. Hindi umimik si Caylus bagkus ay patuloy lang siya sa paglalakad. Nang makapasok kami sa mismong hardin, napansin ko ang pagkaiba ng kulay ng mga pananim. Unti-unti itong nagiging kulay kahel at ang iba ay kulay lupa na. Taglagas na nga. Napansin ko ang pagdukot ni Caylus ng wand niya at itinutok iyon sa isa sa mga bulaklak na unti-unti nang lumalanta.

"Bulaklak na ito'y, bigyang buhay. Ibalik ang dating kulay. Bulaklak na ito'y, bigyang buhay. Ibalik ang dating kulay." Dahan-dahang naging kulay asul ang kanina'y kasing kulay na ng lupa na bulaklak nang sambitin ni Caylus ang mga salitang iyon.

"Nakakabalik ng buhay ang simpleng patpat lamang na bitbit natin, Deborah. Maliit na bagay man pero walang katumbas na ganda." Ibinaling nito ang mga mata niya sa akin. "At kung makakabalik ito ng buhay, kaya rin nitong bumawi."

Nilabanan ko ang mga titig niya. Alam kong tinitignan niya ang magiging reaksyon ko kaya mas lalo kong tinapangan ang mga mata ko. Wala akong pinag-aralan pero hindi ako bobo. Mali ka, Agathon. Hindi ako tanga. Unti-unting lumanta muli ang kaninang daig pa ang bagong sibol na bulaklak nang ilayo ni Caylus ang wand niya doon. Muli siyang naglakad, nauna siya sa akin.

"Makapangyarihan ang sandatang hawak natin. Sa isang kumpas lang, magagawa nito ang lahat ng ating hinihiling." Tumigil ito sa paglalakad at lumingon sa akin. "Bakit 'di mo ito subukan?"

Nabasag ang tenga ko sa naging tanong niya. Nabalot ng kaba ang puso ko. Kung puwede lang na magpakain ako sa lupa gamit ang wand na nasa akin, ginawa ko na nang mga sandaling iyon, para lamang makawala ako sa mga titig ni Caylus... Mga mata niyang may itinatago. Parang may nakakulong sa asul na rehas nito.

"Kahit minsan, hindi ko maalalang ginamit mo ang wand mo," dagdag pa niya. Nakangiti siya sa akin. Hindi ang normal na Caylus na matalim kung tumitig at malamig kung magsalita.

"Hindi ko dala ang wand ko ngayon, Cay," usal ko at inyukom ang kamay ko para pigilan ang panginginig nito.

"Talaga?" Nagulat ako nang itinutok niya sa akin ang wand niya at isang asul na ilaw ang lumabas mula rito. Dali-dali kong iniharang sa mukha ko ang mga kamay ko pero kahit tumama sa akin ang asul na ilaw ay hindi ako nasaktan.

"Eh ano ito?" Idinilat ko ang mga mata ko at nakita kong nakalutang na sa hangin ang wand ko.

Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Hindi ko alam kung ani ang sasabihin ko. Kung puwede ko lang ibalik ang oras sa loob ng silid-aklatan, ginawa ko na. Ako dapat ang kukuha ng impormasyon sa kaniya, pero mukhang nakahanda siya at nakaplano ang lahat nang ito. Wala akong alam na excratio, hindi ko alam kung papaano ko mapapatunayan sa kaniya na may alam ako sa kapangyarihang hawak ng wand na 'yan.

Kung puwede lang sanang sumulpot si Matilda at tawagin ako. Kung puwede lang sanang dumating si Agoth---si Agathon!

"Wand mo ito, hindi ba?" Bumagsak mula sa pagkalutang ang wand at nasalo ito ng mga palad ni Caylus.

"Agathon, asan ka? Kailangan kita... Agathon. Asan ka?"

Humakbang palapit sa akin si Caylus. Matalim ang titig niya---pero hindi ito ang titig ni Caylus na nakasanayan ko. Parang halimaw ang mata nito na handa akong kainin anumang oras.

"Dali, Deborah. Gamitin mo ang sandata mo. Nagtataka ako bakit nasisilayan ko ang takot sa mga mata mo. Deborah, naamoy ko ang takot mo."

Inabot niya sa akin ang wand ko. "Gusto kong makita kung gaano kagaling ang babaeng pinili kong mahalin---ano ba?!"

Isang malakas na hangin ang dumaan at bumangga kay Caylus dahilan para matumba ito sa lupa at matamaan ang ibang mga halaman at bulaklak.

"Agathon!" Dumagundong ang sigaw ni Caylus habang nakatingin ito sa lalaking nakatayo sa harap niya... Na nakatalikod sa akin.

Muling kumabog ng malakas ang puso ko. Hindi ko na naman alam ang dahilan kung bakit... at mas lalo itong kumabog ng malakas nang lingunin niya ako.

"Hoy, tanga, ayos ka lang ba?"

Hindi niya alam kung paano ako tawagin sa pangalan ko. Pero alam niya kung kailan ko siya kailangan...

Deborah: The Witch of IncantaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon