Ava’s POV
MARAMING nagsasabi na kapag sinasaktan ng lalaki ang isang babae at hindi pa rin hinihiwalayan ng babae ang lalaki ay tanga at martir ang babae. Marahil nga ay ganoon ako. Isang tanga at martir. Ngunit masisisi ba ako ng lahat kung ang gusto ko lang ay isang buong pamilya? Gusto ko lang na may ama ang anak ko. At oo, kahit ganoon si Renzo sa akin ay mahal ko siya. Pinanghahawakan ko pa rin ang mga pangakong binitawan namin sa harap ng dambana ng Diyos ng kami ay ikasal…
“Ava!” Napapitlag ako mula sa pagkakatulala nang sigawan ako ni Renzo. Nasa hapag-kainan kaming dalawa at kasalukuyang nag-aalmusal.
“Renzo?”
“'Tang ina naman, e. Sabi ko, ipagtimpla mo ako ng kape! Kanina pa ako nagsasabi, nakatulala ka lang pala diyan!”
Sa lalim ng iniisip ko ay hindi ko namalayan na may iniuutos pala siya.
“P-pasensiya na. Sandali lang at ipagtitimpla kita.” Tumayo agad ako at ipinagtimpla siya ng kape.
“Bakit ba parang ang lalim ng iniisip mo, ha?” usisa ni Renzo nang inilagay ko na sa harapan niya ang tasa ng kape na hinihingi niya.
Umupo muna ako bago sumagot. “'Yong dalawang lalaki na parang nagmamatyag dito sa bahay.” Pagsisinungaling ko. Ayaw ko kasing sabihin na ang iniisip ko talaga ay ang takbo ng aming relasyon. “Sila ang iniisip ko. Baka kasi masasamang loob na nagbabalak na magnakaw.”
“'Sus! 'Wag mo nang iniisip ang mga iyon. Ang lakas lang ng loob nila kapag nagnakaw sila dito sa subdivision natin. Maganda ang security dito. Hindi sila makakalabas dito kapag gumawa sila ng masama!”
“Sabagay. Tama ka. Baka mali din ako ng naiisip… Oo nga pala, kailangan ko nang mag-grocery, Renzo. Hihingi sana ako sa iyo ng pera.”
“Mamaya bibigyan kita pagkatapos natin mag-almusal. Aalis nga pala ako. Birthday ng katrabaho ko. Sa resort sa Pansol gaganapin. Hindi na ako dito matutulog kaya huwag mo na akong hintayin. Bukas na ng umaga ang uwi ko.”
“Ganoon ba? Anong oras ka aalis?”
“Pagkatapos nating kumain ay mag-aasikaso na ako.”
“Sige. Mag-iingat ka doon, ha.”
Pagkatapos ng almusal ay inasikaso ko na agad ang paghuhugas ng pinagkainan namin ni Renzo. Habang abala ako sa ginagawa ko ay nilapitan ako ni Renzo at may ipinatong siyang pera sa gilid ng lababo.
“O, 'ayan na ang pang-grocery mo,” aniya. May nakasampay na tuwalya sa balikat niya kaya nahinuha kong maliligo siya. May lakad nga pala siya ngayon.
“Maraming salamat,” sabi ko at pumasok na siya sa banyo.
Tinapos ko na ang paghuhugas ng mga pinggan at kubyertos. Tinuyo ko ang kamay ko at kinuha ang perang ibinigay ni Renzo. Napakunot ang noo ko dahil three thousand pesos lang iyon. Usually kasi ay five thousand pataas ang ibinibigay niya na pang-grocery ko kapag nanghihingi ako sa kaniya. Alam naman niya na medyo mahal ang gatas ni Eris kaya malaki talaga ang kailangan naming pera para sa grocery.
Baka nagkamali lang siya ng bilang. Paglabas niya ng banyo ay kakausapin ko na lang siya.
Pinupunasan ko ang mga display sa salas nang lumabas si Renzo sa banyo. Nakatapis lang siya ng tuwalya at basa ang buhok. Tinawag ko siya. Huminto siya at tiningnan ako. Wala pa nga akong sinasabi pero parang naiirita na agad siya sa akin.
“Bakit?” Malamig niyang tanong.
“Renzo, three thousand kasi 'yong naibigay mo sa akin na pang-grocery…”
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...
