Anjo’s POV
GANOON na lang ang pagtataka ko sa sinabi ni Aling Tasya. Kaya habang papasok ako sa bahay ay nag-iisip ako kung saan ba talaga galing ang mga boteng iyon. Hindi naman pala iyon ibinigay ni Aling Tasya kay Lally. Iyong mga bote daw nila ay kahapon pa nito naibenta doon sa dumadaan na bumibili ng mga iyon. Walang dahilan si Aling Tasya na magsinungaling. Saka bakit naman ito magsisinungaling kung nagbigay ito ng bote o hindi sa asawa ko, 'di ba?
Naabutan ko si Lally na nanonood pa rin ng TV. Ngumiti pa siya sa akin. Papunta na sana ako sa kusina nang huminto ako at nilingon si Lally. Hindi kasi ako matatahimik hangga’t hindi ko nalalaman kung saan ba galing ang mga bote at kailangan pang magsinungaling sa akin ni Lally.
“Lally, may itatanong sana ako sa iyo…” panimula ko.
“Ano 'yon?” aniya habang nakatutok ang mata sa telebisyon.
“Iyong mga bote, saan talaga galing?”
“'Di ba, ang sabi ko sa iyo ay hiningi ko kay Aling Tasya. Bakit? Hindi ka ba naniniwala sa sinasabi ko? Bakit naman ako magsisinungaling para sa mga bote lang?”
“Nakausap ko kasi si Aling Tasya sa labas kanina.” Biglang namutla ang buong mukha ni Lally. “Nagpasalamat ako sa kaniya sa mga boteng ibinigay niya pero ang sabi niya ay hindi ka naman daw nanghingi sa kaniya ng mga bote. Kaya gusto ko sanang malaman kung saan talaga galing ang mga iyon.”
Tila umurong ang dila ni Lally at hindi na siya nakasagot. Napangiwi na lang siya sabay hawak sa ulo. “Aray ko! Ang ulo ko, Anjo! A-ang sakit!” Nakapikit niyang sigaw. Bakas sa mukha niya ang labis na sakit.
Napatakbo tuloy ako sa kaniya upang daluhan siya. Bigla siyang nawalan ng malay. Hindi na ako nag-isip pa at binuhat ko na siya at tumakbo palabas. Mabuti na lang at may dumaan na tricycle kaya pinara ko agad iyon at nagpahatid sa clinic ng doktor ni Lally na si Dr. Mario.
“Anong nangyari sa kaniya?” salubong ng doktor sa akin.
“Dok, sumakit ang ulo niya tapos bigla siyang nawalan ng malay, e!” Kinakabahan kong turan.
“Okay. Ihiga mo na lang siya doon.” Itinuro nito ang hospital bed sa loob ng isang kwarto.
Sinunod ko agad ang utos ni Dr. Mario. Nang maihiga ko na si Lally ay pumasok na ang doktor at pinalabas ako. “Baka po pwedeng dito lang ako, dok?” Nakokonsensiya kasi ako dahil parang kasalanan ko kung bakit sumakit ang ulo ni Lally at nawalan siya ng malay. Baka napag-isip ko siya ng husto dahil sa pagtatanong ko tungkol doon sa bote.
Umiling ang doktor. “Hindi pwede, Anjo. Hintayin mo na lang ako sa labas. Maselan ang gagawin ko kay Lally,” pagtutol niya.
Kaya wala akong nagawa kundi ang lumabas. Isinara ni Dr. Mario ang pinto. Napaupo na lang ako sa mini sofa na naroon at nagdasal na sana ay walang masamang mangyari sa aking asawa.
-----ooo-----
Lally’s POV
PAGKASARA ni Dr. Mario ng pinto ng kwartong pinagdalahan sa akin ni Anjo ay agad akong bumangon at umupo sa gilid ng hospital bed.
Nakita ko si Dr. Mario na sabik na sabik na lumapit sa akin. Walang babala niya akong sinibasib ng halik sa labi. Siyempre, ginantihan ko ang halik niya!
Medyo napipilitan man ako ay kailangan kong ipakita sa kaniya na gusto ko ang ginagawa naming dalawa. Kapit na kasi ito sa patalim. Kailangan kong ibigay ang gusto niya dahil kailangan ko siya at hawak niya ang sikreto ko. Baka ibuking pa niya ako kay Anjo oras na tumanggi ako sa kaniya, 'no.
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...