Ava’s POV
“K-KALAHATING milyon?” Halos hindi ko masabi kung gaano kalaki ang sinasabi ni Renzo na utang niya dahil sa pagsusugal. Gusto ko siyang sumbatan pero hindi ko kaya. Ayaw kong mas lalo siyang malugmok kapag sinumbatan ko pa siya. Mas kailangan ni Renzo ang tulong at pag-unawa ko bilang mag-asawa kaming dalawa. “Saan tayo kukuha ng ganiyang kalaking pera, Renzo?” Tayo. Iyon ang ginamit ko dahil ang problema ng asawa ko ay problema ko na rin.
Mangiyak-ngiyak na isinubsob niya ang mukha sa dalawang palad. “Hindi ko alam. Ubos na savings natin dahil naibayad ko na pero kulang pa rin! Hindi ko na alam, Ava!” Inihilamos nito ang palad sa mukha sabay sabunot sa sariling buhok.
“Pati savings natin, wala na?” Hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi niya.
Nag-iipon kasi kami para sa pag-aaral ni Eris. Para sa kinabukasan ng aming anak.
Tumango siya. “Oo. Ipinambayad ko iyong iba. Habang 'yong iba ay isinugal ko. Akala ko kasi ay lalago ang pera pero nagkamali ako. Palagi akong natatalo! Ang sabi ng pinagkakautangan ko ay bibigayn niya ako ng isang buwan na palugit. Kapag hindi ko iyon nabayaran sa loob ng isang buwan ay humanda daw ako!” Kita ko ang panlulumo sa mukha niya.
“Diyos ko, Renzo…” Iyon na lang ang nasabi ko. Gusto kong umiyak sa nangyayari ngayon. “Ikaw? Paano ka? Paano kung hindi lang iyan ang gawin nila sa iyo kapag hindi ka agad nakabayad?”
“P-papatayin nila ako…” Takot na takot siyang humarap sa akin sabay hawak sa dalawa kong kamay. “Papatayin nila ako, Ava! Kapag hindi ako nakabayad!”
“Kailangan sabihin natin ito sa mama mo. Matutulungan niya tayo—”
“Hindi!” putol niya sa sasabihin ko. “Ayokong madamay si mama dito. Ayokong madisappoint siya kapag nalaman niya ang ginawa ko.”
“Pero ano ang gagawin natin? Saan tayo kukuha ng ganoong kalaking pera, Renzo. Five hundred thousand? Diyos ko po!” Naiiyak na ako. Naaawa ako kay Renzo dahil alam kong natatakot siya para sa kaniyang buhay.
Humigpit ang pagkakapit ni Renzo sa mga kamay ko. “Tulungan mo ako, Ava! Parang awa mo na. Tulungan mo ako. A-ayoko pang mamatay! Kahit ang mga pulis ay walang magagawa kahit magsumbong tayo. Malaking tao ang pinagkakautangan ko at protektado siya ng mga pulis. Kaya tulungan mo ako, Ava!” Bigla niya akong niyakap.
Labis ang awang naramdaman ko nang humagulhol si Renzo sa balikat.
Hinaplos ko siya sa likod. “Huwag kang mag-alala, tutulungan kita…” Natigilan ako nang bigla akong may maalala. “Renzo, may itatanong ako. Iyong dalawang lalaki na naka-motor, tauhan ba sila ng taong pinagkakautangan mo?”
Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin sabay tango. “Oo. Inaalam kasi nila kung saan ako nakatira. Tininingnan nila kung hindi ako tumatakas. Binabantayan nila ako. A-at kaya rin palaging mainit ang ulo ko ay dahil sa pagsusugal. Kapag natatalo ako ay sa iyo ko naibubunton ang inis at galit ko. Problemado din ako dahil sa utang na iyan!”
Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit ganoon siya sa akin. Kaya pala… Kahit papaano ay naiintindihan ko na ang lahat.
-----ooo-----
“ONE, two, three… five hundred. O, 'ayan. Three thousand five hundred iyan, ha!” turan ni Cheska sabay abot ng pera sa akin. “Nasaan na iyong bag ko? I am so excited!” Pumalakpak pa siya. Nasa food court kami ng isang mall.
Upang tulungan si Renzo na makaipon ng kalahating milyon sa loob ng isang buwan ay kinailangan kong kumilos para kumita ng pera. Ang una kong naisip ay ang pagbebenta ng mga personal kong gamit. Para mas madali ko iyong maibenta ay sa Facebook ko iyon binebenta.
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...