Ava’s POV
HINDI ako makapaniwala na wala pang isang buwan ay nakaipon na ako ng five hundred thousand pesos! May tulong din naman dito si Renzo pero ang sarap lang sa pakiramdam na may naitulong din ang pagbebenta ko ng mga gamit ko online. Lalo na iyong paggawa ko ng graham cake at graham balls. Gusto ko nang ipagpatuloy ang negosyong iyon upang kahit papaano ay makatulong ako kay Renzo sa gastusin sa bahay.
Bukod sa makakapagbayad na si Renzo sa pagkakautang niya ay mas masaya ako dahil makakasama ko na ulit si Eris araw-araw. Makukuha ko na rin siya sa biyenan ko dahil wala na akong masyadong gagawin hindi katulad no’ng naglalagari ako sa paghahanap ng pera. Miss na miss ko na kasi talaga si Eris… Nababahala na rin ako na baka mas lalong nalason ni Gloria ang isip ng anak ko.
Sakay na ako ng tricycle pauwi. Excited na akong sabihin kay Renzo na nakumpleto na namin ang kalahating milyon. Hindi na rin ako mangangamba sa buhay ng asawa ko. Salamat talaga sa Diyos!
Ilang sandali lang ay nakarating na ako sa bahay. Malalaki ang hakbang ko papasok sa bahay. Pagbukas ko ng pinto ay naabutan ko si Renzo na nakahiga sa sofa habang nanonood ng telebisyon. May isang tasa sa center table na sa tingin ko ay kape ang laman kanina. Naubos na nga lang.
“Gising ka na pala. Pasensiya na kung umalis ako nang hindi nagpapaalam. Natutulog ka pa kasi kanina—”
“At talagang umalis ka nang hindi man lang ako inaasikaso? Alam mo naman na nag-inom ako kagabi! Kailangan ko agad ng kape pagkagising ko!” bulyaw niya sa akin.
Ngumiti ako kay Renzo at umupo sa kakaunting espasyo na meron sa sofa. Alam kong mawawala ang inis niya kapag sinabi ko ang dala kong magandang balita. “Pinuntahan ko kasi iyong kaklase ko noong high school. Tapos umutang ako sa kaniya ng pera.” Kinuha ko ang isang kamay ni Renzo at ikinulong iyon sa dalawa kong mga kamay. “R-renzo, meron na tayong kalahating milyon na pambayad sa utang mo!”
Akala mo ay may spring ang puwitan na napaupo siya mula sa pagkakahiga. “Talaga? Totoo ba 'yang sinasabi mo?” Nanlalaki ang mata at hindi makapaniwalang tanong pa niya.
Sunud-sunod akong tumango. “Oo! Sa wakas ay makakapagbayad ka na sa utang mo! Hindi ka na tatakutin no’ng pinagkakautangan mo!” Masayang turan ko. Halos maiyak na ako sa sobrang kasiyahan.
Nagulat ako nang yakapi ako ni Renzo nang mahigpit. “Maraming salamat, Ava! Talagang sobrang saya ko sa sinabi mo!” Agad din siyang kumalas sa pagkakayakap sa akin. “Nasaan na nga pala iyong pera? Akin na. Ibabayad ko na ngayon kay Mr. Martin.”
Hindi ko alam ngunit bigla akong nag-alinlangan na ibigay iyon sa kaniya. “'Wag ka sanang ma-o-offend sa sasabihin ko, ha. Alam mo naman kung gaano natin pinaghirapan na makuha iyong pera na iyon kaya sana ay ibayad mo na talaga, Renzo…” Mahinahon kong wika.
Napailing si Renzo at binawi ang kamay. “Pucha naman, o! Anong tingin mo sa akin, Ava? Tanga? Kung wala kang tiwala na ibabayad ko ang perang iyan, huwag mo nang ibigay sa akin! Isaksak mo sa baga mo!” Ang bilis talagang magbago ng mood niya. Kanina ay parang mahal na mahal niya ako ngayon naman ay galit siya sa akin.
“Hindi naman ganoon ang ibig kong sabihin—”
“Anong hindi?! Ako pa ginagago mo! Porket tinulungan mo ako ay ganiyan ka na magsalita sa akin, Ava?”
Mariin akong umiling. “Hindi sa ganoon. Gusto ko lang makasiguro na wala na tayong magiging problema pagkatapos nito. Iyon lang ang ibig kong—”
“Oo na. Oo na! Dami mo pang sinasabi, e! Ihanda mo na lang 'yong pera dahil liligo lang ako. 'Wag kang mag-alala, ibabayad ko nang lahat iyan para tumigil ka na sa panunumbat mo!”
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomantizmNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...