Lally’s POV
NAKAUPO na ako sa hapag-kainan ng umagang iyon habang ang asawa kong si Anjo ay abalang-abala sa pagluluto ng aming almusal. Kahit medyo male-late na siya sa kaniyang trabaho ay talagang nagagawa pa niyang magluto ng almusal para sa aming dalawa. Ako na nga ang nagprisinta na magluluto pero aniya ay siya na lang. Baka daw mapagod ako at kung ano pa ang mangyari sa akin. Pinapanood ko siya habang nagpiprito ng itlog mula sa aking pagkakaupo. Maya maya lang ay natapos na siya. Naghain na siya at nagtimpla ng gatas para sa akin. Nilagyan na rin niya ng kanin at itlog ang aking pinggan. Malungkot akong napatingin sa aking pagkain.
“Kumain ka na para makainom ka ng gamot mo…” Natigilan si Anjo nang makita ang reaksiyon sa aking mukha. “Bakit parang ang lungkot mo naman? May problema ba?”
“Alam mong ayoko ng gatas… Nakaka-miss ang kape,” turan ko.
“Hay… Hayaan mo na muna. Mas makakabuti ang gatas sa iyo kesa sa kape.” Ngumiti siya at umupo na. Naglagay na rin siya ng pagkain sa kaniyang pinggan. “Oo nga pala, nag-aaya na lumabas iyong boss namin pagkatapos ng trabaho. Ayos lang ba na sumama ako sa kanila?”
Pumikit ako nang mabilis. “M-medyo sumasakit kasi ang ulo ko, Anjo…”
“Sige. Hindi na lang ako papasok ngayon. Sandali at magte-text lang ako sa—”
“Ano ka ba? Pumasok ka na. Kaya ko ito. Ang iniisip ko lang ay baka kung anong oras na kayo matapos sa lakad ninyo at matagal akong mag-isa dito sa bahay.” Medyo nahihiya kong sabi.
“Sige. Hindi na lang ako sasama sa mga katrabaho ko…”
“Sigurado ka ba? Pero kung gusto mo talagang sumama, walang problema.”
Umiling siya. “Mas importante ka kesa sa lakad na iyon, Lally. Tama ka. Hindi kita pwedeng iwanan nang matagal dito sa bahay nang mag-isa ka lang,” aniya.
“Nang dahil sa sakit kong ito pati ikaw ay hindi na nagagawa ang mga gusto mong gawin. Pati ikaw ay apektado dahil sa kundisyon ko. Sorry, Anjo,” malungkot kong turan.
“'Ayan ka na naman, e. Hindi ka dapat nagsasalita ng ganiyan. Walang may gusto na magkasakit ka. Okay? Oo nga pala, sa tingin mo ba ay dapat na nating sabihin sa pamilya mo ang tungkol sa sakit mo? Para matulungan din nila tayo sa pag-aalaga sa iyo.”
Isang mabilis na iling ang itinugon ko. “Huwag! A-ayoko talagang sabihin sa kanila, Anjo. Ang ibig kong sabihin ay ayoko pang sabihin sa kanila. Kapag handa na ako, sasabihin ko sa iyo. Basta tutulungan mo ako sa pagsasabi sa kanila, ha,” wika ko.
“Oo naman. Sasamahan kitang magpaliwanag sa kanila…” Inabot pa ni Anjo ang isa kong kamay na nakapatong sa lamesa at masuyo iyong pinisil. “Kumain na tayo para makainom ka na ng gamot mo.”
Ngiti na lang ang isinagot ko kay Anjo. Nagsimula na kaming kumain at nang matapos na ay iniligpit na ni Anjo ang aming pinagkainan. Mabilis siyang naligo at nagbihis ng damit. Nasa kusina pa rin ako at naghuhugas ng pinagkainan nang puntahan niya ako.
Tinawag ako ni Anjo at lumingon ako sa kaniya. “Aalis na ako, Lally. Iyong gamot mo, ha? Huwag mong kakalimutan. Inilagay ko na sa lamesa,” paalala niya. Tuwing umaalis siya ay hindi niya talaga nakakalimutan akong paalalahanan tungkol sa aking gamot.
“Oo. Iinumin ko iyon. Tatapusin ko lang itong ginagawa ko. Maraming salamat!”
“Saka huwag kang masyadong magkikilos dito, ha. Huwag kang gagawa ng mabibigat na gawain. Kung sakaling may maramdaman kang hindi maganda ay tumawag ka agad sa akin.” Mas lumapit pa siya sa akin at niyakap ako nang mahigpit. “Mahal na mahal kita, Lally.”
BINABASA MO ANG
Cheaters
RomanceNaghiwalay noon sina AVA at ANJO dahil sa kagustuhan ni Ava na makapagtapos sa pag-aaral. At sa paglipas ng maraming taon ay muli silang nagtagpo. Ngunit hindi na pwede ang lahat sa kanilang dalawa. Kapwa sila nakatali na ngunit hindi masaya sa kani...